Genuine Cosmetics

35 1 0
                                    

GENUINE COSMETICS
Maikling Kuwento ni: Isaganie S. Bermosa

Hayan na naman ang nakangiting paglapit ni Geron sa umpokan namin sa gilid ng tindahan ni nana  Hilda. Nakabulsa ang kaniyang kanang kamay sa berdeng adidas na jogging pants. Alam namin na nagkakamot ang kamay niya sa loob ng bulsa. Malamang, lumala na naman ang buni sa singit niya. Kabinantang tao pero katamad  maligo. Pinagtiyatiyagaan naming siyang isama sa umpokan namin dahil sa aming magbabarkada, siya lang ang may bulsang palaging mabango. Hindi dahil sa mga cosmetics kundi dahil amoy pera. Nasa Amercia ang mga magulang niya. Pansamantalang nakikituloy siya sa mga lola niya habang hinihintay ang petisyon para makasunod na rin siya sa USA.
Hero o kaya ang totoong pangalan niyang Geron ang tawag naming sa kaniya kapag malapit nang maubus ang nasa harapan naming Ginebra. Awtomatiko namang dudukot ito sa bulsa at siempre, nagbubunyi na naman ang aming bahay alak. Pero kapag hindi namin kasama, Karon’ ang bansag namin sa kaniya. Pinaikling salitang Ilocano: Nagkaro ti angdodnan, sa tagalog malala ang amoy. Rocha naman ang totoong pangalan ko pero kagaya ni Geron, pinaglaruan din ng barkada ang pangalan ko na hindi naman nila inilingid sa akin. Binansagan akong Chani, Kapag kasi napipilitan akong magshare ng gastosin, ay parang china-chani ko ang bangko papel na i-aabot ko sa kanila. 
Kapag ganiyang nasa 45° na ang taas ng araw sa may silangan, siguradong hindi na naman maipinta ang mukha ni nana Hilda, ang biyuda na gusto kong maging biyenan. Sigurado na namang mananamlay ang mga halaman niya sa gilid ng kaniyang tindahan. Kasalanan din niya, ayaw niya kasing nasa harapan kami ng kaniyang tindahan kung hindi kami bibili. May maliit na kalapaw o kubo sa gilid ng tindahan niya at doon kami madalas tumambay.
Alak ang aming binibili para magtagal kami sa kalapaw. Isa pa, kasama niya sa bahay si Malou. Ang kolehiyala at dalagang anak ni nana Hilda. Siya lang ang pinakamagandang biyaya ng Diyos kay nana Hilda. Kaedad at kabatch namin ni Geron sa hayskul.
Napansin kong nagpunta si nana Hilda sa basketball court na nagsisilbi ring bilaran ng palay. May hawak siyang walis. Sa pagkakataong iyan, alam kong si Malou ang nasa tindahan nila. Tumayo ako at bibili ng dalawang stick ng Marlboro. Ganito kasi ako. Isa o dalawang stick lang ang binibili ko dahil parang pugon ang bunganga ng mga katropa ko. Hangga’t may nakikita silang nakalapag na sigarilyo, pausok-sila ng pausok pero ayaw namang magsibili. Ito siguro ang napansin nilang ugali ko kaya hindi nila itinago ang bansag nila sa akin na Chani.
“Dalawang Marlboro nga, sweetheart.” Pabulong kong sabi kay Malou. Naputol ang pagbabasa niya. Inirapan niya ako. Inipit niya sa kili-kili ang Precious Heart pocketbook at tinungo ang lagayan ng mga sigarilyo. Nakapusod ang hanggang balikat niyang buhok. Lalo siyang gumanda sa aking paningin nang bumantad ang kaniyang balbunang leeg. Nakasuot siya ng fit na kamiseta na kulay pula. Pilit kong inilayo ang aking paningin sa kaniyang dibdib nang magkaharap na kami. Binusog ko na lang ang aking mga mata sa kaniyang mukha na tila gusto kong kagatin ang namumula niyang mga labi na tinambalan ng kaniyang hugis pusong mukha na tinubuan ng manipis niyang ilong.
Hindi ko gaanong pansin noong nag-aaral pa kami sa hayskul na meron palang hitsura si Malou o marahil, hindi pa lumilitaw ang angkin niyang kariktan dahil bubot pa lang siya noon o kaya ay sadiyang itinago ang magaganda niyang katangian na biyaya sa kaniya ng Diyos. Isa pa, sa mestiza-intsik na kaklase namin tumubo ang kakaibang damdamin ko noong hayskul kami pero walang nangyari sa lintek na damdaming iyun kasi nanatili lang dito sa aking dibdib. Kusang namatay dahil na rin siguro sa hindi ako marunong mag-alaga.
Nang pinahinto muna ako ni mamang dahil hindi ko maikonsentreyt ang aking pag-aaral sa CLSU dahil sa gitara, ako’y naging dakilang istambay. Natawag ng aking pansin si Malou minsang naghahanap ako ng mga taong magtatanim ng palay sa aming bukid. Naka-shortpants siya ng maiksing maong habang nagwawalis ng mga kalat sa harap ng tindahan nila. Taga-Daya kami, taga-Laud naman sila. Diyan nag-umpisa kung bakit naging palagian na akong nagpupunta sa Laud at nakipagbarkada sa mga binata doon. Ginapus ng balbuning hita at binti ni Malou ang aking damdamin. Siya ang biglang naging inspirasyon ko sa mga kinakanta ko kapag gumana na   ang espititu ng alak at nawala na ang aking pagiging mahiyain kuno na pakiwari ko’y ako na ang concert king. Ganito kasi ang gawain ng mga istambay na kagaya ko. Kung hindi naglalasing, nagsusugal.
Walang sabi-sabing inilapag ni Malou ang sigarilyo sa paladpad. Hindi niya ini-abot sa akin. Hinintay niya ang bayad ko pero ayaw niyang kuhanin nang ini-aabot ko na ang pera sa kaniya. Paano kasi, nakapagitna sa palad ko ang pera. Alam na niya ang nasa ulo ko kasi lagi kong ginagawa ito sa kaniya.
“Isusumbong kita kay Inang.” Banta niya sa akin.
“Di magsumbong ka lang, bakit natatakot ba ako?” kinindatan ko siya.
“Inang, ayaw magbayad ni Rocha.” Tinotoo nga niya.
“Nana, uutangin ko muna itong sigarilyo ko ah!” agad kong isinunod na sigaw kay nana Hilda.
“Sige, balong, pero huwag mong pagtatagalin ha, alam mo namang nag-aaral iyang ading mo.” Ganti ni nana Hilda na dalawang taon ng balo. Tinuklaw ng ulupong sa bukid ang asawa niyang si tata Pidiong. Para din ako ang namatayan noon dahil gabi-gabi kami na nakikipaglamay pero hindi naman ako iyung nakiki-ubos ng kape at tinapay. Ang totoo, kami ng mga barkada ko ang nagbibigay aliw sa mga naulila.
“Kabinatang tao eh nangungutang.” Sabay belat niya sa akin.
“Yang pag-aaral mo ang asikasuhin mo para makapagpakasal na tayo.” Bigla kong iniba ang usapan
“Ikakasal, ang kapal ng mukha mo, hindi ka na nahiya!” naningkit ang kaniyang mga mata.
“Nana, ayaw naman ni Malou!” Sinadiya kong hindi pinansin ang pag-asik niya sa akin.
“Ibigay mo na, Malou!” Sagot kaagad ni nana Hilda. Inalis nito sa bibig ang itim na tabako. Malakas ang loob ko na pagbibigyan ako ni nana Hilda kasi alam ko, hindi magtatagal ay ipapabuhat siya sa akin ang ilang kabang palay mula sa kanilang kamalig para ibilad niya. Ang hindi alam ni nana Hilda ay naghahanap din lang ako ng tamang panahon para pitasin ang puso ng kaniyang unika iha.
“Narinig mo ang sabi ni mommy.” kinindatan ko uli sa Malou.
“Mommy? Feeling ka naman!” Inulit niya ang pag-irap sa akin.
“Ano, Malou, tayo na ba? Alam mo namang genuine ang pag-ibig ko sa’yo?” Panunutil ko uli.
“Kung ikaw din lang na ewan at istambay, huwag na lang!” Pinandilatan niya ako.
“At kanino mo ako ipagpapalit, kay Geron?” ganti ko sa pangmamaliit niya sa akin.
“Anong ipagpapalit na sinasabi mo diyan, bakit, boyfriend ba kita? Magtatapos muna ako ng pag-aaral ah.”
“Yes!” ipinagbunyi ko.
“Anong ini-yeyes-yes mo diyan? Pagtataka ni Malou sa sinabi ko.
“Gusto mo rin pala ako, akala ko hindi, pinagtagal mo pa.”
“Sandali lang, sandali lang, wala akong sinasabing ganyan.” Pag-aalma ni Malou. Laong kumipot ang namumula niyang bibig. Mas maganda pala siyang tingnan kapag nagagalit. Kaya lalo ko pang pinag-igi ang panunutil sa kaniya.
“Kasasabi mo lang.”
“Ang ano?”
“Na magiging jowa na kita kapag nakatapos ka na ng pag-aaral.”
“Oo, sige, para tumigil ka na, tutal matagal pa naman, isang semester pa.” inismiran niya ako. Itinaas ang mukha sa pag-ingos sa akin.
“Kalahating taon na lang pala ang ipaghihintay ko, sweetheart.”
“Oo, at magsasawa ka sa katatawag sa akin ng sweetheart, isang semester pa at anim na taon.”
“Bakit katagal naman, ano ba ang kinukuha mong kurso, sweetheart?” Drama ko.
“Pagiging Doktor of Medicine, may reklamo?” nakapameywang na siya.

Agad akong umalis nang sa pakiwarai ko ay naisahan ako ni Malou. Iniwan ko ang bayad ko sa paladpad. Hindi ko na hinintay ang aking sukli. Iyun ang gagawin kong dahilan para balikan siya mamaya. Dagdagan ko muna ng alcohol ang tiyan ko baka sakaling masabi ko na ng diretsahan ang totoong nararamdaman ko para sa kaniya at ng hindi puro pabiro ang ginagawa kong panliligaw. Alam ko na kahit kailan ay hindi naniniwala sa akin si Malou dahil sa palagian kong pambubulataw sa kaniya. Kahit minsan kasi, hindi ko pa nasubukang pormal na pasyalan siya kahit maraming beses ko ng binalak.
“Tulungan mo daw ang biyenan mo.” Salubong kaagad sa akin ni Geron nang bumalik ako sa kalapaw. Alam ko na may pait ang pagbibiro sa akin ni Geron sa sinabi niya. Kursonada rin niya si Malou dahil minsang binalak kong pasyalan si Malou, naunahan niya ako. Unang suot ko pa man din ang bagong polo na ipinadala ng mama ko na nagtatrabaho sa Singapore. Pero hindi ako nagpahalata kay Malou na siya talaga ang sadiya ko. Nagkunwari akong bibili ng isang kahang Marlboro. Alam kong nabasa ni Malou ang totoong sadiya ko dahil sa kagaya kong may malapit namang tindahan sa amin, bakit kailangan ko pang lumayo. Bakit pupunta pa ako sa Laud lalo’t gabi at alam kong nalanghap niya ang aking pabango na BOMAN.
“Uy, isinuot mo na pala iyang pang six feet underground na polo mo at imported na alak yata ang ipinasok mo sa iyong lalamunan.” Isinutil sa akin ni Malou. Sa narinig ko, kahit natukso ako sa tila nanunutil na ngiti niya, alam ko na sinusubok niya ang aking damdamin , na hindi ako karapat dapat sa kaniya. Kung hindi lang siguro madilim, Nakita niya ang pamumula ng aking mukha.
“Kaya nga ako pumunta dito na bibili ng sigarilyo kasi madilim sa six feet underground, kailangan ko ng kahit konteng liwanag, samahan mo kaya ako doon.” naisipan kong iganti,
“May istorbo ngayon dito sa bahay, siya na nga lang ang isama mo.” Ngiti ni Malou. Pero lihim at lalong nagdiwang ang aking puso sa aking narinig. Ibig sabihin, walang kapag-a-pag-asa si Geron.
“Meron pa bang iba na nang-aabala sa’yo, akala ko, ako lang?” tanong ko kunwari.
“Kung may dala kang Genuine Cosmetics, puwede mo rin akong istorbohin dito sa bahay.” hagikgik niya. Alam ko na pinipilit ni nana Hilda na makatapos ng pag-aaral si Malou dahil pangarap din nito na magkaroon ng anak sa abroad. Hindi itinatago ni nana Hilda ang pagkainggit sa mga kakilala at kamag-anak nila na may anak sa abroad.
May dala ako na AVEENO na ibibigay ko rin sana sa kaniya. Pampakinis ito ng kutis. Kasama ito sa package na ipinadala ni mama pero hindi ko ginagamit. Sa isip-isip ko kasi ay baka para sa aking kapatid na si Greta . Nagkamali lang siguro si mama ng pinaglagyan.
Bago ako makasagut kay Malou na may dala din akong Genuine Cosmetic, narinig naming inubo si Geron. Alam naming nagparamdam lang si Geron kasi medio naging matagal ang pag-uusap namin ni Malou na labis na ipinagbunyi ng aking kalooban lalo pa’t nakikipagngitian siya sa akin.
“Pauwiin mo na siya ngarud at ako naman ang mang-iistorbo sa’yo ngayong gabi.” Lakas loob kong ibinulong sa kaniya. Sumenyas siya na tila hindi niya gaanong narinig. Inilapit niya ang kaniyang tenga sa uwang na pinag-aabutan ng tinda sa mamimili.
“I love you, Malou.” Ibinulong ko saka agad kong idinampi ang aking bibig sa puno ng kaniyang tainga. Sa gulat ni Malou, bigla niyang ibinalang ang takip ng uwang saka agad na umalis at pumasok sa salas, hindi na niya ini-abot sa akin ang binibili kong Marlboro.
“Ikaw lalaki, ito na ang una at huling pagpasok mo dito sa aming bahay at baka mahawa kami sa iyong genuine na buni!” Narinig ko ang mataas na tinig ni Malou. Agad na rin akong tumalilis at naramdaman kong humapdi ang aking noo. May mainit at malapot akong nakapa.
Iyun ang pinakamatinding alaala ko kay Malou tuwing haharap ako sa salamin. Ang pilat sa itaas ng aking kaliwang kilay. Nagkataon pa na dumating ang aking ate Greta mula sa San Jose City. Akala niya ay nakipag-away ako. Iyun ang ipinarating niya sa aming mama. Paglalasing na lang daw ang aking ginagawa. Pinauuwi na daw ako sa San Jose City at mag-aaral na daw ako uli. Ayokong umalis ng Cordon. Paano na si Malou. Sabi ko sa loob ko. May dalawang linggo pa bago ang pasukan.
Matibay din talaga ang sikmura ni Geron, Pagkatapos ng nangyari sa bahay nila Malou, parang walang anuman sa kaniya. Palagi pa rin siya sa kalapaw. Medio pinagaling ko muna ng ilang araw ang sugat sa aking noo bago ako muling naligaw sa kalapaw.
“Akala namin, nagsiyam ka na.” Sutil ng barkada. May isa nang bote ng ginebra ang nakahiga sa ilalim ng lamesa. May bagong bukas sa ibabaw. Kagaya ng dati, sardinas na nahaluan ng dinikdik na skyflakes ang nakahaing pulotan ang laman ng plato. Naging madalas na ganiyan ang pulotan namin mula nang una kong inialok sa kanila ang ganiyang putahe lalo na kapag wala si nana Hilda. Ayaw kasi ni Malou na pautosan na magluto ng payless o kaya canton na may itlog. Hindi raw iyon karinderia, pagsusuplada niya.
“Palagi kang hinahanap ni nana Hilda, bro.” Seryoso si Geron
“Bakit daw, bro?” kinabahan ako. Baka nagsumbong si Malou sa ginawa ko sa kaniya at sabihin niya na pakasalan ko na ang anak niya.
“Tsk-tsk-tsk, iba talaga ang guwapo, ano. Akalain mo, ‘yung anak ang ginigirihan mo, yung nanay naman ang nasasabik sa’yo. Kaswerte lang na binata itong si Rocha.” Tawanan ang lahat sa sinabi ni manong Nestor, ang pinakamatanda sa aming magbabarkada.
“Magsabi ka nga ng totoo, Rocha, yung bata o yung matanda?” Si manong Nestor uli.
“Baka maniningil lang sa utang ko si nana Hilda. Baka nangangamba siya na tinakbuhan ko na ang utang ko sa kaniya dahil hindi na ako gumagawi dito?” pagtatanggol ko sa aking sarili.
“Magkano ba ang utang mo sa kaniya, bro?” singit ni Geron
“Dalawang stick lang na Marlboro, bro.”
“Malamang ipapakasal na sayo si Malou, aba’y itinakbo sa ospital nung isang araw. Nagsusuka daw?”
Lalo naman akong kinabahan sa narinig ko. Baka napupuyat gabi-gabi dahil sa ginawa ko sa kaniya, kaya hayun, kulang sa tulog, nahihilo, hindi gaanong makakain, suma total, magsusuka. Pagpapalagay ko sa loob ko.
“Ubusin natin lahat ito ngayon.” Inilapag ni Geron ang dalawang piraso na tig-iisang libong piso. Nagtataka kaming lahat.
“Despedida ko. Pupunta na ako sa Amerika bukas.” ang maikling tugon ni Geron.
“Saan na uli sa Amerika, bro.” singit ko naman.
“Sa San Jose California.” Ang matamlay na sagot ni Geron. Bigla kaming nalungkot sa sinabi ni Geron,
“Ako din, babalik na din ako sa San Jose City, bukas, itutuloy ko na rin ang pag-aaral ko.” Nagdrama rin ako. Tumayo ako at nagpunta sa tindahan. Si nana Hilda ang nagbabantay. Binayaran ko ang utang ko at bumili rin ako ng dalawang kaha ng Marloboro. Ibig kong kumustahin si Malou pero nanaig ang aking pagkaduwag palibhasa hindi pa nasasayaran ang aking lalamunan ng alak.
Iyun na ang huli naming paghaharap sa kalapaw. Matuling lumipas ang panahon,
Minsang nagbukas ako ng aking FB account, may nagpapa-add Friend. Geron Quiambao. Agad kong inaccept. Sa pagcha-chat namin, sinabi niya na may nagbabalak na ipagdiwang ang 25th anniversary ng aming Batch sa St. John Berchmans’High School sa Cordon, Isabela. Agad akong tumugon.
Sa tagal ng panahon na wala kami sa sa Cordon, malaki na ang ipinagbago nito. Dalaga pa pala si Malou gayong tig-iisa na kami ni Geron ng apo. Pero lalo kaming nagulat nang makaharap namin si Malou Wala na kasi ang flawless na kutis niya. Sa pagkawala daw namin ni Geron, nagdagsaan ang mga manliligaw niya, at kagaya ni Geron, nakakaakyat lang daw ng ligaw ang binata kapag may dalang Genuine Cosmetics. Sa dami ng Genuine Cosmetics na tinatanggap, ginamit niya ang mga ito ngunit nagkaroon siya ng skin allergy. Nawala na ang buni ni Geron, nagamot sa Amerika. Malinis na siyang magdala at higit sa lahat isa nang matagumpay na Dermatologist sa Maynila.
Hinihintay ka ni Malou, ihatid mo daw.” sabi sa akin ni Geron,
“Bakit ako, di ba dapat ikaw, baka ikaw ang hinihintay na niya ng matagal dahil nalaman niya na eksperto ka sa sakit niya? Ganti ko kay Geron.
“Ayon sa sabi-sabi, ikaw daw ang pinagmulan ng skin allergy ni Malou.” Tiwalang ibinida ni Geron
“Hindi ah, wala naman akong ibinigay na kahit anong Genuine Cosmetics sa kaniya.” Depensa ko. Naalala ko yung Aveeno, tama ang hinala ko noon, para sa ate Greta ko nga iyon.
“Doon daw sa puno ng tenga niya nag-umpisa ang skin allergy niya, eh.. Bigla akong napamaang sa sinabi ni Geron.
“Genuine Kiss ‘yon, hindi genuine cosmetics.” Bigla kong bawi. Nagtawanan kami ni Geron.  Bago kami naghiwalay ni Geron, may iniabot siyang malaking paper bag.
“Ano ito?” pagtataka ko.
“Hindi Genuine Cosmetics ang mga iyan. Mga stateside na pabango. Andiyan ang favorite mo, BOMAN.” Nagtataka ako. Bakit alam niya ang favorite brand ko.
Hindi man sabihin sa akin ni Geron ang dahilan ng pagbibigay niya sa akin ng mga stateside na pabango, alam ko na nagpapasalamat siya, dahil kung hindi sa akin, hindi niya nalaman ang totoong ugali ni Malou.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 01, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Genuine CosmeticsWhere stories live. Discover now