CHAPTER TWO - Part 1

1.1K 55 3
                                    

"O? AKALA ko ba uuwi ka para mag-practice?" gulat na tanong ni Mhay ng magkasalubong sila nito sa campus.

Hindi siya nakakibo.

"Alam ko na, nagtalo na naman kayo ng nanay mo," hula nito. Bilang malapit niyang kaibigan, hindi kaila dito ang sitwasyon nilang mag-ina.

"Ganon na nga," sagot ni Darlene.

"Hay naku, 'yang nanay mo talaga. Intindihin mo na lang, baka pagod lang din 'yon," payo ni Mhay.

Marahan lang siya tumango.

"Ang mabuti pa, sumama ka na lang sa akin. Pupunta ako kila Julianna, may usapan kasi kami na magpa-practice. Nandoon daw 'yong vocal coach na kinuha ng Mommy niya. Tutulungan daw tayo sa pag-practice ng songs," suhestiyon nito.

"Naku, okay lang ba sumama ako? Nakakahiya naman," aniya.

"Ano bang nakakahiya? Halika na, para hindi lang school-bahay ang napupuntahan mo," sabi nito sabay hila sa kanya.

Mula doon sa JHIU ay muli na naman siyang bumyahe pabalik, nilibre pa nga siya ni Mhay ng pamasahe para daw hindi na mabawasan ang pera niya. Pagdating doon sa Tanangco, agad naramdaman ni Darlene ang magaan na atmosphere sa lugar na iyon. Minsan lang siya nakapunta doon at literal na dumaan lang siya sa kalyeng iyon. Kung magaganda ang bahay sa lugar nila, mas maganda ang mga bahay doon. Pero may mga bahay naman na parang gawa sa kubo, simple pero may pagka-elegante pa rin. Tila naghalo ang makaluma at modernong istilo ng mga bahay. Siguro kung may kaibigan siyang nakatira doon, baka palagi siyang naroon. Si Julianna naman ay kailan lang niya nakilala, nang makasama ito sa cast ng musical play.

Hindi maiwasan ni Darlene ang mapangiti siya dahil sa makukulit at unique na pangalan ng mga establisyimento.

"Magandang hapon mga magagandang dalaga," magiliw na bati ng isang makulit at may edad na bading.

"Good afternoon po," nakangiting sagot niya.

"Uy tara, bili muna tayo ng maiinom. Sabi nga pala ni Julianna, dito tayo sa Paraiso ni Olay magkita, wala pa daw kasi siya sa bahay nila. Umalis sila saglit ng Mommy niya pagkatapos ng meeting natin," sabi ni Mhay.

"Sige," pagpayag niya.

"Mga anak, ano bang gusto ninyo?" tanong ng tindero.

"Softdrinks po sa akin, ikaw Darlene?"

"Mineral water lang, hindi ako puwedeng uminom ng malamig," sagot niya.

Agad na kumuha ng softdrinks at mineral water na hindi malamig ang bading na tindero. Matapos magbayad ay nanatili sila muna doon at hinintay si Julianna.

"Mga hija, maupo muna kayo habang naghihintay," alok ng bading saka binigyan sila ng dalawang plastic na upuan.

"Ay salamat po," sagot niya.

"Mga kaibigan ba kayo ni Julianna?" tanong nito.

"Opo, kasama niya po kami sa musical play," sagot ni Mhay.

"Ay kaya naman pala, ayaw ng malamig ni ganda," biro pa sa kanya nito.

Ngumiti siya dito. "Opo, baka po kasi malatin ako," sagot niya.

"Ako nga pala si Olay, tawagin n'yo na lang akong Tito Olay. Nasa grocery pa si Julianna kasama ang Mommy niya, pero mayamaya lang darating na rin 'yon," sabi pa nito.

Love Confessions Society Series 3: Steven Santos (Tanangco Boys Batch 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon