OBRA MAESTRA

13 2 0
                                    


      “Hanggang ngayon ba naman ang kahibangan mo, Lorena? Sayang ang iyong pinag-aralan! Bakit hindi ka pumunta sa Maynila at bumalik sa dati mong pinagtatrabahuhan? Tingnan mo ang sarili mo. Mas matanda ka pang tingnan kaysa sa akin. Dadaigin ng kapal ng kalyo sa palad mo ang kapal ng hamba ng pintuan. Kontento ka naba sa mga gawaing bahay at simpleng esposa ng magsasaka mong asawa?”

      Malayo pa ako sa aming tarangkahan ay dinig na dinig ko na ang pagtutungayaw ni Lola Digna, ang ina ni mama. Hindi na bago sa akin ang mga linyang iyon. Memoryado ko na nga iyon kung tutuusin. Mula yata nang magkaisip ako ay hindi lang iisang libong beses ko iyong naririnig kapag dumadalaw sa amin si lola.Kung isa lang plaka ang bibig ni lola, tiyak na matagal na iyong gasgas at wala nang letra.

      Pumasok na ako sa aming bahay. Una akong lumapit kay lola at humalik sa kanyang kamay. Pagbaling ko kina mama at papa para magmano rin ay napansin kung nakatungo ang aking mga magulang. Alam kung nasasaktan sila sa sinasabi ni lola pero pinanaig ang katahimikan. Isa iyon sa maipagmamalaking natutunan ko sa aking ama’t ina. Kailan man ay hindi sila nanagot kapag pinagsasabihan. Pagkatapos magmano ay pumasok na ako sa sarili kong silid. Hindi na ako kailangan sa salas. Hindi ako tinuruan nina mama at papa na makinig at makisawsaw sa mga matatanda na may seryosong pinag-uusapan.

       Sa loob ng silid ay ibinaba ko sa katre ang aking gamit sa paaralan at nagbihis ng damit-pambahay.Pagkatapos niyon ay humanda na ako sa pagsasagot ng aming mga takdang-aralin sa eskwelahan. Ngunit habang pinipilit kung analisahin ang mga problema ko sa matematika, tila isang makulit na batang nagsumiksik sa aking isip ang isyu sa pagitan ni  lola at at ng aking mga magulang.
Ayon sa kwentong bukas na aklat na sa mata ng karamihan, laking-Maynila ang aking ina. Nagtapos daw si mama ng Fine Arts at kinilalang Cum Laude sa bantog na pamantasang pinag-aralan. Nagtrabaho siya bilang cartoonist sa isang sikat na istasyon ng telebisyon. Siya ang gumuguhit ng mga cartoon characters na binibigyang-buhay  sa animasyon ng mga panooring pambata. Si mama diumano ang may pinakaprogresibong karera nang mga panahong iyon.Doon ang mundo ni mama hanggang nakilala niya si papa na noon ay nakikipagsapalaran lang sa Maynila. Nahulog ang loob ng dalawa sa isa’t isa, nagpakasal hanggang sa ako ay isilang. Noon nagpasya si mama na umalis sa sirkulong kinabibilangan. Tumigil siya sa pagpipinta. Sumama siya kay papa dito sa Bicol at dito na nanirahan. Ang mga sumunod pang pangyayari ay kalabisan nang isalaysay pa. Kumbaga sa kasabihang ingles, the rest is history.

      Bakit nga kaya umalis sa pagguhit si mama? Wala pa akong nakikitang ipininta niya pero kahit ganun, sigurado akong mahusay nga siya talaga. Magaan at pulido ang hagod ng kanyang mga kamay kapag tinutulungan niya akong gumuhit ng mga proyekto at takdang-aralin ko sa eskwela. Hindi ko nga lang maiwasang mainsulto kapag tinitingnan nya ang aking sariling gawa, ngingiti at sasabihing “Naku, Jesseca! Sa papa ka talaga nagmana!”

       Si mama ay isang ulirang ina. Masipag siya at masinop sa bahay. Malinis siya sa katawan at kagamitan. Higit sa lahat, masarap siyang magluto lalo na ng laing na ginataan. Tiyak na gaganahan sa pagkain ang sino mang makakatikim niyon. Akala nga ng marami ay si mama at hindi si papa ang taal na taga-kabikulan.
Hay! Naisip ko lang ang laing ay biglang nang  kumalam ang aking tiyan. Ano kaya? Nakapaghanda na kaya si mama ng hapunan?

       Lumabas na ako ng aking silid. Wala na sa salas ang sesyon ng kongreso at  senado. Inilipat na iyon sa kusina at tila isinama na pati roon ang Korte Suprema at  Malacańang. Tulad ng dapat asahan, si lola pa rin ang maingay --- ang tumatayong  punong ehekutibo, lehislatibo at hudisyal. Ang aking ama’t ina ay tahimik pa rin na animo’y hinatulang kriminal. Narinig ko lang ang tinig ni mama nang tumingin sa akin para sabihing “Kain na,anak.”

          Isang buntong-hininga ang tahimik kong pinakawalan bago humila ng upuan. Laing ang ulam sa mesa pero mukhang hindi ako gaganahan. Si lola naman kasi...ang bibig ay daig pa ang rumaragasang bala ng machine gun!

       “Ikaw, Jesseca, ilang taon na lang at magkokolehiyo ka na. Doon ka sa akin sa Maynila titira. Mag-aaral kang mabuti at doon na mamamasukan. Huwag mo nang tularin ang ina mo na itinapon na ang ambisyon sa buhay.”

        Susko! Si lola talaga, pati ako’y idinamay!

        Pagkakain ay ako na ang nagligpit ng mga pinggan. Nang matapos iyon ay naglinis lang ako ng katawan at pumasok na sa silid. Doon na lang muna ako. Wala munang nuod-nuod ng telebisyon sa salas. Mahirap na. Baka sa akin pa mapatapat ang spot light ng sermong walang humpay ni lola Digna.

       Pagkagising ko kinabukasan ay wala na si lola. Umalis na raw ito sakay ng unang byahe ng bus pa-Maynila. Si lola talaga,oo! Ang misyon lang yata talaga sa pagbisita nito ay igisa ang aking ama’t ina. Pero in fairness to her, pinasalubungan niya ako ng bagong blusa at minatamis na leche flan.

        Masigla na akong pumunta sa kusina. May natira pang laing at iyon ang uulamin ko. Aba! Hindi ko iyon na-enjoy kagabi dahil sa lola kong bungangera. Peace, lola!
         
      “Nasaan po si papa, mama?” tanong ko nang kami lang ni mama ang dumulog sa mesa.

        “Nauna nang kumain at maagang pumunta sa bukid. May paani tayo ng palay ngayon. Maigi na ang maagap para malaki na ang matrabaho bago tumindi ang sikat ng araw.”

         Pagkakain ay inimis ko lang ang pinagkainan at sinimulan nang ipunin ang maruruming damit. Sabado noon, araw ng paglalaba namin ni mama.
Habang magkatulong na nagkukusot ng damit, hindi ko na naiwasang usisain si mama.

       “Bakit po ganun si lola?”

        “Huwag mong intindihin ang lola mo,anak. Hindi ka pa ba nasanay sa kanya? Maestra ang lola mo kaya sanay na sanay sa kaingayan. Mag-alala ka kapag tahimik siya at hindi nagsermon. Siguradong maysakit siya kapag ganun.”

          “Eh bakit nga po ba mama hindi ka na  bumalik sa pagpipinta? Malaki na naman ako. Kaya  ko nang alagaan ang aking  sarili. Saka nariyan naman si papa.”

        Bumuntong hininga ang aking ina.

    “. Di ko na kailangang lumayo at magtrabaho pa. Kahit magsasaka lang ang papa mo ay sariling lupa naman ang kanyang kinukultiba. Solo natin ang kita sa bukid. Hindi tayo kinakapos sa pera. Kahit paano ay nakakapagtabi pa kami ng para sa iyong kinabukasan.”

       “Pero sayang din ang iyong talento, mama. Hindi ko po tuloy nakita ang iyong mga obra.”

        Ngumiti si mama. Sa pagtataka ko ay tumayo siya at pumasok sa bahay. Nang bumalik siya ay may dala nang salamin. Iniabot niya iyon sa akin.

       “Tingnan mo ang salamin, Jesseca” , utos niya.

       Tumalima ako. Tulad ng inaasahan, ano pa ba ang pwede kong makita sa salamin? Siyempre pa ay walang iba kundi ang mukha kong maganda. Gusto kong mapatawa pero hindi ko ginawa, Seryoso kasi si mama.

         “Ngayon ay nakita mo na?”

          Nalilitong tumingin ako kay mama. Nagtatanong ang aking mga mata.

         “Noon ay gumuguhit ako ng mga pigura...ng mga walang puso, walang buhay at walang kaluluwang obra. Nagbago ang pananaw ko nang dumating ka. Para sa akin ang lahat ay sapat na. Paano pa ako gaganahan gumuhit kung alam kong hindi na lalabas na maganda? Jesseca, ang nakita mo sa salamin ang pinakamagandang likhang mayroon ako at lagi kong kasama. Ikaw  anak ang aking obra maestra!”

         Maluwang akong napangiti. Noon ko napatunayan na hindi lang sa pagpipinta at gawaing bahay magaling ang aking ina, siya rin ang the best mama. O, diba? Saan ka pa? Kay mama ka na!

Obra MaestraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon