Ah! Sayang na sayang, sayang na pag-ibig,
Sayang na singsing kong nahulog sa tubig;
Kung ikaw rin lamang ang makasasagip,
Mahanga'y hintin kong kumati ang tubig!
****************
Ang awa ng langit at awa mo naman
Nagkakaisa na kaya kung so bagay?
Banta ko'y hindi rin; sa awa mong tunay,
Iba ang sa langit na maibibigay.
Ano ang ganti mo sa taglay kong hirap,
Sa langit na hintin ang magiging habag?
Napalungi namang patad yaring palad,
Sa ibang suminta't gumiliw ng tapat.
****************
Kung ikaw'y magising sa dapit-umaga,
isang paruparo ang iyong nakita
na sa masetas mong didiligin sana
ang pakpak ay wasak at nanlalamig na. . .
Iya'y ako, Sinta!
****************
Parang mga ibong maputi't mabait
na nakakatulog sa tapat ng dibdib;
ito'y bumubuka sa isa kong halik
at sa aking pisngi ay napakatamis.
Ang sabi sa k'wento, ang kamay ng birhen
ay napababait ang kahit salarin;
ako ay masama, nang ikaw'y giliwin,
ay nagpakabait nang iyong haplusin.
****************
Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo't mga bukas na bintana.
Ang rail na lalakara'y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula't patutungo sa Dagupan.
****************
Sa aking puso, ikaw lang ang nag-iisa
Pangako, wala nang iba.
Ang mukha mo palagi sa aking isipan,
Matibay talaga ang ating pag-mamahalan.
*****************
Mapuputing kamay, malasutla't lambot,
kung hinahawi mo itong aking buhok,
ang lahat ng aking dalita sa loob
ay nalilimot ko nang lubos na lubos.
*****************
Oh! Kaawa-awang buhay ko sa iba
Mula at sapol ay gumiliw-giliw na,
Nguni't magpangayon ang wakas ay di pa
Nagkamit ng tungkol pangalang ginhawa.
*****************
Sa tingin ko'y tila pawang kalumbayan
ang inihahandog ng lahat ng bagay,
pati ng mabangong mga bulaklakan
ay putos ng luksa at pugad ng panglaw
akala ko tuloy itong Daigdigan
ay isang mallit na libingan lamang.
Mangyari, Kahapon
ang dulot mo'y lason.
*****************
Dalawang bituing
kumikislap kislap
sa gitna
ng dilim. . .
Tambal ng aliw
na sasayaw sayaw
sa tuwing ako'y
naninimdim. . .
Bukang-liwayway
ng isang pagsintang
walang maliw!