August 18, 1991
11:09 pm
Dear Baby,
Hindi ko alam kung saan magsisimula. O siguro mas tamang sabihin kung paano ako magsisimula. Una sa lahat hindi ko rin inakalang gagawin ko ito—ang magsulat. But here I am, kahit sa lukot na yellow pad ay nagsimula ako. Maybe I'm desperate? You bet I am! Ang OC ko kaya. And yet, nagtiyaga akong magsulat sa isang hindi kagandahang papel. I should have used some stationery. Kahit hindi scented. Pero wala, eh. Wala akong ganoon ngayon hindi kagaya noong high school ako na sandamakmak ang koleksyon ko ng stationery. Iba-ibang design at karamihan ay scented. May amoy-candy, may amoy bulaklak, may-amoy strawberry or apple. At syempre pa, may katernong sobre. Hindi baleng maubos ang allowance ko basta mayroon akong bagong stationery. At take note ha, hindi ko sila sinusulatan. Iniipon ko sila. Collection ko sila. Masaya na akong kunin sila sa special box na pinaglalagyan ko sa kanila. Aamuyin. Hahaplusin ang design. They came in a variety of colors, too. I so loved them. Hindi baleng mag-skip ako ng recess para lang matipid ko ang baon ko. Masayang-masaya ako na sa oras ng uwian, dadaan ako sa suki kong school supplies at bibili ng stationery. Kasali nga sila sa iniyakan ko nang masira ng pag-agos ng lahar ang bahay at kabuhayan namin sa Bacolor.
Aw, I'm talking about my stationery here? Or should I say iyong pagkaubos nila? Parang ang labo ko lang. O parang ang defensive ko ba na magsabi tungkol sa stationery and yet, sa yellow pad ako nagsusulat ngayon. O baka nagpapaligoy-ligoy lang ako dahil sa totoo lang, hindi ko alam kung paano sisimulan sulatin ang laman ngayon ng puso at isip ko.
Okay, hingang-malalim.
Ayoko naman kasing mag-drama. Gusto ko sanang isulat ito na parang wala lang. Iyong parang pangkaraniwan lang itong pangyayari na kayang-kayang harapin at malampasan. But I know, I'm mocking myself. Dahil una sa lahat nagsusulat nga ako. Nagawa kong magsulat kasi wala akong kausap. Wala akong makausap. At wala akong maisip na may makikinig sa akin sa panahong ito.
May kaibigan ba ako? Looking back, madami naman. Ang dami nga, eh. Mga kaibigan na kasama sa lakwatsa. Sa kopyahan ng assignment. Barkada, yes. Lalo na noong high school ako. Solid. Four years ba naman iyon na kami ang magkakasama. Pero college na kami ngayon. Nagkahiwa-hiwalay na kami. At mas lalong nagkahiwa-hiwalay nang masalanta kami ng pagputok ng Mount Pinatubo.
Rephrase ko iyong tanong. May kaibigan ba ako ngayon?
Iginala ko ang tingin ko sa malaking kwarto na may tatlong double-deck beds. Lima lang kaming boarders doon. Bakante ang ibabaw ng mismong double-deck na inookupa ko. And right now, ni wala nga akong kasama. At iyon na rin siguro ang nagtulak sa akin sa pagsusulat kong ito. I'm alone here since Friday night. Sobra silang excited na nairaos nila ang prelim exams. Buong weekend sila na may kanya-kanyang lakwatsa. Ako man, katatapos lang ng prelims ko. Pero wala akong lakwatsa. Meron sana pero dahil sa masamang pakiramdam ko buhat pa noong isang lingo, hindi ko na lang itinuloy sumama sa aya ng mga kasama ko.
Akala ko nga pressured lang ako sa pagre-review para sa exam. Halos hindi ako kumain. Kungsabagay, wala nga akong ganang kumain lately. Nasusuka na nga ako sa mga "silog" meals. Simula noong June puro ganoon ang almusal, sino ba naman ang hindi masusuka lalo na kung madalas ay hanggang hapunan ganun lang ang pagpipilian kong kainin. Kasi hanggang ganoon lang din ang kaya ng budget ko. Ang gusto ko lang sana ay matulog. Pero hindi puwedeng puro tulog kung kailangang mag-review. Pero iyon nga, nanlalambot ako dahil na rin siguro sa pag-skip ko ng meals. Anhin ko na lang matapos ko ang mga exams at umuwi para matulog.
Which I did. Buong maghapon ng Sabado ay natulog ako. Gutom lang talaga ang dahilan kaya napilitan akong bumangon. Biernes pa pala ang huling kain ko. At Sabado na nang gabi nang gisingin ako ng kumakalam kong tiyan. For the first time in so many weeks, kinasabikan kong lantakan ang tapsilog na parang nakakatakam kainin habang inoorder ko sa katabing tapsihan nitong boarding house. Actually, nakain ko naman lahat. Feeling ko nga sarap na sarap ako. Kaya hindi ko akalaing isusuka ko lang pala iyon lahat nang makauwi ako.
I felt bad. Sayang yung kwarenta pesos ko. Para akong kumain ng bubble gum na pagkatapos manguya ay iniluwa din. Pero hindi ko naman gustong mangyari iyon. Excited pa nga ako kaninang kinakain ko iyon, eh. Nahiga na lang ako uli. At natulog nang wagas...