Hanggang Kailan?
Marami na akong naging boyfriends. Pero ngayon lang ako na-inlove ng ganito sa isang lalaki. Yung tipong lahat ng pag-papapansin ginawa ko na. Kulang na lang ligawan ko siya at ang buong pamilya niya pati mga kamag-anak niya. Desperada na ba ‘ko? Hindi ko alam. Basta one thing’s for sure, mahal ko si Khel.
Nakilala ko siya sa bestfriend kong si Alecs, mag-pinsan kasi sila. Nung una, hindi ko siya napapansin. Gwapo siya pero wala pa sa isip ko non ang mag-boyfriend ulit o miski makipagkilala dahil two months pa lang mula nung nag-break kami ng ex ko. Ang nilalakad pa sa’kin nun ni Alecs, yung pinsan niyang si Raffy. Okay naman sana si Raffy. Gwapo siya at dancer pa, kaso medyo mahangin at mayabang. At dahil friendly si Khel at sweet, nakapanatagan ko siya ng loob. Lagi kaming magkatext. Tapos sinundo niya pa ‘ko sa school nung umuulan at wala akong payong. Inantay niya pang matapos ang class ko kahit gabi na. At sinabayan niya ko umuwi kahit hindi naman talaga yun ang way niya. Minsan iniisip ko kung sakin lang ba siya ganito o nature lang niya ang pagiging sweet? Masaya ako pag kausap o kasama ko siya. Nung una, crush-crush lang. Di ko naman alam na aabot pala sa ibang level. Hanggang sa na-realize kong na-i-inlove na pala ako sa kanya. Lagi siyang nasa isip ko. Siya na din ang bukang bibig ko. Tapos na-mi-miss ko siya ‘pag hindi kami magkausap at mag-katext. Akala ko, mutual yung nararamdaman niya dahil super sweet din niya sa akin. Yun pala, hindi…
Dumating sa point na umamin ako. Kumbaga, klinaro ko sa kanya yung feelings ko. Medyo nalilito na kasi ako. Pero nabigo ako dahil sabi niya, mahahanap ko din yung para sa akin, yung hinahanap kong prince charming, at hindi daw siya ‘yon. Nasaktan ako ng sobra at nalungkot. Pero tinanggap ko na lang dahil wala naman akong magagawa eh. Ayaw ko namang ipilit yung sarili ko sa kanya. Isang bagay lang ang tumatak sa utak ko after naming mag-usap. Sabi niya, “Walang magbabago ha!” Kaya tinadaanan ko naman ‘yon at hindi na ‘ko umasa. Friends lang talaga kami.
After ilang weeks, niyaya ako ni Alecs, yung bestfriend ko, na sumama sa kanilang umuwi sa Pangasinan para magbakasyon ng ilang araw. At dahil wala naman akong ginagawa sa bahay, sumama ako. Hindi ko naisip na andun pala si Khel. Sabi kasi nila hindi daw siya sasama kaya sumama ako. Tapos nagulat na lang ako kasi andun pala siya. Nung una, nagkakailangan kami. Hindi naman maiiwasan yun diba. Pero siya naman ‘tong lapit ng lapit at dikit ng dikit. Ako na nga ‘tong lumalayo, pero siya naman yung gumagawa ng way para magkatabi kami. Umatake na naman ang pagka-sweet niya. Nakakainis! Lalo tuloy akong na-i-inlove sa kanya kahit alam kong wala talagang pag-asa. Tabi kami sa van, tapos nung inaantok ako, hiniga niya yung ulo ko sa balikat niya sabay akbay. “Grabe! Ano ba talaga, Khel? Naguguluhan na naman ako. Ako lang ba talaga yung naglalagay ng malisya o meron talaga?”
Madaling araw na nung dumating kami sa Pangasinan. Undas 2011 pa nga yun eh. Horror pa yung palabas sa TV. Saglit lang kami nag-ayos ng gamit tapos tabi-tabi na kami natulog. Si Alecs, yung kapatid ni Khel na si Angela, ako at si Khel. Hindi ko inasahan na may mangyayaring kababalaghan nun. Nagising kaming 4 sa ingay nung isa nilang pinsan. Grabe kasi humilik eh. Nagtawanan pa nga kami. 4am na yun sa pagkakatanda ko. Bumangon si Khel para mag-cr. Sinundan ko siya ng tingin tapos pumikit na ko ulit. Nagulat ako kasi habang natutulog ako, bigla akong niyakap ni Khel. Medyo nagising ako syempre. Pero hindi ko na lang pinansin dahil baka nananaginip lang siya. Kunwari na lang walang nangyari. Kinaumagahan, kinuwento ko agad kay Angela at Alecs yung nangyari. Kilig na kilig pa nga sila kasi baka daw may gusto na si Khel sakin. Alam mo naman ang mga babae, malisyosa din kung minsan. Ayaw kong isipin na tama sila pero malay ko nga di ba? Baka gusto na ako ni Khel. Napangiti na lang din ako. It was a long and tiring day. Ang dami naming activities. Kung saan-saan kami nagpunta nun. Kasama ko si Alecs, Angela, Khel at yung iba pa nilang pinsan. Nag-picture-picture kami tapos nag-libot, kumain at gumala. Isang nakakapagod na araw pero masaya. Kinagabihan, doon kami natulog sa bar ng Tito ni Alecs. Ako, si Angela, si Khel at si Alecs. Habang yung iba dun ulit natulog sa tinulugan namin nung isang gabi. Uminom kami pero konti lang. Si Alecs lang ang medyo nalasing kasi madami siyang nainom pero tolerable naman. Tabi-tabi ulit kaming natulog. Si Khel, ako, si Angela at si Alecs. Saglit lang kami nag-kwentuhan tapos nakatulog na rin kami. Maya-maya, habang masarap ang tulog nung dalawa. Bigla na naman ako niyakap ni Khel. Hindi ko ulit pinansin. Hanggang sa hinalikan niya ‘ko sa pisngi tapos sa noo at sa labi. Hindi ko na alam ang gagawin ko! Kinikilig ako pero puno ako ng takot. Ang daming tanong sa utak ko nun. “Bakit mo ko hinahalikan, Khel?” “Gusto mo na ba ‘ko?” Habang hinahalikan niya ‘ko, kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Tinigil ko ang paghalik niya at tinanong ko siya ng pabulong kung bakit niya ginagawa yun. Hindi siya umimik. Sabi ko ulit, “Bakit nga?” Tapos sabi niya, “Ano?!” Yun lang ang narinig ko mula sa kanya. Maya-maya, hinalikan niya ulit ako. Mas matagal na kaysa sa una. Gusto kong itigil dahil alam kong mali ‘to pero dahil mahal ko siya, tinuloy ko na lang. Paulit ulit naming ginawa yon ng gabing yon. Hanggang sa nung huling beses na, biglang gumapang ang kamay niya. Pumunta sa maselang parte ng katawan ko. Doon na ako natigilan. Hindi na tama ‘yon, ayoko na. Inawat ko na siya at sinabi kong ayoko na. Tumigil naman siya at niyakap na lang ako. Natuwa ako dahil hindi siya namilit at niyakap niya pa ako. Walang kamuang-muang ang dalawa naming katabi sa pangyayari.
Kinabukasan, nagising kami na parang walang nangyari. Syempre, deep inside, masaya ako. Agad naman akong nagkwento sa dalawa naming kasama. Kilig na kilig sila sa pangyayari. Miski ako ay sobrang masaya. Kaso, ang dami paring tanong sa utak ko eh. “Bakit, Khel? Anong ibigsabihin nung kagabi?” Mga tanong na gusto kong masagot. Pero nagtataka ako dahil para kay Khel, parang wala lang yung nangyari. Parang hindi niya nga ata natatandaan o wala ata siyang pake. Naisipan nung dalawa na komprontahin si Khel nang hindi ko alam. Kung hindi ko pa pinakelaman yung cp ni Alecs, hindi ko makikita na magka-text sila ni Angela at pinaguusapan yung nangyaring komprontasyon.
ANGELA: Grabe. Kawawa naman si Emsy pag nalaman niya ‘to. L
ALECS: Oo nga eh. Ang gulo talaga ni Khel. Tss.
Dito na namin nalaman ang totoo.
ANGELA: Khel, gusto mo ba si Emsy?
KHEL: Hindi nga.. May niliigawan ako di ba?
ANGELA: Pero nag-kiss kayo ni Emsy?
KHEL: Huh? Anong pinagsasabi mo, ate?
ANGELA: Nag-kiss ba kayo?
KHEL: Hindi noh!
ALECS: Hindi nga?
KHEL: Hindi nga! Grabe kayo!
ANGELA: Pinky swear? (inabot niya yung pinky niya)
KHEL: Hala! Hindi nga. Sus! (nag-walk out si Khel)
Hindi raw niya talaga ako gusto at may nililigawan pa raw siya. Itinanggi niya yung nangyari. Sadyang sweet lang daw siya sa lahat. Ang sakit! Umiyak ako ng malaman ko ‘yon. Sobrang sakit ng nangyari. At sobrang sakit na nalaman kong tinanggi niya pa lahat. Mabuti na lang at hindi ako pumayag na ibigay yung “bagay” na yun sa kanya. Hanggang sa pag-uwi sa Manila, bitbit ko yung sakit. Hindi ko siya kinakausap o pinapansin. Pero parang wala lang talaga sa kanya. Kung tratuhin niya ko, parang ganun pa rin. Talagang kaya niyang panindigan yung katagang “Walang magbabago ha!”.
Naging mailap na ako pagkatapos nun. Medyo umiiwas na din ako kila Alecs. Hindi na ako sumasama sa mga lakad nila. Ang awkward kasi talaga at hindi pa rin naghihilum yung sakit. Nag-sorry na si Khel sa akin pero hindi ko pa rin ‘yon nakakalimutan. Dala lang daw ng alak yun. Pero hindi naman siya lasing at T. Ice lang ang ininum namin. Hayy.. Mahal na mahal ko pa rin siya kahit sinaktan niya ‘ko. Sana lang ma-realize niyang ako na lang at wag na yong nililigawan niya. “Ang sakit.. Mahal pa rin kita, Khel. Sobra sobra. Maghihintay ako sa’yo.. Pero, hanggang kalian?”