simula

3 1 0
                                    

MAHARLIKA

Simula

Abot langit ang ngiti sa mga labi ni Eulla habang kasabay ang dalawang kaibigan na papaakyat sa gusali kung nasaan ang classroom nila. Walang paglagyan ang saya niya dahil sa wakas ay graduate na siya; isa-isa na niyang susungkitin ang mga nakahanay niyang pangarap. Para simulan, uunahin na niya ang isa na siya mismo ay hindi matukoy kung madali o isa sa mga mahihirap na plano sa mahabang listahan niya.

Panay ang bati niya sa mga ka-block at ka-batch na nakakasalubong habang panaka-naka ang paglibot ng mga mata niya sa paligid, hinahanap ang rason kung bakit bumalik pa siya sa classroom nila gayong maaari na naman silang umuwi.

Ngayon ay binabalak niyang ipagtapat ang apat na taong kinikimkim niyang pagtingin sa isa niyang kaklase. Sa isip-isip ay wala naman nang mawawala, aamin lang naman siya. Kung sakali, at hinihiling niya, na may pagtingin din ito sa kaniya, edi pandagdag na graduation gift na iyon! At kung hindi naman ay ayos lang din— madudurog lang nang kaunti ang puso niya ngunit maghihilom din ito. Ayos lang sa kaniyang masaktan kahit pa dapat ay magsaya siya dahil araw ng kaniyang pagtatapos. Imbis na ipagdiwang niya ang araw, siguro ay magkukulong na lang muna siya sa silid at magmumukmok magdamag. Ayos lang talagang tanggihan siya ng lalaki.

"Hala, naknampucha andiyan na si Lucien." Tumuwid ang gulugod niya sa biglaang paghampas ng kaibigang si Jasmine. Napalitan ng isang sakong kaba ang tuwa niya kanina.

"Ako magku-cue sa'yo. Sesenyasan kita 'pag pababa na siya ng hagdan tapos ay kumilos ka na parang kaaakyat mo lang," Nakangisi si Valerie habang naka-thumbs up sa kaniya.

Kinakabahan ngunit determinado siyang tumango. Hindi na siya teenager pero ito ang unang beses niyang gagawin ang ganitong bagay kaya kahit ata ang mga nunal niya sa batok ay nanginginig sa kaba.

Ilang sandali pa ay narinig niya ang pagpitik ng mga daliri ni Val. Tumingin siyang saglit kay Jasmine bago itaas ang paa para humakbang. Pasimple niyang hinahawi at inaayos ang buhok bawat pagtaas niya ng lebel.

Si Lucien. Tatlong hakbang na lang ang pagitan nila ngunit hindi niya magawang iangat ang talampakan. Sa tabi ng napupusuan ay ang kaibigan nitong member ng theater club at numero unong alaskador na kilala niya. Nag-uusap ang dalawa habang bumaba sa hagdan. Nais na lamang niyang pumihit at ipagpatuloy ang buhay na hindi umaamin sa binata. Sigurado siyang kahit kabilang-buhay ay hindi siya titigilan ng hayop na katabi nito kung nando'n ito habang siya'y nagtatapat.

Nanuyo ang lalamunan niya nang tumama ang kulay kastanyas nitong mga mata sa kaniya. Pero hindi siya magpapaapekto! Katulad nga ng nauna niyang turan, wala nang mawawala sa kaniya dahil maaaring pagkatapos nito ay hindi na sila magkikita-kita pang muli. Isinawalang bahala niya ang nakaloloko nitong ngiti at ipinagpatuloy ang pagpapaliit ng distanya nila ni Lucien.

Humarang siya sa harap nito. "Lucien."

Halatang nagulat ang huli ngunit agad din itong ngumiti nang mapagtanto kung sino siya. Dios mio, iyon ang ngiting nagpahulog sa kaniya sa lalaki.

"Oh, Ynares, congratulations! May kailangan ka ba sa'kin?"

Kumapit siya nang mahigpit sa suot na toga. "Ano kasi, I have something to tell you..." Tinignan niya ang katabi nito. "In private."

Pinaningkitan siya ng mata ng katabi ni Lucien, tinabingi pa ang ulo na tila may iniisip. Buo ang konklusyon niyang katarantaduhan na naman iyon kaya ninanais na niyang umalis. "Mabilis lang, swear."

"Why not tell it here kung mabilis lang pala?" Singit nito. "'Di ba, Santiago?" Panghihikayat pa nito kay Lucien.

Agad tumango ang huli. "Arko's right. Saka nagmamadali rin ako ngayon, my girlfriend is waiting outside." May nahihiya itong ngiti sa mga labi.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 07 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

MaharlikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon