"Pido! Sinabi nang bumaba ka riyan eh!" Pitong taong gulang ako nang inakyat ko ang puno ng mangga dahil 'yon ang paboritong prutas ni nanay. Malapit na, konti na lang... "Saglit lang po, malap-" Ang pinakaunang beses.
Labing isang taong gulang ang pangalawa. Bitbit ni nanay ang report card na may mapupulang marka. "O, ipakita mo sa tatay mo." Alam naming dalawa kung ano ang ibig sabihin no'n. Bata pa'ko kaya mas gugustuhin ko ng madisiplina ni nanay gamit ang mga masasakit na salita kaysa kay tatay. Ibang magdisiplina ang tatay ko, kailangang bumaon, kailangan may marka, kailangan kong maramdaman para raw tumatak sa kokote ko. Sinturon, hanger, stick o tsinelas -mamili raw ako. Hindi na umusad ang mga bagsak kong marka, dahil siguro'y mas gusto ko ng si tatay kaysa ang mga kaklase ko ang manakit sa'kin.
Labing limang taong gulang. Napaupo ako sa kalsada habang sinusuntok ang tarantado kong kaklase. Tinawag nyang puta si inay dahil daw sa marumi nitong trabaho. Dinaganan ko ang gago, wala na'kong pake sa tumutulong dugo mula sa ilong at bibig ko. Kahit ang sakit ng tagiliran ko mula sa sipa ng gago pilit akong bumabawi. Pilit pero laging kulang. Sinapak nya 'ko at saka patuloy ang pagtawa. "Puta, puta. Anak ka ng puta!" Nakahiga ako sa kalsada, 'di ko man lang maipagtanggol maski pangalan ni nanay. Gusto kong umiyak pero maski luha ko duwag. Pangatlong gagong beses.
"Sorry, Peter. " Labing siyam na taong gulang, nasa fourth year na'ko ng kolehiyo. Isang taon na lang at magtatapos na'ko ng kursong Civil Engineering. Wala na'kong problema sa pag-aaral, wala na ang mga gagong nagnanakaw ng exam papers at quizzes ko, wala ng sumisipsip sa mga guro, wala ng umaarteng boss at wala na rin akong mga magulang para mangielam sa lahat ng desisyon ko. Ang meron lang si Dana. Tatlong taon kong inipon ang lakas ng loob ko para lang masabihan ng "sorry". Putang inang sorry 'yan. Matatanggap ko pa 'pag sinabi niyang ayaw niya sa'kin, pero 'yong sorry? Parang si nanay noong binigay nya 'yong report card kay tatay, parang si tatay noong nagpakalulong sa droga noong namatay si nanay, parang pagkamatay ni nanay na ayaw kong maalala. Bakit kailangang humingi ng tawad kung wala lang ding magagawa, kung wala lang ding magbabago, kung sila pa rin naman masusunod sa huli? Putang inang sorry 'yan.
Peter Dela Cruz ang buo kong pangalan, pero nakakulong pa rin ako sa alaala ng isang batang nangngangalang Pido. Habang nakatayo ako ngayon sa rooftop ng library ng unibersidad, nakatingin sa baba, sa mga estudyante at mga guro, sa mga bulletin boards na kagaya ko'y 'di naman napapansin, at sa mga oras na lumipas -iisa lang ang nasa isip ko.
Para saan 'to? Isang bagay na pilit kong hinahanapan ng sagot. Pagod na'ko.
Para sa huling pagkakataon na mahuhulog ako...
BINABASA MO ANG
peks.man
Short Storykung bibigyan ka ng pagkakataong magkaroon ng superpower, ano ito at bakit? bilisan mo, unahan 'to. ©2012