"Nahirapan ka sumakay noh?" Bungad sa akin ni Lara pagkapasok ko ng bar habang ibinababa ko ang bag ng gitara ko na nabasa din pagkababa ko ng taxi kanina. Hindi ko rin maiwasang hindi mabahala dahil baka mabasa ang gitara ko pero mukhang hindi naman basang basa ang bag nito."Medyo. Wala akong mabook kanina" ani ko dito habang pinupunasan ko ang mga basang parte ng bag ng aking gitara.
"Naku true yan. Mabuti na lang hinatid ako ng erpat ko kanina kung hindi? Ay shit! Naku lusaw ang make-up ko" sagot sa akin ni Lara sabay buga ng sigarilyo nito. Hindi rin kasi maipagkakaila na malakas talaga magyosi si Lara. Wala naman akong kahit na anong masamang tingin dito nagkataon lang na hindi ko trip. At gustuhin ko man ding sitahin si Lara ay natatakot naman ay na baka bulyawan ako nito.
"Oh fuck. Its raining cats and dogs outside. Pucha kakapacar-wash ko pa lang" reklamo naman ni Gino habang hinuhubad niya ang suot niyang windbreaker.
Kinuha ko naman ang pagkakataon na iyon para ipuyod ko ang hanggang balikat kong buhok na nabasa din kanina nang bumaba ako sa taxi.
"Pucha ka, tignan mo tong priviledge na to? Yan ang pinoproblema mo, samantalang yung iba wala ngang masakyan ikaw ang carwash ang iniitindi mo?" bara na naman sa kanya ni Lara.
"Hoy hindi ko kasalanan kong mayaman erpat ko. Ito ako na naman pinag-initan" depensa naman ni Gino na sinagot lang ni Lara nang pag-irap.
Ano bang mayroon at ganito kalakas ang ulan? Wala namang napapabalita na may paparating na bagyo pero kaninang umaga pa walang hinto ang buhos ng ulan. Hassle pero sa kabilang banda, aaminin ko na medyo pabor din ito sa akin lalo na sa kainitan ng panahon nitong mga nakaraang linggo. Hindi rin naman siguro masama kung masiyahan ako sa saglit na preskong dala ng ulan na ito noh?
"Hoy pucha ka Yul. Ano tulala na naman? Batang to. Oo." puna sa akin ni Lara dahilan para medyo magulat ako at magbitaw ng pilit na ngiti sa kanya. Sanay na din ako sa mga ganitong pagsita ni Lara sa akin. Halos ate ko na nga ito kung ituring kaya madalas natatawa na lang ako sa tuwing papagalitan at sisitahin niya ako.
"Ha?" Tanong ko dahil medyo nagulat din ako.
"Sarap mong buntalan eh" inis nitong sabi.
"Hoy may dalaw ka ba ha? At ang lala ng kasungitan mo ngayon? Teka nga nasaan ba si Ramon nang makapagpractice na tayo? Saka para hindi sa amin ni Yul nabubunton yang kasungitan mo" Tanong ni Gino habang busyng-busy itong nakatingin sa bago iphone 13 pro max niya. Hindi nga talaga maipagkakaila na laking mayaman si Gino dahil bukod sa pananalita at kilos nito ay mapapansin mo din iyon sa mga gamit niya. Dahil kung iaasa lamang nito sa maliit na kita ng banda ang kapritsyo niya ay tiyak taon ang hihintayin niya.
Si Gino siguro ang masasabi nating maswerte na nagagawang masunod ang passion kahit pa gaano kahirap anh buhay.
"Ayun nasa baba kausap yung isa niyang kalandian. Yul nga pala, nareceive mo ba yung sinend ko kaninang pyesa? Naaral mo ba?" Baling nito sa akin.
"Ah..oo Lara pero di ko pa masyadong gamay" sagot ko
"Hayaan mo na. Mga next week na lang natin tugtugin yun. Saka parang hindi rin ganun kadami ang pupunta ngayon eh. Ang lakas ng ulan kalerks" sagot nito sa akin dahilan para mapatingin din ako sa kanina pang galit na kalangitan.
Kailan ka ba talaga hihinto? Pag napuno na ng tubig mo lahat ng bangketa? Kapag wala ka nang mailabas na tubig? O kapag pagod ka na? Pero sa kabilang banda hindi din natin masisi ang langit kung ngayon niya lang naramdamang ibuhos ang lahat. Baka naman matagal niya ding inipon lahat ng yan...at ngayon napuno na siya.