PROLOGUE

52 9 11
                                    

Malalim na ang gabi. Ilang minuto na lamang ay magkakatagpo na sa parteng hilaga ang maikli at mahabang kamay ng oras at minuto na naghuhudyat ng panibagong araw para sa lahat.

Ang buong paligid ay tuluyan nang nilamon ng dilim at tanging liwanag mula sa buwan at mga poste ang nagbibigay kulay sa lansangan.

Walang ibang sasalubong sa 'yo kung hindi katahimikan at panaka-nakang kaluskos ng mga dahon at mga kalat na hinahangin sa kalsada.

Ang lahat ay nahihimbing na sa kani-kanilang mga higaan habang ninanamnam ang tanging oras ng pahinga sa buong magdamag. Ang ilan ay naghahabi na ng kani-kanilang mga panaginip na magbibigay ng numerong tatayaan nila sa jueteng pagdating ng umaga.

Napakapayapa ng gabi para sa lahat. Para bang walang sino man ang magtatangkang gumawa ng ingay sa gitna ng katahimikan.

Ngunit habang nalulunod sa pagkakahimbing ang nakararami ay siya namang pag-ahon ng pagnanasang gumawa ng kaguluhan ng iilan.

Ang kalmadong gabi na tinatamasa ay natuldukan nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril.

Ang kaninang mga higaang lulan ng mga namamahinga ay bigla na lamang naiwang bakante sa isang iglap.

Ang kaninang tahimik at walang katao-taong paligid ay napuno ng mga bulungan ng mga taong nakikiusyoso sa pinangyarihan ng gulo.

Tuluyan nang nabalot ng pula at asul na kulay ang kaninang madilim na kapaligiran. Maski ang katahimikan ay napuksa sa pagdating ng sasakyang nagmamadali.

Sa isang iglap, ang kaninang katawang kalong-kalong ko ay tulak-tulak na ng mga nurse habang nakasakay ito sa higaang may gulong.

Hanggang ngayon ay hindi parin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Tila ba'y nananaginip ako nang dilat at sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay nag-aasam akong magigising ako sa bangungot na aking tinatamasa.

Nabalik ako sa aking huwisyo nang may naramdaman akong marahang tapik sa aking balikat na para bang inaanyayahan akong sumakay sa loob ng ambulansya. Agad akong sumakay upang mabigyan ko ang aking ina ng lakas ng loob at tiwala na malalagpasan din namin ang pagsubok na ito.

Ramdam ko ang tensyon sa loob ng sasakyan dahil kitang-kita ko ang mga nurse na hindi mapakali. Isama mo pa ang mabilis na pagmamaneho ng aming sinasakyan maging ang tibok ng aking puso ay tila nakikipagkarerahan sa bilis. Kung mayroon mang dapat na kabahan at mag-alinlangan ay walang iba kung hindi ako.

Narating na namin sa wakas ang aming paroroonan. Mabilis na nagsi kilos ang mga nurse upang bigyan ng lunas ang aking ina. Alam kong malalagpasan niya ang mga bagay na katulad nito ngunit hindi parin maalis sa aking isipan ang pag-aalala.

Hindi ako mapakali habang dinadala siya sa loob ng emergency room. Walang tigil ang mga binti ko kakalakad sa loob ng hospital habang pinapakiramdaman ko ang namamawis kong mga palad at ang nanginginig kong labi. Hindi ko kayang manatili lang sa isang sulok at maghintay ng balita mula sa doktor habang nakikipaglaban sa kamatayan ang aking ina.

Hindi ko ramdam ang hilo, ngawit , gutom at pagod dahil sa tindi ng nerbiyos ko habang nag-aantay. Wala akong ibang uunahin at iisipin kung hindi ang kaligtasan ng aking ina.

Sa tagal ng aking paghihintay ay inabot na ako ng madaling araw dito sa hospital.

Mayamaya ay bigla na lamang akong napatayo mula sa aking kinauupuan nang bumukas ang pinto ng emergency room. Iniluwa nito ang doktor na umasikaso sa aking ina.

Agad akong lumapit at ininda ang pangangatog ng aking mga tuhod.

"Where's the family of the patient?" Bungad nito. Kahit na hirap na hirap akong magsalita ay pinilit kong tumugon sa kanya.

"K-kamusta po ang lagay ng Mama ko?" Tumingin siya sa akin at tila may kakaibang mensaheng gustong iparating. Pilit kong binasa at inintindi ang kanyang emosyon gamit ang pares ng kanyang mga mata.

Ang inaasahan kong emosyon ay hindi ko nakita sa kanya. Walang saya na makikita rito kung hindi kalungkutan at pakikisimpatya.

Naramdaman ko na lamang ang mahinang tapik niya sa aking balikat kasabay ng pagtulo ng luha ko mula sa aking kaliwang mata. Hindi ko matanggap.

"I'm sorry."

Dalawang salita lang ang lumabas sa kanyang bibig ngunit libo-libong karayom ang naramdaman kong bumaon sa aking puso at kalamnan.

Tuluyan nang bumitaw ang aking ina sa lubid ng buhay.

#

DIAMOND BENEATH THE GROUND (ON HOLD)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon