Bata pa lamang ako ng magsimula akong makakita ng mga kaluluwang hindi nakikita ng ibang tao. Mga kaluluwang hindi matahimik, naglalaro, at may gustong ipahiwatig.
At sa kamusmusang iyon ay hindi ko inaasahang magbubukas ang aking 3rd eye o pangatlong mata na pinaniniwalaan ng marami na kapag bukas ito ay makakakita ka ng mga kaluluwa.
Sampong taong gulang pa lamang ako ng may magsimulang sumubaybay sa akin na kaluluwang hindi matahimik. Hindi ko alam kung ano ang nais niyang ipahiwatig. At syempre sa murang edad ito’y isang napakalaking palaisipan kung bakit may mga pangyayaring ganito sa buhay ng tao.
Ang karanasang ito ay matagal kong itinago sapagkat alam kong walang maniniwala sa akin, natatakot akong pagkamalang baliw ng mga nakakakilala sa akin o di kaya ng aking mga magulang.
3:00 am
Ng madaling araw ng magising ako dahil sa sobrang bigat ng aking pakiramdam. Hindi ko alam kung bakit? Ngunit may nararamdaman akong kakaiba sa aking likuran, napakabigat at halos ikaiyak ko na sa sobrang bigat. At ng tumayo ako upang uminom ng tubig dahil sa pag-aakalang pagod lamang ito sa paglalaro, napadaan ako sa aming salamin dahil kapag bababa ka mula sa itaas ay may madadaanan kang salamin. Laking gulat ko na lamang ng may nakaabang sa aking likod na isang “batang babae” na lumuluha ng dugo, nangingitim ang mga kuko, mahaba ang buhok at nakaputi. Sumigaw ako sa sobrang takot.
“Ahhhh…. Mama, papa may multo sa likuran ko!” wika ko.
Dali-dali akong umakyat, pagkaharap ko sa aking mga magulang ako’y namumutla, nanlalamig at natulala.
“Bakit anak? Anong nangyari sayo? Napapano ka? Bakit ganyan ang itsura mo? Magsalita ka!” wika ng aking mama.
Hindi ako makapagsalita, napipe ako sa sobrang takot. At pagkatapos noon ay humiga na lamang ako sa tabi ng aking mama at sa sobrang takot hanggang sa pagpikit ay hindi parin maalis sakin ang mukha ng batang babae na iyon, at natulog ako ng may kaba, takot at luha.
Maaga na ng magising kaming mag-anak ngunit nasa isip ko parin ang batang babae na iyon. Iniisip ko kung ano ang kanyang kailangan at bakit ganun ang kanyang itsura.
3:00 pm
Ng hapon ng pagpasyahan kong makipaglaro sa aking kaibigan. Pumunta kami sa kalsada upang doon magpiko para maluwag at walang abala.
“Ui, joy taya kana ha! Ang daya mo talaga, tingnan mo oh! Nasa guhit na ang pamato mo! ” sabi ko sa aking kaibigan.
“Oo sige, taya na ako. Ikaw naman..” tugon niya sa akin.
Tamang-tamang ihahagis ko na ang aking pamato para tumira ay may biglang pumigil sa aking kamay, malamig at sobrang lakas ng pwersa ng pagkakahawak. Natulala ako dahil paglingon ko ay naroon ang batang babae. Nanlilisik ang kanyang mga mata, tila galit na galit at may gustong sabihin, nagulat at natatakot ako dahil ang akala ko ay di na siya magpapakita, at ang takot na iyon ay hindi ko ipinahalata dahil ayokong magtaka ang aking kalaro. Nakatulala parin ako na tila huminto ang mundong ginagalawan ko, matagal na nakalutang ang kamay ko dahil sa pagkakahawak ng batang babae. Tinapik ako ng aking kaibigan na si joy.
“hoy!.. anong nangyari sayo? Anong tinitingnan mo diyan sa likod mo? Wala naman tao ah! Para kang praning, bigla-bigla kana lang natutulala hahaha… ” wika ni joy.
“ah! Wala.. wala.. hehehe” pa keme kong tugon.
Natauhan ako sa ginawa ng aking kaibagan, tinawanan pa tuloy niya ako dahil sa nangyari. Kaya lalo akong naging disperada na hindi ko ipagsasabi ang mga nakikita ko dahil alam kong hindi nila ako paniniwalaan.