Crush? Kailan ko ba naranasang magka-crush? Wala naman akong standard na binuo, ang sabi ko lang, basta tumibok ang puso ko sa isang tao, siya na ang matik na gusto ko.

Tibok lang? Alam ko namang maraming dahilan para tumibok ang puso? Pwedeng kabado? galit? ano pa? nagulat?

Para akong tanga, sinasagot ko ang sarili kong tanong. Pa'no ba naman kasi, parang ang tuyo-tuyo ng buhay ko, hindi man lang mawisikan ng thrill.

Hindi nga pala ako pwede mag-adventure, hikain ako. Bawal mapagod ang may mahinang puso sa pagkakaalam ko, pero mukhang malabo ang salitang pahinga sa buhay na mayroon ako.

Part timer ako, waitress sa Jollibee. Para makapag-aral ay kailangan ko ito. Hindi lang kasi katawan ang pagod sa akin, pati na rin ang puso at ang isip. Magmula nang nag-eighteen ako, wala ng araw at oras na nagbubunganga ang mama ko. Kesyo disiotso na ako, legal age na raw 'yon, pwede na buhayin sarili. Bla bla bla.

Marahas akong bumuga kasama ng mga sama ng loob ko sa buhay. Sa kalagitnaan ng paglalakad, ala-una na ng madaling araw, hindi ko alam kung bakit dahan-dahan pa akong naglalakad sa kabila ng nakakatakot na daanan.

Marami akong iniisip, kung paano ako makadidiskarte sa mama kong dagdagan niya ang pambayad ko para sa costume namin sa buwan ng wika. Idadahilan ko ba na last year ko na kasi sa senior high kaya hindi na siya mag-aalala sa akin kapag naka-graduate na ako? Kailangan ko pa ng kapal ng mukha, kasi sa tuwing magsasalita siya, kain na kain ang buo kong pagkatao.

Napabuga ulit ako. Subalit nanuyo ang lalamunan ko nang may umakbay sa akin. Natigilan ako sa paghinga, at hindi na makagalaw nang bumulong siya. Naamoy ko pa ang sigarilyo niya.

"Holdap 'to," bulong niya. Naramdaman ko ang matulis na bagay sa tagiliran ko. Lalo akong nangatog at hindi nakapagsalita. Labis ang naging pagtibok ng puso ko kaya nahihirapan akong huminga.

"Holdap to! Pahinging piso!" Kumalas itong tarantadong 'to sa pagkakaakbay sa 'kin at medyo lumayo saka humagalpak ng tawa.

Ako naman ay sinapo ang puso kong nahihirapan dahil sa ginawa niya. Inaninag ko ang mukha niya saka napagtantong si Mutya lang pala 'to.

"Gago ka bang tarantado ka?! Nagdu-drugs ka ba?! Kingina ka, tinakot mo ako!" Halos maluha-luha na ako at nabanggit na ang lahat ng mura na alam ko.

"I'm sorry! Tulala ka kasi kaya napag-tripan kita, Hahahaha!" Tuwang-tuwa pa siya! Hindi na ako makapagsalita, hinahabol ko na naman kasi ang paghinga ko.

Ayaw ko ng ganitong pakiramdam, palagay ko'y kinukuha sa akin lahat ng hangin.

"Bakit kasi tulala kang naglalakad? Hindi ka man lang kumurap. Baka pag nanakawan ka talaga, e hindi mo man lang mamalayan," natatawa niyang ani, sabay hithit sa sigarilyo niya.

"Hindi magandang biro 'yon, Thaddeus Mutya. Posible akong atakihin pag nagkataon."

Pagkatapos no'n ay tinalikuran ko na siya. Narinig ko pa siyang mag-sorry pero hindi ko na inintindi pa 'yon. Binilisan ko na lang maglakad nang makauwi na.

Pagkarating ko ng bahay, humilata na agad ako at sininghot-singhot ang inhaler ko. Pagod na pagod ako dahil sunod-sunod ang gawa ko, aral at trabaho. Tapos pagti-tripan lang ako ng gagong 'yon?

Putcha, lakas ng tama no'n ah?

070620

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 06, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

VenusWhere stories live. Discover now