Untitled Part 2

28 0 0
                                    

Kinamulatan na ng dalagang si Eliah na sumunod sa mga patakarang inihahabilin sa kanya ng mga magulang. Nag-iisang anak lamang ang dalaga kaya ganoon na lamang ang pagpapalaki sa kanya. Lahat ng kanyang mga pangangailangan at kagustuhan ay naibibigay sa kanya, magarang paaralan, damit, kotse at maging ang mga mamahaling alahas ngunit may matatanaw pa ring kalungkutan sa mga mata ng dalaga. Kasiyahang ipinagkait dahil sa napakataas na mga hangarin ng mga magulang sa pinakamamahal nilang anak.

Napasilip si Eliah sa bintana ng kotse, natanaw niya ang mga batang masayang nakikipaglaro. Kitang kita ng kanyang mga mata kung paano tumawa ang mga bata habang naghahabulan. Hindi man lamang niya naranasang makapunta sa isang palaruan at makipaglaro sa ibang mga bata. Pakiramdam niya nakakulong siya at hindi makawala tulad ng mga bata sa labas na masaya kahit salat sa kayamanan. Tumigil ang kotseng lulan si Eliah sa premyadong paaralan, ang kanyang buhok ay nakalugay lamang at nahahayaan nitong matangay ng hangin, tanging ang mga makakapal na salamin ang nagkukubli sa buong mukha ng dalaga.

“Eliah, kailan ka ba magbabago? Tingnan mo nga! Ibang-iba ka dito, mag-ayos ka naman at sumunod kung saan ang uso.” pagtataray ng isang estudyanteng puno ng kolorete ang mukha at parang kinapos sa tela ang uniporme. Hindi na sumagot ang dalaga, napatungo na lamang siya.

Sa loob ng silid-aralan, tahimik na nagbabasa ng mga libro ang dalaga. Isa sa mga patakaran na tumatakbo sa kanyang isipan; “Kapag bakante ang oras, sa silid-aralan ka lamang maglalagi.”

May kumalabit sa dalaga, dahilan para lingunin niya ito. Nakita niya ang dalagang kumakaway sa kanya at nakangiti. Unti- unti itong lumapit sa kanya.

“Eliah.” wika ng dalaga.

“Pasensya ka na pero bawal kasi akong makipag-usap sa taong hindi ko kilala.” paliwanag ni Eliah.

“Hindi ka pa din talaga nagbabago Eliah, ako ito si Kaye, kaklase mo noong nasa mataas na paaralan pa tayo.”

“Kaye Rodriguez?”pagtataka ng dalaga.

“Oo, ako nga.”pag sang-ayon naman nito.

Nagkamustahan ang dalawa, pakiramdam ni Eliah nakahanap na siya ng taong maaring masandalan, taong makakaunawa sa kanya, taong magpapasaya sa nalulumbay niyang pagkatao.

Sa pag-uwi niya sa bahay ay nakakunot na ang noo  ng kanyang ina habang naghihintay sa pinto.

“Bakit ngayon ka lang dumating? nahuli ka ng tatlumpong minuto! Saan ka nagpunta?” sermon sa kanya ng ina.

“Pero Ma, kasama ko lang naman po si Kaye, inalok niya po akong kumain sa labas kaya sumama ako.” paliwanag ng dalaga.

“Hindi ba’t sinabi na namin sa iyo ng Papa mo nang makailang ulit na wag kang sasama kung kani-kanino, laging diretso sa bahay pagkagaling sa paaralan at magpapalam kung hindi agad makakauwi?. Saan nga ulit kayo kumain?” Tanong muli ng kanyang ina.

“Sa gilid lang po ng paaralan, unang beses ko lang po makatikim ng mga ibinebenta doon sa mababang halaga. Ma, hayaan niyo po kaming lalo pang magkalapit ni Kaye.”

“Ano pa ba ang gusto mo? Lahat naman ng masasarap na pagkain binibigay namin sa’yo ng Papa mo. Bakit kailangan mo pa kaming suwayin? Layuan mo siya! Hindi siya magandang impluwensya sa iyo.”

“Pero Ma! Siya lang po ang nakikinig sa akin.” pagpipilit ng dalaga.

“Aba! Eliah marunong ka ng sumagot! Pumasok ka sa kwarto mo at pag-isipan mo ang mga maling ginawa mo ngayong araw.”

Tumakbo sa kwarto ang dalaga at napahagulgol na lamang siya sa iyak. Pakiramdam niya kontrolado siya ng kanyang mga magulang, napakaraming bawal na dapat sundin at hindi siya hinahayaang matuklasan ang iba’t ibang bagay sa sarili niyang paraan. Wala nga siyang maalalang lumabas kasama ang ilang mga kaklase, pinagbawalan din siyang makipagkaibigan dahil baka daw makasira ito sa pag-aaral niya.

PATAKARANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon