Chapter 1

12 1 1
                                    




"Okay na 'yan, Lolo. Ako na po ang bahala," natatawang sabi ni Amber kay Lolo Miguel habang inaagaw rito ang isinasalansang pinggan, baso, at kubyertos na huhugasan. Katatapos lang nilang mag-almusal noon.

"Ang kulit. Sige na nga, ikaw na diyan," ani ni Lolo Miguel sa apo, hinayaan na siya sa mga hugasin.

"Baka rayumahin pa kayo sa lamig ng tubig kapag kayo pa po ang maghuhugas ng mga ito," biro pa niya na sinundan ng tawa. Umaga na kasi nang tumila ang malakas na ulan.

"Aba, ang batang ito at inasar pa 'ko," kunwaring galit na sabi ng matanda.

"Joke lang, Lolo," malambing na sabi ni Amber na sinundan ng mahigpit na yakap dito. "Kayo pa po ang aasarin ko, eh love na love ko kayo."

"Naku, nambola pa ang maganda kong apo," tugon nito.

"Mana lang ako sa inyo," nagkatawanan pa ang dalawa.

"Magandang lahi o magaling mambola?" natatawang tanong ng matanda.

"Pareho!" sagot ng dalaga na sinundan ng tawa.

Gamit ang baston, lumakad na papunta sa sala ang matanda, naupo sa rocking chair, at pinanood ang paboritong morning news program.

Ipinagpatuloy ni Amber ang pagliligpit at paghuhugas ng mga pinagkainan.

Ulila na siya sa ama at ina. Anim na taon na ang nakalipas mula nang sabay na namatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente sa sasakyan habang bumibiyahe ang mga ito galing Baguio, matapos dumalo sa seminar ng business group na kanilang kinabibilangan. Second year college siya noon sa kursong Hotel and Restaurant Management, samantalang nasa huling semester naman ng kursong Architecture ang kanyang kuya Andrey. Mula noon, masasabing si Lolo Miguel na ang tumayong magulang ng magkapatid. Siya ang nagpatuloy sa pagtustos ng pag-aaral ni Amber at sa review classes ng kanyang kuya bago kumuha ng board exam. Ang matanda na rin ang pansamantalang namahala sa restaurant na naiwan ng kanyang mga magulang. Mabuti na lamang at nanatiling tapat ang mga empleyado kaya't naipagpatuloy ang maayos na takbo ng negosyo.

Ipinagpapasalamat niya, una sa Diyos, pangalawa sa kanyang lolo, at sa mga namayapang magulang, kung anuman ang biyaya at ginhawang nadarama nilang magkapatid ngayon. Maayos na ang posisyon ng kanyang kuya sa isang kilalang architecture firm. Last year, nag-asawa na ito at kapapanganak lang ng kanyang hipag.

Si Amber naman, nang matapos ng kolehiyo, siya ang nagpatuloy sa pag-aasikaso at pamamahala ng restaurant.

Makaraan ang ilang taon, naging mahina at sakitin si Lolo Miguel at na-diagnose na may brain tumor. Dahil dito, kailangan na nitong magpahinga na lamang sa bahay. Sa patuloy na pagpapagamot at madalas na pag-inom ng fresh fruit juice at tamang diet, himalang nalampasan pa nito ang dalawang taong taning na ibinigay ng doktor. Subalit, dala na rin marahil ng katandaan, hindi na bumalik ang dating kalakasan ng matanda.

Sa proper training na natutunan ni Amber sa pinasukang unibersidad, at sa madalas na pag-oobserba sa pamamahala ng kanyang mga magulang sa restaurant noong nabubuhay pa sila, maayos niyang napamahalaan ang negosyo. At dahil matagal na rin nilang kasama ang ilan sa mga tauhan, parang pamilya na sila kung magturingan. Bagay na nakatulong para mapagaan ang pamamahala ni Amber sa negosyo. Kilala pa rin ang restaurant nila sa lugar nila sa Sta. Maria, Bulacan. Bagaman kabi-kabila ang nag-susulputang iba't ibang fast food at restaurant chains sa kabayanan, hindi pa rin sila nawawalan ng mga parokyanong kumakain sa kanilang restaurant. Bumibisita pa rin ang mga matagal nang suki ng kanyang mga magulang, nadagdagan pa ng mga estudyante at young professionals. Siguro dahil na rin sa mga nangyari sa kanyang buhay kaya naging financially at emotionally independent na si Amber.

"Hi, story! Welcome to my readers..."

...joke lang, hihi!

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 30 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

it's just pretend Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon