Sa Daungan

152 46 159
                                    

Philippines, 1953


“Ayan na sila!” sigaw ng isang ginang habang winawagayway pa sa ere ang mga kamay niya. Awtomatiko rin namang napatayo ang lahat ng naghihintay sa daungan at winagayway rin ang mga kamay sa ere.

Tumambad sa harapan namin ang isang barkong lulan ang iba’t ibang uri ng pampalasa at may iilan ring pasahero. Hinigpitan ko ang hawak sa abanikong nakatakip sa mukha ko. Iba ang sinag ng araw ngayong alas nueve ng umaga. Tila napapaso ang aking balat kahit sayad na sa lupa itong bestidang ipinasuot sa akin ni ina. Ako lang rin ang nakasuot ng bestida rito. Ayaw ko nga sana pero talagang mapilit si ina. Napakaespesyal raw nitong araw na ito.

Paisa-isa ng lumalabas ang mga pasahero. Napabaling ako kay Pinang, ang aking alalay na matalik ko ring kaibigan, pinapayungan niya ako laban sa init ng araw. Nakikisilong na rin siya dahil na rin hindi na niya makayanan ang init.

“Pinang, andiyan pa ba ang sasakyan? Baka pupwede na naman akong maunang umuwi. May paa naman siya, hindi ba?” pagmamakaawa ko kay Pinang.

“Consti,” tawag niya sa aking palayaw, “Makikita mo na ang mapapangasawa mo! Hindi ka ba nasasabik? Sobrang galante niya naman sa litrato, hindi ba?” nakuha niya pa akong tawanan.

Napabuntong-hininga ako, “Oo nga’t galante siya ngunit ayaw ko sa kaniya,” saad ko.

“Hindi naman ito dahil kay Andres, hindi ba? Ikakasal ka na Consti,” pagpapaalala sa akin ni Pinang. Umiling na lang ako at hindi na umimik dahil paniguradong sesermonan niya lang naman ako.

Bigla kaming napalingon sa kung sino man ang dahilan ng nangyayaring komosyon sa paligid. Pababa na ng barko si Robert dala-dala ang kaniyang mga bagahe. Nakasuot siya ng magarang kasuotan at isang sombrero bilang panangga sa init ng araw. Naglalakad siya sa aming direksiyon habang rinig na rinig ko ang bulungan ng mga tao.

“Siya na ba ang mapapangasawa ni Constancia? Aba’y napakagandang binata.”

“Tama ka diyan. Napakaswerte naman niya. Talagang hindi basta-basta ang pinili ng kaniyang mga magulang.”

“Tubong Amerika ang mapapangasawa niya. Dugong bughaw! Kaya pala kulay ginto ang buhok.”

Nagpatuloy ang mga bulong-bulongan habang nasa harapan na namin si Robert. Ibinaba niya ang kaniyang mga bagahe at nagsilbing galang sa amin. Kinuha niya ang kaniyang sombrero’t itinapat sa kaniyang dibdib.

“Magandang umaga señora,” pagbati niya. Umayos siya ng tayo at kinuha ang aking kamay upang ito’y halikan. Ako naman ang nagbigay galang at yumukod sa kaniya.

“Magandang umaga rin señor,” bati ko. Kinuha ko ang abaniko ko’t tiniklop iyon. “Ikinagagalak kong ika’y makilala,” pinilit kong ngumiti. Pinakilala na rin ni Pinang ang sarili niya kay Robert at iginiya na siya papunta sa aming sasakyan.

Sa daan pauwi ay hindi ko maiwasang hindi siya pag-aralan. Matangkad siya, kulay asul ang mga mata pero hindi ako sigurado dahil mas nagiging kulay berde kapag natatapat sa araw, kulay ginto rin ang kaniyang napakaayos na buhok. Tama nga sila, napakagalante nga niya. Tumitingin-tingin pa siya sa mamahalin niyang relo na parang hindi mapakali.

Siniko ako ni Pinang kaya naman napalingon ako sa kaniya.

“Napakakisig niya Consti,” bulong ni Pinang sa tainga ko dahil katabi ko naman siya, habang sa kaliwa ko nama’y si Robert. “Kung ayaw mo sa kaniya, sa akin mo na lang ibigay,” dagdag pa niya na parang kinikilig.

“Maghunos-dili ka Pinang. Isang babala ang magagandang tanawin tulad niya,” bulong ko rin sa tainga niya.

Lumipas ang bente minutos at sa wakas ay nakarating na rin kami sa mansiyon. Dumiretso na ako sa aking silid at pinabayaan si Robert sa mga katulong. Hindi pa siya kumakain ng almusal kaya paniguradong didiretso muna siya sa hapag.

Sa DaunganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon