i.

1 0 0
                                    

Idinilat ko ang mata ko at sa loob ng ilang segundo'y nakalimutan ko kung sino ako, nasaan ako, at kung anong araw ngayon --- para akong bagong panganak. Agad lang din naman akong nabalik sa realidad nang may humampas sa mesang kaharap ko ngayon.

Inayos ko ang upo ko at iniangat ang paningin sa taong nasa harapan ko ngayon. Babae, naka-boknay nang mahigpit ang buhok niya, nasa mid 50's, at nakatayo't nakabihis ng pang-teacher.

"Mr. Romualdo! Tititigan mo na lang ba ako buong maghapon o tatayo ka at sasagutan ang nasa pisara?!" Nanlilisik ang mga mata n'yang nakatingin sa akin. Akala mo'y kakainin ako nang buhay. Agad akong napangisi.

"Ang ganda mo po kasi, Ma'am." Agad na dumagundong ang tawanan sa loob ng aming klase dahil sa patutsada ko. "Pero sasagutan ko po ang math problem, Teacher." Lalong lumakas ang tawanan dahil sa idinugtong ko. Paano kasi, college ang tinuturuan n'ya pero kung magturo'y akala mo elementary pa rin ang mga hinayupak na estudyante n'ya.

"Genesis Romualdo, detention room! Now!" Nanlaki ang mata ko nang bigla s'yang maglabas ng detention slip. Na naman?! Lagot nanaman ako nito kay babes!

"Ma'am naman, sasagutan ko na po! Te'ka lang, te'ka!" Dali-dali kong binagtas ang agwat ko mula sa malaking white board --- saglit na nag-stop over sa gitna para kindatan ang chubby, nakasalamin, at cute na babae.

Halos otomatikong nangunot ang noo nito pagkakita sa akin at 'sing bilis ng kidlat na bumalik sa pagsusulat.

Lemon Garcia, galing probinsya, at dalawang buwan ko na rin s'yang pinepeste. Nginitian ko ito --- 'yong ngiting kita lahat ng mapuputi kong ngipin --- bago ko narinig ang tilaok ni tandang Sora.

"Romualdo!" Agad akong tumalima sa pisara at sinagutan ang tanong nang walang kahirap-hirap. Hah! Brainy ako, hindi ba alam ni Ma'am?

Galing probinsya si Lemon at tulad ng lahat ng mga nagpupursiging kabataan, lumipat s'ya dito sa Maynila para makapag-aral sa kolehiyo. Dalawang buwan na akong namemeste sa buhay estudyante n'ya, paano naman kasi, kung makihalubilo s'ya sa tao'y parang may sakit ang karamihan dito --- hindi pa kasama do'n ang walang kapantay n'yang pag-iwas sa mga kalalakihan. Hindi ko pa ata s'ya nakitang makipag-usap sa isang lalake nang silang dalawa lang, kung hindi dahil sa mga grupo na itinatakda ng mga guro namin, siguradong hindi s'ya makikipag-usap sa mga lalaki --- na pabor naman sa parte ko. Aba! Syempre, pabor na pabor! Hindi ako makapapayag na kakausap s'ya ng ibang lalake samantalang kunot na noo palang ang natatanggap ko mula sa kan'ya.

Ang totoo'y napansin ko na iyon unang araw pa lang ng klase kaya naisipan kong inisin s'ya; una dahil wala akong magawa sa buhay, at pangalawa dahil natatawa ako sa mukha n'ya tuwing naiinis s'ya. Nakunot ang noo n'ya, samahan mo pa ng pamumunas n'ya sa maliit n'yang ilong na nagdudulot naman ng paglaglag ng bilugan n'yang mga salamin. Sinong hindi macu-cute-han sa gano'n?!

Alas siyete na nang lumabas ako ng school, tinapos ko pa kasi ang plate na due na bukas.

Presko akong naglalakad habang nakasukbit ang isang strap ng bag ko sa aking kanang balikat habang sumisipol. Maglalakad ako, masrap ang hangin.

Tatawid na sana ako tungo sa kabilang kalsada nang makita ko ang maliit na bulto ng isang chubby na babae na lumabas sa book store ilang metro ang layo mula sa tawiran. Agad akong napangisi. Mukhang mago-over time ang peste ni Lemon sa katawan ko, ah.

Agad din 'yong nawala nang mapagtanto ko kung anong oras na. Napa-palatak ako. Hindi ba 'to maalam umuwi nang maaga? Nagdesisyon akong sundan s'ya mula sa malayo. Hindi kaya ng aandap-andap kong konsensya kung may mangyaring masama dito sa tutang 'to.

Tahimik ko s'yang sinusundan. Mukhang balak pa atang maglakad ng makulit na 'to nang mapansin kong nilagpasan n'ya ang hintayan ng jeep. Tsk. Hindi ba n'ya alam na delikado?

The DreamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon