Chapter 1: AWAKEN

97 22 3
                                    

I am trapped in an endless void.

Falling.

Falling.

Falling.

Why am I falling?

Patay na ba ako?

Ganito ba ang pakiramdam ng sumakabilang-buhay? Walang hangganang paglutang sa kawalan?

Hindi ba't parang kanina lang ay parang gumuho ang mundo ko? Bakit tila naglaho ang matinding sakit na nararamdaman ko?

"Haaaaah!" hingal akong dumilat. Hinahabol ko ang aking hininga na para bang may malaking batong nakadagan sa aking dibdib.

Ang unang napansin ng mga mata ko ay ang buwan. Tila ba binabalot ito ng dilaw na kuryente. Napapikit ako nang biglang nabalot ng nakakabulag na liwanag ang himpapawid. Sa muli kong pagdilat, nagbalik sa normal ang lahat.

Tahimik. Kalmado.

Wala akong maaninag maliban sa buwan na umiilaw sa makulimlim na kalangitan. Kakaiba ang sinag nito.

Napabalikwas ako ng bangon nang maramdaman kong unti-unti akong giniginaw. Normal lang ba ito?

Namumuo ang kaba sa dibdib ko. Patay na ako hindi ba? Ang huling naaalala ko ay ang pagtalon ko sa isang mataas na lugar. Dahil sa...

Huh? Nakapagtataka.

Anong dahilan kung bakit ako tumalon? Pinipilit kong maalala pero hindi ko magawang ipasok sa isip ko ang dahilan. Nanatili itong blangko. Para bang natatakpan ng itim na tela ang alaalang iyon. Naaaninag pero hindi malinaw.

Napahawak ako sa parte ng aking puso nang bigla itong kumirot. Sobrang sakit. Halos hindi ako makahinga.

Yinakap ko ang sarili ko at nagsimulang humuni ng isang tono. Tila gumagana. Ilang minuto ang nakalipas at nagsimula akong kumalma.

Kinurot ko ang aking pisngi ng malakas.

"Aray!" sigaw ko. Masakit. Hindi ka nananaginip. Pero nasaan ako?

Nagulo ang iniisip ko nang may marinig akong kumakaluskos sa may bandang likuran. Bigla akong kinilabutan. Hindi ko alam kung paano pero alam kong delikadong manatili sa kinatatayuan ko.

May papalapit.

Mabibigat ang mga yapak nito. Mukhang galing sa isang malaking hayop. Sa bilis ng pagtakbo mukhang may hinahabol ito. Tatlong pares ng paa? Hindi. Dalawa. Isang tao at isang maliit na hayop.

Kumaripas ako ng takbo sa pinakamalapit na pwede kong pagtaguan. Nakakita ako ng isang malaking puno. Dali-dali ko itong inakyat. Kung paano ako nakaakyat ng mabilis? Hindi ko rin alam. Sa takot?

Pabilis ng pabilis ang mga yapak hanggang sa bumungad ang isang lalaking tumatakbo palapit sa punong inakyatan ko. Sa tabi niya ay isang maliit na asong kulay niyebe. Tumigil sila sa pagtakbo at humarap sa pinanggalingan nila. Pagod at puno ng galos ang katawan ng lalaki. Hawak niya ang kanyang tagiliran. Mukhang may malaki itong sugat.

"Damn this restraints," pilit niyang hinahatak ang manipis na puting metal na nakasuot sa kanyang leeg.

Pumwesto siya sa harap ng aso, naglabas ng isang punyal at naghanda sa papalapit na panganib. Ilang sandali pa ay naaninag ko ang bulto ng isang malaking hayop. Umalulon ito ng malakas at walang pag-aalinlangang sinunggaban ang lalaki. Umiwas siya sa pamamagitan ng paggulong. Muling umatake ito at akmang susunggaban ulit ang lalaki ngunit tumahol ang maliit na aso at mabilis na sumugod. Kinagat nito ang paa ng halimaw. Nagawa niyang ibaling ang atensiyon sa kaniya ngunit parang walang epekto ang ginawa ng aso bagkus tinabig lang ito paalis ng halimaw gamit ang kaniyang buntot. Umalingawngaw ang tahol nito sa paglapat ng kaniyang katawan sa isang puno.

LUA: My Moon's CounterpartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon