Akai's Journal

52 1 0
                                    

A/N:

Una kong kalokohang story. Pampawala ng tensyon na nararamdaman ko ngayon.

***

Sa bawat pagpasok ko sa aming unibersidad dala ng pangangailangan kong makapagtapos ng pag-aaral, araw-araw akong nakakasalubong ng iba't ibang tao at sitwasyon. Mga tao at sitwasyong noong nasa kolehiyo ko lamang napagtanto na matatagpuan at makikita sa mundong ibabaw.

May isang pagkakataon na papunta pa lamang ako sa aming pamantasan habang kasabay ang mga bagong ligong pasahero sa kakarag-karag na sasakyang nakikipag-unahan sa humaharurot na halimaw sa daan ay napansin kong iba ang tingin ng mga tao sa akin.

Hindi ko sila pinansin at nagpatuloy sa pag-aliw sa aking inaantok na diwa na tumatanaw sa mga mauusok na sasakyang naghahabulan.

Nang bababa na ako ay kinalabit ako ng aleng nasa dapit-hapon na ng kanyang buhay.

"Ineng, nagbayad ka na ba?"

At doon ako natauhan na mula sa pagsakay ko ay naiabot ko na pala ang lahat ng bayad at sukli ng bawat pasahero at ang naiwang barya na hawak-hawak ko ay ang ibabayad ko sana sa serbisyo ng abang drayber na naghatid sa akin ng ligtas sa sakayan ng tren.

Lubos-lubos ang aking pagsisisi at ibinayad ko na lang ang salaping inilaan ko para sa biyaheng iyon.

Sa tren, kung saan ang bawat nilalang na nagmamadali at umaasang maging ligtas ang biyahe patungong lugar sa kung saan man na madadaanan ng ruta ng mahaba at may kabilisang karton na nakaapak sa riles ay nakasandig, mapapansing karamihan ay tumatakbo. Walang sinasayang na sandali at nag-uunahang makapasok sa malamig ngunit masikip na loob nito ang mga taong handang mang-apak ng paa at ipagsiksikan ang basa nilang katawan para lang makasakay.

Ang lahat ay abala sa kani-kaniyang ginagawa.

May mga nagbabasa at sinisipat ang mga aralin sa kanilang akademiya upang kahit mahaba ang biyahe ay mapakinabangan ang mahabang oras ng pagtatagtag ng tren.

May naglalabas ng magagarang telepono at nakikinig ng mga makabagong awitin sabay sa ritmo ang bawat hampas ng ulo kasabay din ang katabing rinig na rinig ang tunog kahit na may nakasalampak na kung ano sa tenga.

May mga mahihinang bulungan na maririnig sa paligid at kung mamalasin ay may makasabay na grupo ng mag-aaral na may pinagkukwetuhang masaya at sa bawat bitaw ng salita ay may kasamang halakhakan.

Nang makababa na ako ay agad kong tinignan ang paligid, ganoon pa rin naman at walang pinagbago. Umaasa rin naman ako minsan na may mapupulot akong papel na kulay asul at may tatlong ulo pero wala pa rin sa akin ang swerte. Baka bukas ay matagpuan na ako ng nawawala kong kaibigang magagamit kong pambayad sa gastusin sa paaralan.

Lumipas ang mahabang oras na pag-upo ko sa uuga-ugang silya at ang aking pakikinig sa karamihang mahuhusay na guro at may natutunan naman ako kahit papaano.

Napagpasyahan kong magtren ulit dahil nilubugan na ako ng araw. Mas matipid at mabilis sa tren kumpara sa mga mauusok na dyip na dadaan sa di sumusulong na trapik.

Paakyat pa lang ako ay nakukutuban ko na na hindi magiging madali ang pakikipagsapalaran kong ito. Ang katabi ko habang nag-aabang ng mapapadaang tren ay may tinatagong kapangyarihan. Kapangyarihang mapapasaiyo lamang kung magpapaaraw ka maghapon at magpapawis ng sobra habang wala kang nailagay na kung anuman sa ilalim ng iyong balikat.

Sa awa naman ng lahat ng maaawa ay makasakay naman ako ng matiwasay. Ni hindi na pinayagan ng pagkakataon na maihakbang ko ang aking hapong-hapong mga paa. Salamat sa mga ibinigay ang buong lakas sa pagtulak upang makapasok, may maitutulong din naman sila kahit papaano.

Sa pag-ikot ng mga gulong ng tren ay may napansin akong bagay na sadyang talamak sa mga ganitong masisikip na lugar. Ang lalaking natatanaw ko sa di kalayuan ay nakapikit na animo'y nilalasap ang isang bagong bukas na alak. May katapat itong babae na nakaharap dito at may nakatabing na kung ano sa pagitan. Mukhang natutuwa din ang babae sa kung anoman ang ginagawa nito kaya hindi na ako nangialam.

Sa bandang gilid naman ay may babaeng may kung anong sinisipat sa katabi nitong pasahero. May bigla na lang akong narinig na masamang salita at pagpapahayag "NASAN ANG TABLET KO?!" Hindi tablet para sa may sakit kundi tablet para sa nakakaangat sa buhay.

Nang dumating na ang istasyon ko ay sabay-sabay ang pagmamartsa ng mga tao. Nakikipagtulakan sa pagpasok ng pula, bughaw at luntiang mga tiket sa isang daanang eksklusibo lamang sa mga pasaherong bababa sa istasyong iyon.

'Bakit wala akong hawak?' tanong ko sa sarili ko dahil kung tinanong ko ang katabi ko ay baka masapak ako.

Napahalughog ako sa gamit ko pero hindi ko talaga matagpuan ang kapirasong tiket na tanging paraan upang makalabas ako ng istasyon.

Nagtungo na lamang ako sa bilihan ng tiket na bagsak ang balikat sa panghihinayang. Pinagbayad akong muli at luging-lugi talaga ako.

Naubos ang pamasahe ko at ang natira na lang ay sakto sa ipambabayad sa dyip.

Dahil sa panghihinayang ay di ko na pansin ang paligid. Nagising na lang ang diwa ko ng biglang may sumigaw at umiiyak. Nahablot daw ang bagong gadget na binili pa ata sa SM ng isang tumatawid na lalaki.

Nang bumaba na ako mula sa mahanging biyahe ay sumakay na lang ako ng sasakyang may tatlong gulong. Nagpaalam na lamang ako na pagbaba ko na lang siya babayaran. At ganoon na nga ang nangyari at nakauwi naman na ako ng aming tahanan.

Sa aking pag-aayos ng mga gamit ko sa eskwelahan ay napansin ko ang isang pulang bagay. At tama nga ang aking hinala. Nasa bag ko lang talaga ang tiket ng aking paboritong sasakyan.

-end-

A/N:

Di to isang love story. Kakasawa eh.hehe

Akai's JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon