Apocalipsa

11 0 0
                                    

Apocalipsa

"Ahhh!" isang sigaw ng babae na animo'y binubugbog ng sampung tao ang gumising sa aking pagkakatulog.
Minulat ko ang aking mga mata at umupo sa aking kama. Habang kinukuskos ang mga namumulang mata, sumigaw nanaman ang babae. Pamilyar sa akin ang boses na iyon. Si Manang, oo, siya nga, ang aming kasambahay. Sandali, ngunit bakit?

"Bitawan niyo ako, mga demonyo kayo! Tulong!" sigaw niya na halatang may kasamang iyak.
Kaya naman agad akong tumayo at tinungo ang pinto. Pagkabukas ko nito, isang grupo ng mga tao na walang mukha ang tumambad sa akin. Nakasuot sila ng itim at sila ay matatangkad. At sa mismong harapan ko ay isang tao na mala-halimaw ang may hawak sa ulo ng aming kasambahay. Nanginig ang buong tuhod ko at ang tanging pumasok lamang sa isip ko ay isarado ang pinto. S'ya namang ginawa ko. Ngunit pinagtatadyakan nila ito kaya naman tumalon ako mula sa bintana. Hindi ko na naisip pang bumalik sa bahay nang ako'y tumakbo upang balikan ang aking pamilya. Sa mga oras na iyon, isa lamang ang alam ko, iyon ay iligtas ang aking sarili. Habang tumatakbo sa daan, hindi ko napapansin na tumutulo na pala ang aking mga luha. Napatigil lamang ako nang isang sabog ang gumulantang sa buong paligid.

Tila ang ulirat ko'y nabalik muli sa akin nang mapansin kong tumatakbo ako sa daang wasak. Animo'y nilindol, ngunit bakit hindi ko naramdaman? At bukod pa doo'y ang mga gusali, bahay, at mga puno ay umaapoy. Maraming tao ang nagsisitakbuhan at hinahabol ng mga mala-halimaw na taong walang mukha. Napatigil ako sandali habang inuunawa ang mga nagaganap sa aking paligid.

'"Ano ito? Diyos ko! Ano ang nangyayari?" paulit-ulit na tanong sa aking isipan.

Mula sa malayo, ay natatanaw ko ang isang babae na pinagtutusok sa tiyan ng mga malalaking nakakatakot na nilalang na may pakpak. At mula sa ibaba, tanaw ko sa itaas ang mga nagliliparang tao na mukhang diyablo.

Ang ulap at kalangitan ay napapaligiran ng mga maiitim na usok. Pagsabog ang nagaganap sa bawat paligid.

Napansin ko na lamang na may halimaw ang tumatakbo papalapit sa aking direksiyon kung saan ako nakatayo. Na-alarma agad ako kaya't sinimulan kong tumakbo. Ngunit patuloy parin niya akong hinahabol. Hanggang sa 'di ko na mamalayang marami na sila kasunod ko.

Napakarami kong iniwasan. Kahit na pagod ay pinilit ko paring makaligtas at makapagtago.

Nakakita ako ng isang maliit at buo pang bahay, pumasok ako rito at mag-baka sakaling may tao. Subalit ay ni isa ay wala akong nakita. Tanging mga pagkain lamang sa mesa. Nang makita ko ang mga iyon ay nakaramdam ako ng gutom kaya naman agad akong sumunggab ngunit ni isa sa mga pagkain ay hindi ko malasahan.

Nagtuloy sa pagdaloy ang aking mga luha at naisip ang aking mga pamilya. Ni hindi ko man lamang sila binalikan at sarili ko lamang ang inisip. Habang pinagmamasdan ko ang mga pagkain ay pumasok sa aking isipan na sa oras ng kapahamakan, tanging sarili lamang ng isang tao ang kanyang iisipin. Muli akong humagulgol. Sana ay kasama ko silang kumakain sa mga oras na iyon.

Sa aking pag-iyak, isang tunog na hindi ko maipaliwanag ang nagmumula sa labas. Mahabang tunog na animo'y trumpeta. Nakakatakot ang tunog. Tunog na maririnig mo lamang sa mga nakakatakot na palabas.

Naintriga ako kaya't kahit delikado ay pinilit ko pa rin na lumabas.

Nakita ko ang ulap, madilim na ito na may halong kulay pula na mukhang apoy na nagliliyab ngunit sa kalawakan.
Lumuhod ako at pinagdikit ang aking mga palad. Pumikit at nanalangin na may sinseridad.

"Diyos ko! Ano ba ang nangyayari?" patuloy kong panalangin at mga tanong na nais rin ng sagot.

Hanggang sa isang kamay ang dumampi sa aking kanang balikat. Ngunit hindi ako nakaramdam ng takot at kaba sapagkat ramdam ko na ang kamay na iyon ay mabuti. Kaya naman dumilat ako at ini-angat ang aking ulo. Isang nilalang ang nakatitig sa akin. Nakangiti siya. Muli akong tumayo. Ngunit parang nakita ko na itong nilalang na ito.

Hindi ako maaaring magkamali. Siya nga. Pero bakit? Sa salamin ko lang Siya nakikita. At wala naman akong kakambal.
Pero Siyang-siya ang aking mukha. Sa hubog, ilong, bibig, tenga, lahat. Ngunit paano?

Ngumiti Siya sa akin. at muling nagsalita.
"Naguguluhan ang iyong isipan. Alam kong hindi mo alam ang mga nagaganap sa paligid", panimula Niya. Nakatitig lamang ako sa Kaniya.

"Alam ko ring nais mong malaman. Ang mga nagaganap ay maaring isang panaginip mo lamang o isang pangyayari sa iyong balintataw, na nagbibigay babala at senyales, hindi lang para sa iyo kundi para sa lahat." dugtong pa niya.

"Ako ay si Ako, marahil ay nalilito ka ngunit Ako ay namamalagi lamang sa iyong puso at kaluluwa. Isa akong mensahe para ipakalat mo na nalalapit na dumating ang nararapat maghari sa mundo", sa kaniyang mga binigkas ay naguguluhan parin ako.

"Mga ligaw na damong lumitaw mula sa nakaraan, nanatili hanggang sa kasalukuyan,  ang silang naghahari at nag-aanyong tunay na bulaklak. Marami silang napaniwala na mga bato na sa kanila'y nakapaligid, lupa na binigyan sila ng sustansya upang manatiling nakatayo,  dahil inaakala na sila'y tunay na bulaklak,  ngunit sila lamang ay mga damong ligaw", patuloy Niya.  Sobrang gulo, hindi ko maintindihan ang kaniyang mga binibigkas.

"Hindi ko naiintindihan. Anong mga damo? Anong bulaklak?", naguguluhang mga tanong ko.

"Darating na ang araw na sila ay mapupuksa,  ikaw, kayo, kayong lahat ay huhusgahan,  susubukin ang inyong paniniwala. Aalamin ang inyong puso, ang masama,  ang mabuti. Kayo,  ikaw,  lahat kayo, malalaman niyo ang katotohanan at magugulat sa isang malaking kasinungalingan."

"Anong kasinungalingan?", patuloy na tanong ko habang pinoproseso ang Kanyang mga binaggit.

"Ang isang bagay na nagaganap simula pa noon, maraming henerasyon na ang lumipas mula sa iyong panahon ngayong kasalukuyan", ngiting sabi Niya.

Tumahimik ako hindi dahil wala akong masabi, subalit dahil ay hindi ko naiintindihan ang lahat.

"Marahil ay naguguluhan ka, ngunit ang mga nasasaksihan mo ay isang Pagpapahayag". Muling sambit Niya.

Tila ako ay naguguluhan na tunay. Kaya nama'y tinanong ko Siya.

"Ano ang Pagpapahayag?", tanong ko, ngumiti Siya sakin at nagsimulang sumagot.

"Ang pagpapahayag ay..."

Natigil ang kaniyang pagsasalita nang isang sigaw ng babae ang gumulantang sa amin. Sigaw ng babae na animo'y kinakatay at binubugbog ng sampung tao. Nagliwanag ang buong paligid kaya naman ako ay sadyang napapikit. Ngunit nang ako ay dumilat, isang ilaw sa kisame na lamang ang nakita ko. Muli nanamang humiyaw ang babae. Pamilyar sa akin ang boses na iyo . Si manang, oo, siya nga. Ang aming kasambahay ay sumisigaw. Ngunit pamilyar din sa akin ang pangyayaring iyon. Tumibok ng mabilis ang aking puso at kinabahan. Agad akong tumungo sa pinto at binuksan ito. Si manang, hawak ang tambo.

"Manang, ano ba 'yan? Natutulog ang tao!", sigaw ko.

"Anak, etong daga e, tinakot ako".

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 04, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ApocalipsaWhere stories live. Discover now