Hindi na nga

4 0 0
                                    

HIS SIDE

"Mahal, andito ka na pala?" Bigla akong napalingon sa likod ko at nakita ko si Julia na papalapit sa akin.

"Bye na. Tatawag na lang ako mamaya." Binaba ko ang tawag at nakangiting nilapitan si Julia. Niyakap ko sya at hinalikan sa ulo. Gumusot ang mukha nya na nagpatawa sa akin. "Tara, dala ko si Pogi ngayon." Magkahawak-kamay kaming naglakad papunta sa parking.

Bumungisngis sya. "Seryoso ka talaga sa pangalan ng motor mo?"

"Aba syempre! Pogi ang may-ari, kaya pogi rin ang pangalan nya!" Proud kong sagot sa kanya. Hinampas nya ako ng bag nya.

"Pauso mo." Natatawang sagot niya.

"Mahal mo naman." At kinindatan sya.

"Ew." Inirapan nya ako. Tumawa na lang ako sa kanya at tumingin sa unahan.

Tatlong taon na kami ni Julia, 3rd anniversary namin ngayon sa totoo lang. Magkaklase kami noong elementary, pero lumipat siya ng school pagdating ng High School at hindi na kami nagkita ulit. After 10 years, sa alumni party ng school namin noong elem, nagkita ulit kami. Sabi ko pagkakita ko sa kanya, 'Ah. Ang laki ng pinagbago nya.' Mas gumanda sya, mas sumigla, at hindi ko namalayang nahulog na pala ang loob ko sa kanya. Hindi ko alam kung paano; kung dahil ba sa ngiti nya, sa pagkanta nya, sa paghawi nya ng buhok, sa pagpitik ng mga mata niya, o ano man. Basta ang alam ko lang, delikado ang puso ko rito.

Hindi na kami ulit nagkita simula noon, unti-unti ko na ring nakakalimutan ang nararamdaman ko sa kanya. Pero hindi pa nga tuluyang nawala, nakita ko na naman sya. Assistant ng bago naming kliyente. Parehas kaming nagulat nang makita namin ang isa't isa. Kasi biruin mo, yung akala mong hindi mo na makikita ulit e nasa harap mo na. Nakangiti. At totoo siya, hindi na imagination.

Pagkatapos ng meeting nila, niyaya ko s'yang mag-lunch. Pumayag naman sya, at doon nagsimula ang lahat.

Nag-usap kaming dalawa. Nagkamustahan, na hindi namin nagawa noong alumni party. At nagkaaminan na rin kaming dalawa. Elementary pa lang pala, may gusto na sya sa akin. Meant to be? Masasabi kong ganun na nga. Sinabi nya nga ring gusto nya akong kausapin noong alumni party, kaso puro lalaki raw ang kasama ko.

Kung alam lang nya kung bakit. Kung alam lang nyang sya ang rason kung bakit kasama ko ang mga yun at umiinom. Napainom ako ng tubig bigla nang umamin siya.

Gustung-gusto ko syang yakapin ng mga panahong 'yun. Gustung-gusto ko siyang halikan at iuwi sa bahay para ipakilala sa mga magulang ko. Gustung-gusto ko kung paano sya tumingin sa akin.

Pero pinigilan ko.

Natatakot ako kasi baka dala lang ng bugso ng mga pangyayari kaya niya nasabi ang mga 'yun. Natatakot ako na baka panaginip lang ang lahat. Natakot ako kasi baka matakot siya sa akin. 

Kaya naman, niligawan ko siya. Hinahatid-sundo ko siya lagi, kilala na ako ng mga magulang niya at kilala na rin sya ng mga magulang ko. Marami ring mga lalaking nanliligaw sa kanya, kaya nga ang laking tuwa ko nang sagutin niya ako. Niyakap ko s'ya nang mahigpit at inisip ko na, 'ah, siya na. Siya na talaga ang para sa akin.' Pinangako ko sa kanya na hindi ko siya iiwan, hindi ko siya sasaktan, at kung iiyak man siya ay sisiguraduhin kong dahil 'yon sa tuwa. Pinangako ko sa kanya na hindi ko kailan man sisirain ang pangakong 'yon. And we sealed it with a kiss.

Simula nang maging kami, wala naman masyadong pinagbago. Natuwa pa nga ang mga magulang namin at tinatanong na kami kung kailan kami magpapakasal. Tumawa na lang ako.

Siya ang una ko sa halos lahat. Siya ang una kong niligawan, una kong naging girlfriend, unang naka-date, unang hinalikan, at ang una kong nakasama naging isa. No regrets. Iniisip ko nga, kapag magpapakasal kami, bibigyan ko sya ng magarbong kasal, tapos magpapatayo ako ng malaking bahay kung saan kami titira, tapos sabay naming babantayan ang mga anak namin, at sa bahay ring 'yun kami tatanda nang magkasama. Pagkatapos ng 2nd anniversary namin, desidido na talaga akong siya na ang gusto kong makasama habang buhay. Nagsimula na akong mag-ipon para bumili ng singsing. Nag-overtime ako. Maski trabaho ng iba kong kasama, kinuha ko na! Nagsikap ako para makapag-ipon ng malaki-laking pera at ma-promote sa trabaho para masiguradong puwede na talaga akong mag-asawa. Pero sinisigurado kong hindi ako nauubusan ng oras kay Julia. Hinahatid ko pa rin naman sya, pero hindi ko na sya nasusundo. Naiintindihan naman nyang nag-oovertime ako, hindi nya lang alam kung para saan. Binibilhan ng mga regalo kapag monthsary, at sinisikap kong makapag-usap pa rin kami araw-araw, kahit 30 minutes lang sa isang araw.

Just random things.Where stories live. Discover now