āpú dāniw

22 0 0
                                    


NARAMDAMAN DIN ANG pandemya sa mundo ng isip ng writer ng kuwentong ito. Subalit hindi sakit ang kumakalat sa kanila. Kalungkutan. Inusig ng mga maliliit na boses ang manunulat.

Kasalanan mo ito. Kaya gawan mo ng paraan na manumbalik ang saya at sigla sa aming mundo. Sumulat ka ng kuwentong magliligtas sa amin.

Hindi makasagot ang writer. Wala siyang maisip. Dahil kahit sa tunay na daigdig ay wala pang lunas sa sakit. Pilit din niyang pinaglalabanan ang kalungkutan.

Pero hindi puwedeng wala. Sumbat ng mga maliliit na tao.

Walang nagawa ang writer. Umupo siya sa harap ng kaniyang laptop. Nag-isip ng kuwentong magliligtas sa maliit na mundo niya. Lalong higit sa sarili rin niyang kinukubabawan ng labis na kalungkutan.

Subalit sala-salabid ang isip niya ng mga oras na 'yon. Wala siyang maisip na kuwento maliban sa pira-pirasong tagpo. Putol-putol na eksena sa kaniyang isip.

Parang ganito:

"Isang araw, nagising na lang ang mga San Joseño na wala na ang kaligayahan. Hindi na mahanap ang saya sa puso. Lumisan na ang mga ngiti. Marami ang nagtanong. May mga nagpunta pa sa police station, nagpaskil ng mga missing poster sa plasa. Habang ang karamihan nagpost sa Facebook at Twitter. Kahit ang writer ng kuwentong ito, sinubukan nilang tanungin. Pero kahit siya hindi masabi kung saan naroon ang kaligayahan.

May nakapagbulong sa mayor na ipatawag ang lahat ng manghuhula sa bayan. Sumunod naman ang alkalde. Pati mga manghuhula sa Quiapo isama na rin daw. Nagulat ang mga taga Maynila nang pagdating nila sa San Jose ay parang ninakaw ang saya sa kanila. Kaya tumanggi sila sa alok ng mayor at nagpaalam na babalik na lang agad.

Ipinag utos na maging comedy bar ang lahat ng bar sa bayan. Pati mga beerhouse sa Gitna sa Pag-asa ay naging comedy bars na rin. Pero umangal ang mga nagta-trabaho roon. Hindi raw nila kaya magpatawa. "Ligaya" lang ang kaya nilang ibigay. Nagbanta rin sila na kung tatanggalin ay magsasagawa sila ng isang malaking kilos-protesta. Nabahala ang munisipyo.

Sinabi ng mga doktor na magsagawa ng malawakang endorphin tests. Wala raw pondo para sa mass testing.

Bakit nga ba nawala ang kaligayahan?

Saan ito nagpunta?"

Walang bida ang istorya. Kaya nag-isip ng karakter ang writer. Isang tagapagligtas.

BULAG SI LORENZO. Sinasabing binulag siya nang mahuli kasama ang ibang raliyista na humihiyaw ng katarungan para sa lupang ninuno sa Commonwealth Avenue.

Pinalaya man siya ng mga dumakip ay habambuhay naman siyang ibinilanggo sa kadiliman.

Nagsampa sila ng kaso, pero maging hustisya ay bulag para sa kanila.

Pinili ng mga magulang ni Lorenzo na iuwi na lang siya sa San Agustin. Isang barangay sa San Jose, Occidental Mindoro. Malapit ang bahay nila sa dalampsigan. Kaya madalas maglakad dito si Lorenzo para magpahangin.

Ito na lang ang tanging lugar kung saan siya malaya.

Pero tumama nga ang isang pandemya na lalong nakadagdag sa kalungkutan at pagkabilanggo ni Lorenzo.

Narinig niya sa telebisyon na hindi na mabilang ang mga patay. Ang ibang bangkay ay inihilera na lamang sa mga barangay hall. Punong-puno na rin kasi ang mga sementeryo. Kahit hindi bayani ay inilibing na sa Libingan ng mga Bayani. Hindi na lamang apartment ang makikita sa North at South Cemeteries, condominium na ng mga nitso. Ginawa ito para hindi mangamoy ang mga naaagnas na katawan.

āpú dāniwTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon