Sa kaharian ng Namek ay may nakatirang isang Prinsesa. Maganda siya! Totoo yun! Siya si Rosa Lynne. Kasing ganda siya ng bulaklak. Yung mga mata niyang ngumingiti din. Yung mukha niyang kasing kinis ng porselana. Yung mga pisngi niyang parang laging may blush-on. Isama nyo na din yung mga mapupulang labi niya. Isa talaga siyang pantasya ng karamihan sa mga kalalakihan sa kaharian.
Ngunit, kung anong ikinaganda niya ay siya namang kabaligtaran ng ugali niya. Wala siyang pakialam sa nararamdaman ng nasa paligid niya. Sinisigawan niya ang kanyang mga tagapaglingkod pag nagkakamali ito o hindi nagagawa ang kanyang nais. Marami na rin siyang napatalsik na mga tagapaglingkod niya dahil sa kawalan niya ng puso. Naninipa siya ng mga nananahimik na hayop na makikita niya. Hindi niya alam ang salitang 'Salamat' at 'Patawad'.
Sa likod ng mga mapapangit na ugali niya ay nagtatago ang ugali niyang pagmamahal sa hardin. Actually, HARDIN NIYA.
Yes! May sarili siyang hardin na tinatawag niyang Garden of Rosa Lynne. Madalang siyang lumabas . Ayaw niyang makihalubilo sa ibang tao. Mas gugustuhin niya pang titigan ang mga alaga niyang bulaklak pati na rin ang mga paru-paro doon.
Ngunit, sa kagandahan ng Hardin na yun ay may isang pinto doon na hindi niya pa napapasukan. As in NEVER niya pang napupuntahan.
Nung tinanong niya ang kanyang ama tungkol doon ay tanging ito lang ang nasagot nito - "Huwag na huwag kang papasok sa lugar na yun Mahal kong Prinsesa."
Ngunit matigas ang ulo niya. Hindi siya nakinig sa sinabi ng kanyang AMA. Sa sobrang kuryosidad niya ay nilabag niya ang utos sa kanya ng kanyang ama. Gumawa siya ng isang kalokohan para malinlang ang kanyang mga tagapaglingkod at mga bantay niyang kawal na nakapaligid sa kanya kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makapasok sa loob ng sekretong lugar. Ang tanging tumatakbo sa kanyang isip nung mga oras na yun ay 'May tinatago sa kin ang aking ama!'
Pagpasok niya sa loob ng sekretong lugar ay tanging isang maliit na sapa ang kanyang nakita. Maliit lang ang lugar na yun at may mga bulaklak din sa paligid nito.
Tumingin siya sa mismong sapa at nagulat siya sa kanyang nakita.
Wala siyang puso ! Yung literal na wala siyang puso!
Tinitigan niya lang ang reflection niya sa sapa. Nanlaki ang kanyang mga mata at sumigaw kaya naman ay nagsipuntahan ang kanyang mga katulong at gwardiya sa kinaroroonan niya.
Umiyak siya ng umiyak sa loob ng kwarto niya. Nawalan din siya ng gana sa pagkain. Sa sobrang pagkabahala ng kanyang ama ay pinutahan siya nito at kinausap.
"Ama! Nakita ko! Nakita ko sa repleksyon doon sa sapa na yun na wala akong puso. Butas ang nasa bahaging ito" sabi niya sabay turo pa sa bandang puso niya.
"Wala akong puso ama! Wala akong puso! Nasan ang puso ko?!" tanong ng prinsesa sa kanyang ama habang patuloy padin sa pag-iyak.
Ipinaliwanag ng kanyang ama ang sapa na yun. Iyo ang Sapa ng Katotohanan. kung anong hindi nakikita sa panlabas na anyo ng tao ay makikita dito. Mahiwaga ang sapa na yun. Alam ng Hari ang ugali ng kanyang pinakamamahal na Prinsesa kaya't sigurado siya na pag nakita nito ang sarili sa sapa ng katotohanan ay magugulat ito. At hindi nga siya nagkamali.
Nagkulong ang Prinsesa sa loob ng kanyang silid. Madalas ay hindi ito kumakain.
Nang puntahan ito ng Hari sa kanyang silid ay wala ito. Walang tao sa loob ng silid ng Prinsesa. Pati ang mga katulong at bantay nito ay wala din. May nakapagsabi na nawawala daw ang Prinsesa at hinahanap ito ng mga katulong at bantay niya.