NOSTALGIA

2 0 0
                                    


AGAD at automatic akong bumalik sa realidad at tinuon ang pansin sa labas ng jeep na sinasakyan ko.

Parang humina ang tugtog na galing sa earphones ko at buong sistema ko yata ay gustong mag-pokus sa madadaan namin.

"Bayad po." inabot ng driver, na katabi ko sa harap ng jeep, 'yung bayad.

Nakakatuwa lang, na sa palaging pagliko ng lahat ng jeep na nasakyan ko sa Sta. Cruz ay parang naka-set na ang buong ako lalo na ang paningin ko, na dapat akong lumingon at baybaying maigi ang bawat sulok ng Escolta hanggang City Hall.

Parang mayroong mga alaala akong nararamdaman. Mga mensahe mula sa puso ko na ipinapadala papuntang isip ko, at kahit hindi aktwal at literal na nangyayari sa kasulukuyan ay nakikita ko ang mga pangyayaring 'yon.

Sabay kaming kumain sa Ministop doon.

Nagtatawanan kami kahit hinihingal na kaming maglakad sa kahabaan ng tulay; sabay hagis ng barya sa malaking ilog Pasig, humihiling at umaasa na sa kabila ng rumi at lumot nito ay may nakatagong kung ano na tutuparin ang pinakatatangi naming gusto.

Madalas at magkasama kaming sumilip sa fountain sa tapat ng Post Office na parang laging nag-iiba ang kulay nito tuwing umaga.

Ang dami rin nangyari sa daan papuntang Intramuros -- pero ibang k'wento naman ang nakapaloob doon.

"Para po." Inihinto naman ako ng driver sa tapat ng underpass na tagos sa kabila, tapat ng City Hall.

Dahan-dahan akong bumaba at iniayos ang laced blouse ko at ipinagpag ang likuran ng short ko. Bago magpatuloy ay itinago ko na sa loob ng backpack ko ang earphones ko.

Nakakulong din sa underpass na 'to ang ilang alaala namin.

Tinignan ko ang bawat tiles na may lamat at nangingitim na sa dami ng umapak at usok na dumikit dito.

Sinusulyapan ko ang bawat alikabok na ito na parang nababasa ko mula sa mga korteng nabuo nila ang pangalan naming dalawa

Dito kayo nagkakilala.

Dito kayo sumaya.

Nasa amin k'wento n'yo

Luminis man, maiba man ang p'westo, kadikit ng bawat lugar na pinuntahan namin ang alaala namin.

Kung tutuusin ay sumpa nga para sa mga taong ayaw makulong sa nakaraan pero -- gusto ko.

Naglakad ako sa pagitan ng mga nagtitinda ng street foods at mga karinderia na punong-puno ng estudyante.

Kahit alas dos ng hapon ay puno pa rin ang mga kainan dito. Puno ng ingay at tawanan.

Dumiretso ako sa mga upuan, sa may Angel's burger, katapat ng UDM. Umupo ako doon.

Kinuha ko naman ang cellphone ko para sabihan ang hinihintay kong kaibigan na nandito na 'ko sa lugar kung saan namin napagkasunduan magkita.

Pagkatapos, ulit, ay nag-obserba ako sa paligid. Nakikita ang mga alaala naming dalawa sa bawat sulok ng lugar.

Lumingon ako sa harap ng UDM. Doon kami nagsimula.

At sa muling paglalaro ng tadhana nakita ko siya.

Siya.

Siya pa rin ang dating siya na nakilala ko.  'Yung bitbit n'yang gitara, 'yung lakad n'ya. Sa paghawi n'ya ng buhok sa tuwing pagpapawisan ito; sa pagtiim ng mga labi n'ya kapag tumatawid at may papalapit na sasakyan. Kung paano gumalaw ang malalapad n'yang balikat at likod kapag naglalakad siya --palayo.

Nakatalikod.

Naglalakad --

Papalayo.

"Lumalayo ulit," pabulong kong sabi saka nasundan ng mapaklang ngiti. Halos kabisado ko na ang likod n'ya sa paulit-ulit n'yang paglayo. Paulit-ulit.

Hindi n'ya alam na handa akong damayan s'ya. Hindi n'ya alam na handa akong pakinggan lahat ng hinanakit n'ya sa mundo. Hindi n'ya alam, pero hindi ko siya huhusgahan kapag nagpakita s'ya sa'king wasak at problemado kasi pinangako kong tutulungan ko siyang mabuo. Mamahalin ko siya nang buo.

Pero ito ang pinili n'ya.

Hindi ko na rin pinilit kasi -- paano ba humawak sa mga kamay na nakabitaw? Ni hindi nga ito nakaunat at nakalahad-- nakakubli ka. Nakatago.


Inilipat ko ang paningin sa mga karinderya at tindahang kalat ang mga p'westo sa City hall. Bali-balita ang pagpapa-renovate nito. Gigibain ang mga mumunting tahanan at hapag ng k'wento namin at mapapalitan ng parke -- mapapalitan ng bago.

Mawawala rin pala.

Pero naniniwala pa rin ako na luminis man, maiba man ang p'westo, magiba at alisin ng panahon, kadikit pa rin ng bawat lugar na pinuntahan namin ang alaala namin.



NOSTALGIA (ONESHOT)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon