Mayo Ikatlo, Dalawang Libo't Dalawang Pu

9 0 0
                                    

I:
Naaalala ko ang unang beses
Nang hawakan mo ang kamay ko
Gaano nga ba katagal?
Isang oras, dalawa, tatlo-
Hindi ko na maalala ang tagal
Ngunit naaalala ko ang lambot at gaan ng kamay mo
At kung gaano nakakakaba ang hawakan 'yon.
Naisip kong "Masyado ba 'tong mabilis?"
Pero sa pakiramdam ko'y tama lahat:
Ang hawakan ang kamay mo sa unang pagkakataon.
Makita kang nahihiya sa unang litrato.
Pagmasdan kang nakangiti sa bawat kwento.
Marinig ang saya ng tawa mo.
Tama lahat. Pakiramdam ko'y tama lahat.

II:
Siguro nga'y totoo
-hilig kong makarinig ng mga mabababaw na biro
Hindi ba't madali lang naman akong patawanin?
Hindi, mali.
Siguro'y ano mang manggaling sayong biro ay nakakatawa
O baka dahil mas tamang sabihin
Na mas madaling tumawa kapag kasama ka.
Hindi kailangang palaging sobrang seryoso.
Binigyan mo ko ng hingahan na kahit kaunti,
Pwede pala akong tumawa at maging masaya
Sa mumunting bagay.

III:
Handa ka na bang makarinig ng sikreto?
Mas maraming araw na lagi kong iniisip kung bakit ako.
Maaari mong ulit-ulitin sa akin ang dahilan
Ang iba't-ibang rason mo ng pag-ibig
Ngunit hinding-hindi ko maiintindihan, Mahal.
Hayun ka't parang ang hirap maabot.
Parang ang layo-layo.
-at may mga araw na, gaya ng araw-araw.
Na palagi mong sasabihin sakin kung gaano ka kasaya.
Gaano ka humahanga.
Ibat-ibang bersyon ko sayong mata.
Sana kaya kong sabihin sayo kung gaano
At kung paano sobrang tumataba ang puso ko
Sa kabila ng lahat ng hindi ko makitang dahilan bakit ako.

IV:
Ilang beses ko na bang nasabi?
Hindi ko hilig ang mga selebrasyon.
Normal na araw, gigising at matutulog.
Ang unang beses ay normal na pakiramdam.
Pangalawa?
Normal-na may kasamang higit na saya.
Dalawang buwan na agad ang lumipas?
Pero bakit pakiramdam ko'y katulad parin nang unang araw.
Pangatlo.
Isang buwan ko yatang hinintay 'to.
Hindi, hindi na ito normal na araw.
Ito ang araw na paulit-ulit akong magpapasalamat
-sa Kanya dahil ako, higit sa sinuman ang pinili mo.

V:
Uulitin-ulitin kong alalahanin
Ang bawat araw na kasama ka.
Kung sakali mang nananaginip lang ako,
Gigising akong masaya.
Malulungkot, maari.
Ngunit higit ang saya, Mahal.
Bago ka dumating,
Akala ko'y hanggat mahal ko sila ay sapat na.
Sasapat na siguro yun sa lahat ng kulang namin.
-pero araw-araw mong pinapatunayan na hindi.
Nakakatakot mas madalas,
Ayokong maramdaman mong kulang
-kulang ang pagmamahal ko
At hindi sapat.

VI:
Nalulungkot ka ba sa tuwing tahimik lang ako
At hindi madalas magsalita?
Pasensiya na, Mahal.
Mas madalas na hindi ko alam
Paano uumpisahan ang pangungusap kapag kaharap ka.
Mas nag-uumapaw ang kagustuhan
Na makita kang nakangiti habang nag-kukwento.
Mas madalas na nalulunon ko ang mga salita
Bago ko pa man masabi tuwing kaharap ka.
Hindi ako ipinanganak para sa matatamis na salita
Kaya pasensiya na kung sa sulat lang
Mas malakas ang loob ko.

VII:
Higit sa lahat ng larawan natin,
Ito na siguro ang pinakapaborito ko.
Hindi man sapat ang imahe para iparating
Kung gaano kita kamahal
Gusto kong isipin na SANA
Sa bawat araw mo bilang sinta ko,
Maiparamdam ko sayo ang saya
-saya na singtulad ng dulot mong saya sa akin.
Hindi ko man kayang higitan
O pantayan man lang,
Pero sana'y maramdaman mo
Na araw-araw akong gigising na masaya
Dahil ako ang pinili mo.

VIII:
Tuwing iniisip ko kung bakit ako,
Mapupuno ng pag-aalala ang isip ko.
Paano na kung-
Paano na kapag-
Paano na?
At may mga araw na titingnan ko lamang
Ang larawan nating dalawa
At mararamdaman ko ang kapanatagan.
Sabi ko nga diba, "Kung panaginip man ito,
gigising akong masaya."
Pero hanggat nakikita ko ang larawan natin
At madadala saan man ako magpunta,
Magiging paalala ito
Na pinili mo ako at akin ka.

IX:
Mahal mo ako, walang duda
Pero sa tuwing nararamdaman ko
Na mas mahal mo 'ko
Sa mga araw na hindi ko alam
Ang mga tamang salita para sayo,
Mas napupuno ng lungkot ang puso ko.
Pasensiya ka na, Mahal.
Pasensiya ka na kung hanggang ngayon
Ito parin ang linyang kaya kong ibigay
At hindi ang linya ng pang-unawa
At linya ng kahinahunan.
Hindi linya ng higit na pagmamahal.
Mahal kita.
Mahal kita sa mga oras na mas nauuna ang galit
Kaysa pagmamahal
At hindi ko mahanap ang tamang salita.
Patawad.

X:
Sana ay nakikita mo ang sarili mo
Sa mga mata ko, Mahal.
Maaring isang larawan lang 'to,
Pero ang nakikita ko'y ikaw-
Ikaw at ang mga mata mong
Mas higit na masarap titigan sa personal.
Ikaw at ang mga ngiting
Araw-araw kong gustong makita.
Ikaw at ang libo-libong paro-paro
Na ngayo'y nasa sikmura ko.
Ikaw at ang hindi ko matanggal-tanggal
Na bara sa lalamunan tuwing
Napupuno ako ng saya at hindi ko
Alam kung paano ipapaliwanag sayo
Kung gaano kita kamahal.

XI:
"Pag-gising ko ba, wala ka na?"
Kung ibang sitwasyon siguro,
Ang magiging sagot sa tanong mo ay "Oo"
Pagod narin ako ng araw na 'yon
At gustong magpahinga.
Pero mas may galak na makita
Ang ekspresyon ng mukha mo
Nang magising ka't naroon parin ako.
Kung ibang sitwasyon siguro,
Maiinip ako at aalis.
Pero ang isiping natulog ka
Na umaasang paggising mo ay naroon parin ako,
Ay sapat na dahilan para manatili.
Gusto kong malaman mo
Na hindi ako nainip na pagmasdan kang matulog.
Sa halip, hiniling kong bumagal ang oras
Para mahaba ang iyong pahinga
At mas matagal kitang makasama.

XII:
Palagi akong natatakot noon
-natatakot akong isipin na,
"Paano kapag katulad ulit ito nung
Huling beses kong sinubukan?"
"O baka, paglipas ng panahon baka mauwi lang ulit sa wala."
Hindi ko na mabilang ang dami ng takot
Na naitago sa loob ko.
Ngunit iba ka sa kanila.
Hindi sila si Neve.
Hindi sila si Hane.
Hindi sila si Mahal.
Walang araw na pinaramdam mo
Na dapat akong matakot
Sa halip, kabaliktaran iyon.
Siguro nga.
Mayroon ka na sigurong permanenteng lugar dito.
Dito banda sa puso ko.

XIII:
Hindi ko hilig ang iguhit ang mga tao sa buhay ko
-isang bagay na ginagawa ko lang
Para sa mga espesyal na tao.
Ngunit ng makilala kita,
Gusto kitang i-guhit.
Hindi ko man kahit kailan
Mailalarawan sa mga gawa ko ang ganda mo,
Gusto kong sa panahong
Hindi ko na mahawakan ang lapis at papel
Dala nang kawalan ng interes
Ay maalala kong minsa'y nai-guhit kita
-isa kang masayang alaala
Tuwing bubuklatin ko
Ang libro ng aking mga likha.

XIV:
Bigyan mo ako ng simbolo mo
Na maaari kong dalhin
Saan man ako magtungo.
Madalas, iisang ekspresyon lang
Ang kaya kong ipakita sa lahat
-gusto kong ipakita sayo
Na higit akong masaya
Nang araw na ibigay mo sakin ito.
Sa wakas, isang bagay
Na palagi kong madadala
Kahit saan na sumisimbolo sayo.

XV:
Sa bakanteng kwarto,
O punong-puno ng kwarto
Ikaw lang ang unang hahanapin.
Sayo lang magtatagal ang mga mata
-o baka hindi magtagal,
Minsan kasi'y hindi tumitigil
Ang mga paru-paro kapag
Mas matagal akong nakatingin sayo.
Hindi ko maipapangakong
Magtatagal ang titig ko sayo,
Pero ikaw lang
Ang gusto kong makita
Sa lugar na puno ng tao o wala.

XVI:
Gusto kong ipunin
Ang lahat ng larawan mo
Hangga't maaari.
Gusto kong kung sakali mang magising ako
At ang lahat nang ito'y panaginip lang,
Mayroon akong babauning
Resibo ng sayang parehas nating naranasan.
Mas madalas kong maisip
Na sa sobrang saya ko,
Baka bigla na lang mawala.
Ang sabi ng matatanda:
Ang sobrang kasiyahan ay panadalian.
Sana, hindi.
Sana hindi ikaw.

XVII:
Mababaw nga siguro ang kaligayahan ko
Na kahit sa simpleng laro
Na tayo ang tao-tao
Ay napupuno ng saya ang araw ko.
O dahil madalas,
Gusto kong samahan ka sa mga bagay, palabas,
Kanta, pelikula, pagkain
Para mas maintindihan kita
At ang saya sa likod ng mga kwento mo.

VXIII:
Isa, dalawa, tatlo, apat, limang oras o higit pa.
Hanggang gaano ba katagal
Ang oras na inuubos natin
Tuwing tayo'y magkasama?
Minsan, mapa-personal o hindi
Maraming beses na gusto ko na lang
Ang titigan ka habang nakangiti
Sa mga bagong kwentong
Gusto mong ibahagi.
Madalas gusto ko na lamang
Ang titigan ka buong araw
At pakinggan ang lahat ng kwento mo.

XIX:
Ang huling parte sa lahat,
Para ngayong araw
Dahil nasisiguro kong uulit-ulitin ko
Ang pag-gawa ng mga walang laman
Na tula dahil lang gusto kitang makita.
Salamat, Mahal.
Salamat sa lahat nang araw
Na hindi ko naramdamang nabawasan ang pag-ibig mo.
Salamat, Mahal.
Salamat para sa mga salita ng
Adorasyon na laging umaagapay sa
Mahina kong tiwala sa sarili.
Salamat, Mahal.
Salamat para sa higit na tatlong buwan,
Sa walang sawang pagpapaalala
Kung gaano mo ako kamahal sa bawat araw.
Salamat, Mahal.
Salamat at dumating ka.
Hindi ako hihiling nang panghabang-buhay,
Hindi ako hihiling nang masasayang araw palagi.
Ang hiling ko lang,
Sana hindi ka parte ng imahinasyon ko
Kapag oras na para gumising.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 30 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Una At Para Sa Mga Susunod Na Para Sayo LamangWhere stories live. Discover now