Marungis na Ina

0 0 0
                                    


THIS IS JUST A WORK OF FICTION.

Rinig sa buong pasilyo ang paghagulgol ng isang matandang babae. Napukaw nito ang aking atensyon kaya hinanap ko ang pinanggagalingan nito. Nang matagpuan ang siyang kinaroroonan ng ingay ay tila napako ang aking mga paa sa aking kinatatayuan.

Pinagmasdan ko ang isang marungis na babaeng nagwawala sa tabi ng isang kama kung saan nakaratay ang isang dilag na sa pakiwari ko'y anak niya. Nakita ko kung paano siya pakalmahin ng dalawang nars na nasa tabi niya, pero hindi ito naawat sa pagwawala. Ngunit sa kabila ng lahat ay tila ba wala man lang akong naramdamang awa sa nakitang kalagayan ng Ina.

Ibinaling ko naman ngayon ang atensyon ko sa pumayapang dilag. Pinagmasdan ko ang mukha nitong tila nahihimbing lamang sa pagtulog. Ang mga mata nitong nakapikit man ay bakas ang kapaguran. Napailing ako't wala sa sariling napangisi dahil sa nasaksihang senaryo. Isang buhay na naman ang nawala, ngunit hindi dapat panghinayangan. Sapagkat kung iisipin, lahat naman tayo ay darating sa puntong kinalalagyan ngayon ng dalaga.

Akmang hahakbang na sana ako paalis sa aking kinatatayuan nang biglang bumukas ang pinto ng silid at iniluwa nito ang marungis na Ina. Nakahawak ito sa kanyang magkabilang sintido at bakas sa mukha nito ang pagkatuliro.

"O, Doktor, ipagpaumanhin niyo po, ngunit wala akong sapat na pera upang bayaran ang gastusin sa pagkawala ng aking Anak. Kung tutuusin ay hindi siya maaaring mamatay, sapagkat siya ang bumubuhay sa akin. Wala akong maski katiting na pera kaya pakiusap, gisingin niyo na ang aking Anak upang siya'y makabalik na sa kanyang trabaho."

Nawala ang ngising nakaplasta sa aking labi kapagkuwan ay wala sa sariling tumulo ang luha sa aking mga mata. Hindi batid ng aking sarili kung bakit tila kinurot ang aking puso't nag-iwan ng malaki at mabigat na bato sa aking dibdib ang tinuran ng marungis na Ina.

Dahil sa biglaang poot at pagkamuhing naramdaman ay sinubukan kong lapitan ang kinaroroonan ng marungis na Ina upang hawakan ito sa palapulsuhan ngunit natigilan ako nang tumagos lamang ang aking kamay sa kanyang balat. Makailang beses ko pang sinubukang ulitin ito, ngunit ganoon lamang muli ang nangyari. Wala akong ibang nagawa kundi ang titigan nang masama ang marungis na Ina.

Hanggang sa napukaw muli ng atensyon ko ang dalagang nakaratay sa loob ng silid. Nang matitigan kong muli ang itsura ng dalaga ay nanginginig na naitakip ko sa aking bibig ang aking mga kamay.

Muling bumalik sa akin ang alaala kanina lamang. Kung paano ako tumakbo palayo sa lalaking hindi ko kilala. Kung paano ko nalaman na ipinagbebenta muli ako ng aking sariling Ina. Maski ang pagsigaw ni nanay nang tuluyan na akong mahagip ng isang rumaragasang truck ay malinaw pa sa aking pandinig.

Ngayong araw ko lamang nakita ang sarili kong mamahinga. Kaya doktor, pakiusap, 'wag niyo na akong buhayin pa. Hayaan niyo na akong mamahinga kasama ang bata sa aking sinapupunan na nabuo dahil sa maling gawa ng aking marungis na Ina.

-MellyElyssa.

Photo credits to its owner.

FLASH FICTIONWhere stories live. Discover now