INGAT

166 15 8
                                    

"Ingat ka," hindi 'yan para sa'yo.

Ingat ka dahil ubos na 'yang baon mo. 

Pagtunog pa lang ng plastik, umpisa na ng gulo. 

Hala ka, sa unang kagat ka lang dahil wala nang ititirang iyo.

Ang crush ng isa, crush ng lahat. 

Kapag papalapit na siya, ubos na iyong balikat. 

Dahil sa kilig, kamay nila'y lilipad. 

Ingat ka, 'sang daang kamay sa likuran mo'y lalapag!

'Pag alam na nila kung sino ang crush mo, 

manganganib na ang pinakaiingatang sikreto. 

'Pag si crush nang daraan sa harap niyo, 

buking ka na dahil sa kanilang mga tukso.

Seryoso, abnormal, at bipolar din ang iba. 

Iba-iba pero salamin ang isa't isa. 

Kung shunga ang isa, ang lahat ay loka-loka. 

Iba-iba ang katauhan ngunit nagkakaisa.

Subukan mong kumuha ng sariling litrato. 

May halimaw lang namang makikita sa likuran mo. 

Sa iyong selfie, ika'y napakaseryoso. 

Ingat ka, sa larawan mo na'y may nuno sa punso.

Kunyari, picture daw eh video naman pala. 

Kukunan ka rin ng video habang sa klase'y ika'y tulog pa. 

Bibiglain ka pa nang sila'y makatawa. 

Kapag naluwang ang kanilang turnilyo, ganyan talaga. 

Tatawag si Nanay nang ika'y masubaybayan. 

"Alak pa," sila'y magkukunwaring lasing nang ika'y mapagalitan. 

Magagalit ka sa kanilang kabulastugan. 

Wala silang ibang gagawin kundi ika'y tawanan lang.

Sila 'yung tipong ayaw maniwala sa biro. 

Pero kapa'g sinabing "libre," magpupumilit kahit 'yun lang ay laro. 

Sila 'yung abnormal dahil binibiro ang seryoso; 

siniseryoso ka lang kapag strong na ang mukha mo.

Kapag may nagkaheartbreak, lahat eksperto. 

Lumalalim ang isip nang may masabi lang na mukhang totoo. 

Walang lovelife pero kung makapagsalita, tagos sa buto. 

Daig pa yata nila ang trio-tagapayo!

Hindi ka takot maging baliw sa daan. 

Walang ibang nagagawa, kundi ang magtawanan. 

Yung iba, tatawa nalang nang di alam ang dahilan. 

Kunwaring tumatawa nang hindi loading sa kanilang harapan.

Sasabihing walang iwanan kapag may aso. 

Ilang sandali, lahat kakaripas na sa pagtakbo. 

'Pag nagtagumpay ang lahat sa pagtakas, 

ayan, ngiti ay wagas!

Sa isang tingin, alam na. 

Isang ngiti lang, malagim na ang tirada. 

Minsan sa isang tinginan, 

naghahalakhakan kahit walang dahilan.

Sa labas, walang pakialam kung gaano kayo kaingay. 

Ganun lang talaga, 'yung iba kasi tahimik sa bahay. 

Kung galing lakwatsa, ninja pag-uwi: walang ingay. 

Pero 'pag nabisto, patay kay Nanay o Tatay.

Pero hindi sa lahat ng bagay kayo nagkakaintidihan. 

Minsan talaga, may mga bangayan, inggitan at sakitan. 

Talagang bawat ugnayan sinusubok ang katatagan. 

Mag-away man ay ayos lang, basta walang iwanan!

Sa pagtitripan, iisa ang isipan. 

Sa pagmamahal, hindi ka mauubusan. 

Ikaw man ang sanhi ng kanilang pinagtatawanan, 

tandaan mo, anumang mangyari sila'y laging andyan.

Ganti ang parusa kapag ika'y sinaktan ng iba. 

Tangi ka man, mahal ka. 

Gitna sila sa puso mo't kaluluwa. 

Antig sa puso ang nararamdaman dahil sa kanila. 

"Barkada," 'yan ang tawag sa kanilang mga shunga. 

Maluluwang ang turnilyo, pero mahal kang talaga. 

Ingot ka man o dakilang tanga, tanggap na tanggap ka nila. 

Hindi ka paaalisin nang walang sabing, "Ingat ka!"

ErmitanyongTagabukid 

April 30, 2014

IngatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon