HOW HE GAVE ME HIS SIGHT

23 6 16
                                    

Isang malakas na ulan sa gabing ito ang sumalubong sa akin paglabas ko ng bahay. Hindi na ako nag-abala pa na magdala ng payong. Hinayaan ko na damhin ng aking katawan ang malalamig na patak ng ulan.

Nanlalabo ang aking mga mata habang tinatahak ang daan. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Ang alam ko lang, ngayong gabi gusto kong mawala.

Patuloy lang sa pag-agos ang luha ko habang iniisip kung ano bang nagawa kong mali? O kung mayroon ba? Kung anong kakulangan ko at naghanap pa siya ng iba? Yaong mga bagay na mali sa akin ay aking inisa-isa, ngunit hindi ko pa rin alam kung anong mali sa akin, dahil nangako siya na walang iwanan.

Sa kalagitnaan nang pag-iisip ay hindi ko namalayan ang paparating na truck. Hindi ako makagalaw. Gusto kong tumakbo upang hindi masagasaan ngunit ayaw ng aking sistema.

Namanhid ako sa lahat. Hindi ko na rin naman makita ang halaga ko. Kaya nga ako iniwan 'di ba? Pumikit ako at hinintay ang pagsalpok sa akin ng truck na ito.

Naghintay ako ng minuto ngunit heto pa rin ako at nakatayo. Dinilat ko ang aking mga mata. Dinig na dinig ko ang sigawan ng mga tao sa aking paligid, nararamdaman ko ang pagkakaroon ng gulo.

Nakita ko ang truck na sumalpok sa isang malaking puno. Matapos noon ay hindi ko na alam pa ang sumunod na nangyari. Kasabay nang malakas na pagbuhos ng ulan ang pagkawala ng aking malay at ang pagbagsak sa lupa ng aking katawan.

Isang buwan na ang nakalilipas buhat nang insidenteng iyon. Wala na akong narinig na kung ano mang balita.

Tumawag sa akin ang aking pinsan at sinabing isinugod daw sa ospital ang aking lola. Agad akong naligo at nag-ayos upang pumunta doon sa ospital at bumisita.

Pagkarating ko ay sinalubong ako ng aking pinsan at itinuro ang silid kung nasaan ang aking lola. Habang papunta ako sa silid na itinuro ng aking pinsan ay hindi ko maiwasang mapahinto at makinig sa usapan ng dalawang babae na nasa tapat ng isang pinto. Sa aking palagay ay kamag-anak sila ng pasyente sa loob.

Kinuha ko ang aking cellphone at nagkunwaring abala rito, ngunit ang totoo ay papakinggan ko lamang ang kanilang usapan.

Umiiyak ang isang babae habang pinapakalma naman ito ng kaniyang kausap. Ang sabi ng isang babae ay sobrang nakakahinayang daw ang sinapit ng kaniyang anak. Hindi niya inakalang sa isang truck accident matatapos ang lahat nang pinaghirapan nito at magiging sanhi ng pagkabulag ng kaniyang anak.

Bigla akong napaangat ng tingin at naalala ang gabi na muntik nang tumapos sa aking buhay.

Umalis ang dalawang babaeng nag-uusap. Hindi ko alam ngunit may nagtutulak sa akin na pumasok sa kuwarto ng pasyente na ito.

Pumasok ako at nakita ang isang lalaki na nakadilat at nakatingin sa kawalan. Lumingon siya sa aking kinaroroonan at nagtanong, "Sinong nand'yan?"

Hindi ako makasagot. Ano ang aking sasabihin? "Ma? Ikaw ba yan? Dala mo na ba ang paborito kong prutas?" pagtatanong niyang muli.

Hindi ako makasagot. Hanggang sa nagtanong siyang muli. Nataranta ako at wala sa sariling naitanong, "Bakit ka nabulag?"

Tumawa siya at nag-isip muna bago sumagot, "Ang straightforward mo, Miss. Ikekwento ko sayo pero pakiss muna,"

Nagulat ako sa kaniyang isinagot. Aalis na lamang ako. Manyakis pa ata ang isang ito.

Bubuksan ko na sana ang pinto nang marinig ko ang kaniyang mahinang pagtawa. Napahinto ako at napalingon muli sa kaniya, "Dahil sa isang aksidente..."

Napahinto ako at humarap muli sa kaniya, "Last month, gabi iyon. Ako ang nagmamaneho ng truck para ideliver sa binabagsakan naming store. Sideline ko lang pangdagdag sa gastos. Graduating student nga pala, your future educator," ngumiti siya ng mapait. Hinayaan ko siyang magkwento.

"Kaso may isang babae eh loka-loka ata," natawa siya nang bahagya, "Nasa daanan siya tapos ayaw tumabi, ayan syempre imbes na sagasaan ko siya edi ibinunggo ko na lang sa puno 'yong truck. Nataranta na kasi ako noon ayaw niya umalis sa kalsada. Mamamatay siya hindi niya ba naisip 'yon? Ligtas naman siguro 'yong babae ngayon. Ako? Nagkaroon daw ng malaking epekto sa akin. Permanent blindness," mapait siyang ngumiti.

Hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagluha ngunit taksil ang mga ito. Nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha lalo na noong nakita ko ang pagtakas ng luha sa kaniyang mga mata. Ako iyon. Ako ang babaeng iyon.

"Oy, loka-loka ka, huwag kang maiyak d'yan. Ang ganda ganda mo tapos umiiyak ka d'yan," tumatawa siya ngunit bakas ang pagkalungkot sa kaniya.

"Iniwan nga eh," halos pabulong kong sambit.

"Anong sabi mo?"

"Wala. Sabi ko bulag ka nga, hindi ako maganda e' hindi mo naman ako nakikita ah?"

"Nakita na kita. Unang beses noong gabing iyon, at 'yun na rin ang huling beses,"

"Sorry..." Heto na lamang ang mga nasambit ko.

"Miss, pinatawad na kita. Siguro heto na ang nakatakdang mangyari. Ang mawalan ako ng paningin. Pero ikaw mayroon ka pa. Mas masaya kung gagamitin mo ang mga iyan para makita ang tama, ang makatuwiran, ang saya, ang mga positibong bagay, at mas maraming mahahalagang bagay sa mundo. Tingnan mo nang mabuti 'yong mga bagay na mayroon ka at huwag ang mga bagay na nawala sa iyo. Sana magawa mo hangga't na sa iyo pa ang instrumentong nawala sa akin. Wala na akong paningin. Wala na, nawala na..."

The End

How He Gave Me His Sight

How He Gave Me His SightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon