Simula

1.8K 73 57
                                    



Unang Yugto

"Hindi ba tayo mapapagalitan dito? Mapapahamak tayo rito, Drowse..."

Napasinghap ako sa sinabi ni Rafhael habang sinisilip ang kabuuan ng kastilyo.

"Mapapagalitan at mapapahamak lang tayo kapag nakita nila tayo, Rafhael," nginitian ko s'ya. "Huwag kang mag-alala, kapag nakita ko na s'ya ay babalik agad tayo sa bayan."

Malalim s'yang bumuntong-hininga at walang nagawa kundi ang sumunod sa 'kin.

Inayos ko naman ang pagkakaupo sa tuktok ng puno habang patuloy ang pagdungaw sa napakalawak na Isleofskye.

Kung tutuusin ay mas malawak ang Winchester kaysa rito, at napakadelikado ng Isleofskye para sa mga taong katulad namin ni Rafhael.

Hindi dapat kami nandito. Wala dapat kami rito dahil sa oras na makita kami ng kahit isa sa kanila, hindi lang si Kamatayan ang makakaharap namin.

May mas malala pa roon.

Dahil ang isang Winchester ay hindi dapat nakikihalubilo sa mga Isleofskye... ang berde ay kailanman hindi puwedeng maging asul.

Mas delikado sila kumpara sa 'min. Mas marami silang kawal at ari-arian, ngunit hindi naging sagabal 'yon para masakop nila kami.

Magaling sa pakikipaglaban ang mga berde, ngunit kung bilang na ang pag-uusapan, maaaring iyon ang ikalubog namin.

"Hindi pa ba tayo lilisan, Drowse? Kumakalam na ang aking tiyan. Sumisigaw na sa kagutuman." Iyon na naman ang reklamo ni Rafhael.

Binalingan ko s'ya ng tingin. "Kung gusto mo ay mauna ka na. Susunod na lamang ako sa 'yo."

Bumangon siya mula sa pagkakahiga, ang kamay ay itinuon sa sanga ng puno. "Sigurado ka ba?"

Tumango ako. Walang kahit ano ang makakapigil kapag gutom na ang kalaban ni Rafhael.

Matagal ko na s'yang kaibigan at kilalang kilala ko na s'ya mula sa kuko ng kan'yang paa, hanggang sa dulo ng kaniyang buhok.

"O sige, babalik naman ako mamaya. Sabay tayong uuwi dahil madilim na. Hindi puwedeng tahakin mo ng mag-isa ang gubat..."

Humagikhik ako sa sinabi n'ya. "Kaya ko ang sarili ko, Rafhael. Huwag mo 'kong alalahanin. Sige na, maaari ka nang umalis."

Tinawanan n'ya ako pagkatapos ay marahang tinapik sa balikat. Mayamaya pa ay tumalon na s'ya pababa ng mataas na puno.

Sinilip ko pa s'ya roon sa ibaba, kumaway at ibinalik na ulit ang tingin sa kastilyo.

Nang muli kong tignan si Rafhael ay wala na ito. Napakabilis n'ya talagang maglakad.

Ilang minuto na akong nakasilip doon ngunit hindi ko pa rin s'ya nakikita. Matagal ko naman nang ginagawa ito at kahit kailan ay hindi ako napagod.

Walang araw na hindi ko s'ya sinisilayan. Pakiramdam ko kasi ay hindi ako makakatulog kapag hindi ko nakikita ang kan'yang mukha.

Kung bakit kasi sa dinami-rami ng tao sa lugar ng Winchester, isang Isleofskye pa ang napusuan ko.

Napakadelikado ng nararamdaman kong ito.

Mayamaya pa, malayo pa lang ay narinig ko agad ang pagtawag ni Rafhael. Hindi na ako magtataka dahil kilala ko rin ang kan'yang boses.

Napatingin ako sa ibaba at kumunot ang noo. Hinahapo na ito. Nakayuko siya at nakapatong ang dalawang palad sa tuhod.

Please, Identify [Green-Eyed Series #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon