Pasimula

489 12 1
                                    

Anghel Sa Lupa

Pasimula

          Ginabi na naman ako nang uwi. Siguradong madilim na naman sa daraanan ko. Bakit kasi ayaw pa ipagawa ng kapitan namin 'yung mga ilaw ng poste? Hindi ba nila alam na maraming gago dito sa 'min?

            'Pag dating ko sa kanto ng street namin ay huminga muna ako nang malalim bago nagsimulang maglakad. Masyadong madilim dito at kung malabo talaga ang mata mo ay malamang wala ka nang makikita pa.

            Maingat ang bawat hakbang ko. Takot na magkamali nang lakad at bigla na lang matapilok. Biglang nagtaasan ang mga balahibo ko nang may maramdaman akong naglalakad sa likuran ko. Ang bilis nang tibok ng puso ko. Para akong nakikipaghabulan sa ilang kabayo.

            Huminto ako at pinakiramdaman ang tao sa likuran ko. Hindi ko alam kung tama ba ang pakiramdam ko o nadadala lang ako nang takot ko. Natatakot akong tumingin sa likuran ko pero pakiramdam ko ay papatayin ako ng imahinasyon ko kung hindi ko titingnan kung sino o ano 'yung nasa likuran ko.

            Huminga ako nang malalim at saka nagbilang hanggang tatlo at dahan dahang lakas loob na tiningnan kung ano ang nasa likuran ko. Nakahinga ako nang maluwag ng wala akong makita. Para akong nabunutan nang tinik.

            Napatitig na lang ako sa nakita ko nang humarap na ulit ako sa daan na tinatahak ko kanina. Hindi ko alam kung ilusyon ko lang ba ito dala ng takot o sadyang nakakakita talaga ako ng lalaki na may pakpak?

            “T-tulong.”

            Napaatras ako ng kaunti nang magsalita ang lalaki. Kinakabahabn na kinuha ko ang cellphone ko sa bag at binuksan ang flashlight nito. Itinapat ko sa lalaki ang ilaw para makita ko siya nang maayos.

            Kaagad kong napansin ang duguan niyang balikat. Natatakot man, pinilit ko pa rin na lumapit sa kanya at bigyan siya nang tulong.

            “A-ano’ng nangyari sa iyo?” nauutal na tanong ko.

            Bago pa siya makasagot ay nawalan na siya nang malay. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas para maiuwi siya sa bahay ko. Mabuti na lang at solo ko ang bahay, wala akong kasambahay na pagpapaliwanagan kung ano ang nangyari. Dahil hindi ko rin naman alam kung paano ipapaliwanag kung ano ito.

            Lumapit ako sa lalaking nakahiga sa kama ko. Guwapo siya at mukhang mabait. Tiningnan ko ang likuran niya. Hinanap ko kung saan nakadikit ang pakpak niya pero wala akong makita. Ang tanging nakita ko lang ay tila laman na nagdudugtong sa likuran niya at ng pakpak.

            Napansin ko ulit ang dugo sa braso niya. Tiningnan ko nang maigi kung ano ang dahilan nang pagdudugo. Hindi ko sigurado pero parang tama ng baril. Ch-in-eck ko kung humihinga pa siya.

            “Buhay pa siya. Kailangan kong tumawag ng doctor. Hindi. Kailangan ko siyang dalhin sa ospital.”

            “H-huwag!”

            Napatingin ako sa lalaki. Gising na siya.

            “A-anong huwag? Kailangan mong magamot. Baka ikamatay mo pa 'yan,” nag-aalalang sabi ko.

            “Hayaan mo lang akong makapagpahinga,” nanghihinang sagot niya at saka nakatulog ulit.

            Pinanood ko na lang siya sa kanyang pagtulog. Inaantok ako pero hindi ko magawang matulog. Paano kung matulog ako at magising siya at may gawing hindi maganda sa akin? Hindi ako makatulog dahil sa mga tanong na umaandar sa utak ko.

            Lalong nagising ang diwa ko nang makita kong bumuka ang pakpak niya at bigla siyang umangat sa kama. Ilang saglit pa ay binalot na siya ng pakpak niya. Nagmistulang pupa siya pero nakalabas ang ulo niya. Tumayo ako para tingnan nang mabuti kung ano ang nangyari. Sinubukan ko siyang hawakan pero may mahinang kuryente na bigla na lang dumaloy sa katawan ko nang dumikit ang daliri ko sa pakpak niyang nakabalot sa kanya at bigla na lang dumilim ang paligid.

            DAHAN-DAHAN kong dinilat ang mga mata ko. Nag-inat ako nang tumayo ako sa sofa na nakatulugan ko. Sa sobrang pagod ko yata kagabi ay dito na ako nakatulog. Tiningnan ko ang kama ko. Naalala ko tuloy 'yung napanaginipan ko na may inuwi daw akong kakaibang nilalang dito sa bahay ko. Napailing na lang ako dahil ang weird no’n.

            Napakurap kurap ako nang may makita akong lalaki na nagsasalamin sa banyo ko.

            “Ikaw 'yung guwapong anghel sa panaginip ko kagabi,” sinampal simpal ko nang mahina ang pisngi ko, “Tulog pa ba ako?” tanong ko sa sarili ko.

           “Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin kagabi, binibini,” malumanay na sabi niya at saka yumuko. “Ako nga pala si Angelo.”

            “Angelo?” Payak na tumawa ako. “Tulog pa nga siguro ako. Panaginip lang naman 'yong kagabi, e.”

            Lumapit sa akin si Angelo at kinurot ako sa braso.

            “Aray!” Napatitig ako sa kanya. “Shit! Totoo ka?!” sigaw ko.

            “Magandang umaga,” nakangiting bati niya.

            Tiningnan ko siya nang maigi. Parang normal na tao na siya. Wala na ang pakpak niya. “Nasaan na 'yung pakpak mo? Costume lang 'yun, 'no?” Luminga ako sa loob ng banyo pero wala akong nakitang pakpak. Tumingin din ako sa loob ng kuwarto ko, pero wala rin. “Tinapon mo na?”

            Umiling siya at saka lumabas ng banyo. Pumuwesto siya sa isa isang gilid ng kuwarto at saka ngumiti sa akin. Napanganga ako sa mga sumunod na nakita ko. Unti unting lumabas ang pakpak niya. Gumagalaw ito at unti unti siyang inangat sa kinakakatayuan niya.

            “A-ano ka?”

            “Isa akong anghel.”

            “Anghel? A-anghel dito sa lupa?”

            Tulog pa siguro ako. Paano naman magkakaroon ng anghel sa lupa?

A/N: This is my entry for my two weeks short novel challenge. So, I'll try to finish this in two weeks. :D 

Anghel Sa LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon