Kulay ng Buhay

38 0 0
                                    

        Siya si Puti, isa sa mga krayola ng batang si Ben; maputla, walang kulay, walang kabuhay-buhay, at higit sa lahat, hindi siya kaakit-akit. Kung kaya't hindi siya madalas gamitin ng kanyang amo. Wala ring gustong kumaibigan sa kaniya, hindi kasi siya sikat tulad ni Pula at Itim, hindi rin siya kasingtingkad ni Lila, ngunit mas lalong hindi siya kaakit-akit na sa isang tingin mo pa lang ay anaki'y nagniningning na ang iyong mga mata tulad ni Dilaw.

         Matangkad si Puti kumpara sa ibang krayola, kitang-kita ang kagandahan ng kanyang titig na animo'y hindi pa nagagamit tulad ng iba. Mabait ito sa lahat, hindi ito nagagalit tuwing hindi siya nais gamitin ng batang si Ben, hindi rin siya matampuhin sa kanyang amo, o 'di kaya'y nagseselos sa ibang mga krayola. Alam niya sa kanyang sarili na balang araw magagamit din siya sa isang obra maestra, iniisip niya na siya'y espesyal na kulay kung kaya't may tamang panahon para sa kaniya.

         Tumanda na ang batang si Ben na isa na ngayong mahusay na artist, magaganda ang kaniyang mga obra, halatang isa na siyang dalubhasa na manguguhit. Habang si Puti naman
ay matiyaga pa ring naghihintay na dumating na ang kaniyang araw. Walang araw na hindi siya tumigil kadadasal at pagpapakitang-gilas sa kanyang amo upang mapansin, nais niyang matupad ang kaniyang matagal na pangarap.

         Isang araw, nakaupo si Ben sa tapat ng kaniyang drawing table. Nauubusan na siya ng inspirasyon at wala na itong maisip na obra, gusto nito ng bagong istilo sa paguhit ngunit naguguluhan siya. Heto na naman si Puti, nagpapakitang gilas sa kaniyang mahal na amo. Hindi naman ito nabigo dahil sa wakas, napansin na siya nito! Matutupad na ang kanyang pangarap!

          Nagsimula nang gumihit at magkulay si Ben. Ginamit niyang pangkulay si puti, ito ngayon ang bida sa kanyang obra na siyang ikinatuwa ni Puti, sa wakas! Natupad na ang kaniyang matagal na pangarap. Nang matapos ni Ben ang kaniyang obra, tumalon siya sa galak dahil isa ito sa magagandang obra na kaniyang nagawa. Dahil doon, lagi ng ginagamit ni Ben ang kulay Puti sa kanyang pagkukulay, walang mintis! Laging kasama si Puti, napakaganda ng kalabasan habang pinaghahalo ni Ben ang puti sa ibang mga kulay. Nakalikha ito ng iba pang magagandang shade.

           Gamit na gamit ni Ben si Puti, araw-araw, gabi-gabi, walang pahinga at walang palya sa pagkulay ito. Pagod na pagod si Puti ngunit wala naman itong magawa kundi umayon sa kanyang mahal na amo dahil tinupad nito ang kanyang pangarap at masaya naman siya sa kanyang ginagawa. Ngunit sa isang 'di inaasahang pangyayari, si Ben ay nagmamadali sa kaniyang pagkulay, naiinis na ito dahil paubos na ang kulay Puti, kinuskos niya ito nang kinuskos sa papel hangga't sa naputol si Puti... hindi na niya kinaya ang pagod at panghihina kung kaya't hinimatay siya.

          Nagising si Puti sa 'di pamilyar na lugar, mabaho roon at madilim, sinikap niyang lumabas kahit siya'y nanghihina pa. Nanlumo ang krayolang si Puti sa kaniyang nakita, nasa basurahan siya! Itinapon siya doon ng kanyang pinakamamahal na amo dahil wala na itong pakinabang sa kanya. Nanlumo at umiyak si Puti, ang kaniyang mala- nyebeng kulay ay dumumi at ang kanyang matangkad at magandang titig ay nawala na. Ginamit lamang siya ng kanyang pinakamamahal na amo at noong wala na siyang pakinabang, ay tinapon siya nito na parang isang basura. Hindi nakayanan ni Puti ang sakit na kaniyang dinanas, hindi lamang ang amo niya ang gumamit sa kaniya, ang ibang mga kulay rin upang gumanda at tumingkad ang mga ito.

          Kaawa-awang Puti. Nakaaawa tayo. Naghahangad lamang na matupad ang mga parangrap ngunit ginamit at itinapon noong wala nang pakinabang. Pinahirapan, pinagod, pinandirihan at kinamuhian. Inabuso't pinagsamantalahan ang ating kabutihan ng mga nakatataas at makapangyarihan. Si Puti, ako, at ikaw ay iisa at ito ang ating istorya.

Kulay ng buhayWhere stories live. Discover now