Simula ng Katapusan

78 0 0
                                    

  Ilang minuto bago sumapit ang bagong taong 2025 nagpapaputok ng ang karamihan sa mga tao.
Ngunit may iilan na piniling manatili na lang sa loob ng bahay upang manood ng telebisyon at upang maiwasan na lamang ang ingay at amoy ng paputok.

 Sa isang tahanan, nakaupo ang isang mama sa kanyang sofa set. Katabi ang serbesa sa kanyang kaliwa. Hawak ang barbeque sa isang kamay at ang remote sa kabila.
" Putragis naman. Bat ba pinapakanta tong anak ni Kris?
Andaming singer sa Pilipinas, yung sintunado pa papakantahin?!"
Nanood ang mama ng New Year's Celebration Program sa isang channel na nakasanayan ng gawin ng mga malalaking istasyon sa tv sa tuwing matatapos ang taon. 

  "Eh di "Tay wag mo panoorin! Ang galing galing kaya. Yan kaya ang bagong Daniel Padilla!", sabat ng anak niyang teenager na kasamang nanonood.

  Sa isang daan sa Maynila mayroong mga batang palaboy na pinapanood din ang naturang programa sa labas ng isang malaking tindahan ng tv. Habang nagpa-party ang mga nasa loob ng tindahan ay nakatulala naman ang mga gutom na bata na nabubusog ang mga mata sa mga naggagandahang artista. "Ang ganda talaga ni Ryzza Mae", bulong ng isa.

  Mayroon din namang nakasakay sa bus na may tv. Mga na-trapik. Sa dami ng tiangge, tindera ng paputok, at ano pa mang nakaharang sa daan kaya naman usad pagong ang daloy ng mga sasakyan sa EDSA. Kahit na gabi dapat ng pagdiriwang, kinakailangan nila kumita sa hirap ng buhay. Idagdag pa riyan ang mga bus na nag-aagawan ng pasahero at mga ginagawang daan na hindi natatapos. O natatapos lamang sa twing malapit na ang eleksyon.

  "Aabutin na ako ng bagong tao sa daan. Walang hiya naman. Ang hirap mag-send ng text pag ganitong panahon. All lines are busy now pa kapag tumawag ka," reklamo sa sarili ng isang pasaherong naiinip na walang magawa kundi manood ng tv sa bus. Ang programa ay tungkol sa mga pangyayari sa bansa na taong ilang minuto na lamang ay lilipas na.

Isang minuto bago ang bagong taon.

  Tumigil na ang mga sayawan at awitang mas maingay pa sa sinturon ni Hudas.
Lahat ay nakatutok sa mga telebisyon para sa New Year's Countdown.
Ang iba namang nasa party ay nakatingin sa naglalakihang monitor.
Nagsimula na magbilang pababa ang mga tao.

   30 seconds..29...28...
  Biglang kaluskos at nag-iba ang palabas sa tv. Nawala ang mga artista, mananayaw at mang-aawit. Sinubukang ilipat ng mama na may hawak na serbesa ang channel ngunit iisa lang ang pinapakita. Nagulat ang mga batang palaboy sa kanilang pinapanood. Nawala ang kanilang mga idolo. Ang mga natutulog sa bus ay bigla ring napamulat sa ingay ng kaluskos. Maging ang mga nagpaparty ay iisa lang ang nakikita sa loob ng naglalakihang screens.

   Ang Palasyo ng Malacañang.

  "Putragis Nyu Yir na Nyu Yir hahaluan ng pulitika! Mga epal talaga!", sigaw ng mama sabay lunok ng beer.

   May lumabas na imahe sa telebisyon. Isang lalaking naka-itim na long sleeves, nakasuot ng jeans sa pangilalim, nasa katamtamang laki ang pangangatawan at nakamaskara. Sa suot niyang maskara ay nahulma ang mukha ng bayaning si Andres Bonifacio. Hawak niya sa kanang kamay ang isang itim na switch na may iisang pulang button at kasing laki ng isang cellphone.

  "Cosplay oh!" sigaw ng mga batang palaboy. "Tangek iyan yung patron dun saan tayo binabawalang pumasok. 'Dun sa maraming mayamang inglisero sa Taguig!" sabat ng isa sa mga bata.

    Nagsalita ang lalaking naka-itim. May kalaliman ang boses.
Banayad ang pagsasalita hanggang maging pasigaw sa huli.
"Mga kababayan saglit naming pinuputol ang inyong pinapanood para sa isang mahalagang pangyayari. Ito ang araw na aalisin namin ang sumpa sa bansang ito! Kami ang bagong Katipunan!!!" Pagkatapos nito ay pinindot ng lalaki ang hawak niyang switch.

   Kasabay nito ang pagsabog ng Palasyo ng Malacañang.
Parang eksena sa pelikula ni Michael Bay sa kanyang ikatlong reboot version ng Transformers.
Ang tahanan ng Presidente ng Pilipinas ay nawasak. Ang simbolo ng kapangyarihan sa bansa ay nagkapira-piraso. Dalawang daan pitumpu't limang taong haligi ng kasaysayan ang nagwakas. Kasabay ng pagsabog nito ay ang mga fireworks mula sa mga nagdiriwang ng bagong taon ang pumailanlang sa kalawakan.

    Hindi alam ng mga kabataang nagpa-party kung totoo ba ito at hindi. Kung ano na naman bang pakulo ito ng mga pulitiko. Nakanganga ang mamang habang kagat ang pulutan katabi ang anak na nagulat din sa pangyayari. Napatigil ang mga bus na may telebisyon sa pangyayari. Tuwang tuwa ang mga batang pulubi sa pag-aakalang ito ay isang eksena sa pelikula. 

    Muling nagpakita ang lalaking nakamaskara at nagsalita.
   "Mga kababayan, sawa na ba kayo sa kahirapan? Sa mga pulitikong paulit ulit na nangangako ng kasaganaan? Sawa na ba kayo sa mga senador, kongresista, alkalde, hepe ng pulis at mga tauhan ng gobyerno na ang tanging ginagawa ay magnakaw. Bilyon, milyon, libong piso at ano ang natitira sa inyo, sabaw? Hacienda Luisita, Mendiola at Ampatuan massacre. Nasaan ang hustisya? Ilang buhay pa ang kailangang mawala? At nasaan ang mga may sala? Lahat sila namumuhay ng malaya! Ito ang simula ng ating tunay na paglaya! Kamatayan sa gobyerno at sa oligarkiya! Samahan niyo kami sa ating laban patungo sa kalayaan! Maligayang bagong taon sa inyong lahat."


   At natapos ang palabas. Hindi na muli pang pinakita ang mga artistang nagsasayawan. Nagulat ang sambayanan sa nasaksihan. Hindi nila nauunawaan na bukas sa kanilang paggising ang bansang Pilipinas ay hindi na magiging tulad ng dati sa taong dalawang libo't dalawampu't lima. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 19, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PILIPINAS 2025Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon