"Close your eyes! Hindi na sorpresa kung makikita mo kaagad!" Natatawa nitong gunita. Nakangiti ako sa ideya na tumatakbo sa aking kukote. Kung ano-anong mga bagay na hindi imposible, ngunit malayo rin na mangyari sa kasalukuyan. Kapag tinanggal ba niya ang takip sa aking mata, makakakita ako ng magandang lugar na punong-puno ng rosas? Naiisip ko na magkatapat kami sa buong gabi habang magkahawak ang aming mga kamay. Sa ilang taon na nakasama ko siya, baka makakita pa nga ako ng isang sorpresa. Paano kung bigyan na niya ako ng permanenteng halaga? Singsing na ba ang ibibigay niya? "Ready?" Ako ay madaliang tumango at nang nagsimula nang sumingit ang ilaw sa aking paningin, nakita ko ang sarili ko na nakatayo sa isang bundok. Pamilyar ang lugar, kung masasabi nga'y hinding-hindi ko makakalimutan ang lokasyong ito. Palagi kaming pumupunta rito tuwing anibersaryo namin. Malamig ang simoy ng hangin, madilim ang kalangitan, may gubat at sa isang puno ay may gulong na nagsisilbing duyan. Katuwa-tuwang makita na halos walang nagbago sa lugar. Ito, dito nagsimula ang lahat.
Hindi man ito ang eksaktong lugar na aking pinapangarap para sa gabing ito, ang mahalaga ay kasama ko siya sa eksaktong lugar na sinimulan namin ang paglalakbay naming dalawa. "8 years." Sabi nito habang marahan na hinahaplos ang aking likod. Malayo ang tingin namin, ako'y nakatulala sa mga ilaw ng mga kakaunting bahay sa ibaba ng bundok. Isinandal ko ang aking ulo sa kaniyang balikat. Payapa. Isang salita na hindi ko inaakalang masasabi ko muli. Namalayan ko na lamang na patulo na ang iilang butil ng luha mula sa aking mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama sa minutong iyon. Napakasaya ko ngunit may sumasabit na iba pa. Takot, ito ang hindi ko matanggal sa aking sistema. Ipinikit ko ang aking mga mata, at yumakap sa kaniya. Alam ko na kung ganito ang sumasakop sa aking isipan, isa lang dapat ang aking sandalan. Sa walong taon, siya lang ang naging karamay ko sa lahat. Nandiyan siya sa bawat ligayang nararamdaman ko, lalong-lalo na sa mga panahong pakiramdam ko ay nawawala ako sa dilim. Hindi ko alam ang gagawin ko kung mawawala siya. Nalulunod ako sa sarili kong mga muni-muni.
"I love you." Bulong niya sa akin habang humihigpit pa lalo ang kaniyang yakap. Kahit ilang milyong beses niya ito gawin, hindi magsasawa ang aking kaluluwa na makaramdam ng seguridad sa kaniyang mga bisig. Nakikita ko sa aking nakapikit na mga mata, sa gitna ng kadiliman may isang pinto. Isa akong malikhaing tao, ang aking imahinasyon ay malawak at kakaiba. Madalas akong gumagawa ng iba't-ibang simbolismo sa aking isipan tungkol sa pangaraw-araw kong buhay. Ngayon, kitang-kita ko ang isang pintuan sa malayo. Isa itong puting pintuan at nakabukas ito nang kaunti. Sa siwang na iyon ay may maliwanag na ilaw na tila ba nagpupukaw ng aking atensyon. Ano kaya ang nasa kabilang dako nito? Liwanag lamang, isa siguro itong pahiwatig na kung ano man ang naghihintay sa akin sa kabila ay mabuti. Yumapak ako palapit. "Hindi ko pa ba nasasabi sa iyo na ikaw ang pinakamagandang babaeng nasa buhay ko?" Humigpit lalo ang kaniyang yakap kaya nabaon ang aking mukha sa kaniyang dibdib banda. Napangiti ako sa kaniyang sinabi. Palagi niya itong pinapaalala sa akin, wala nang bago. Ngunit sa tuwing lumalabas ito sa kaniyang bibig, parehas pa rin ang ligayang dala nito. Pakiramdam ko lumalakas ang loob ko sa tuwing titingin ako sa salamin. Ang aking hitsura na hinding-hindi magbabago, kinakaya ko itong titigan at maging komportable sa kung anong meron ako.
Bago ako muling yumapak papalapit sa maliwanag na pinto, tinamaan ako ng hilo. Hindi naman ako naapektuhan nito sa katotohanan, tila ba nawindang lamang ako. Hindi ko alam kung saan at bakit. "Ikaw ang pinakamagandang babae sa buong mundo." Paulit-ulit itong umalingawngaw sa kadiliman. "Mahal kita." Hindi pwedeng madapa ako. Para sa kaniya, aabutin ko ang pintuang iyon. Idinilat ko ang aking mga mata at tumingala sa kaniya. Hindi ako makapaniwala na nagawa akong mahalin ng isang tulad niya. "Hey, do you remember this place?" Kaniyang tugon at agad akong tumango habang inaayos ang mga maninipis na piraso ng kaniyang buhok. "Nakita kita dito, mag-isa at parang walang gustong lumapit sa'yo." Natawa pa siya habang nakatingin sa aking mga mata at hinahaplos ang aking pisngi. "Hindi ko nga alam kung bakit ayaw nilang makipagkaibigan sa iyo. Umaapaw ang kagandahan mo, mabait at matalino ka pa. Wala silang alam, hindi ba?" Litanya niya. Tumango naman agad ako at ngumiti. Ang aking atensyon ay nakadikit lamang sa kaniyang mga mata na napakaamo. Nakakalunod, ang kaniyang titig na kahit sinong dapuan ay mahihila sa isang malalim na pakiramdam ng ligaya.
BINABASA MO ANG
Pintuan
Mystery / ThrillerKitang-kita ang ilaw sa loob, hindi ba paiiralin ang kuryosidad? Ang mga tanong mo na masasagot na, hindi ba uunahin ang laman ng isipan? Buksan ang pintuan at ating tingnan. [One Shot]