Ice cream

8 1 0
                                    


        Pagkabalik namin sa room, parang walang nangyaring bukingan sa may corridor. Diretso daldal agad si Craig sa katabi nya sa kanan. Ni hindi nya ako nilingon kahit padabog ng bahagya ang pag-upo ko sa armchair. Palibhasa likas na palangiti ang damuho, para namang inasinang bulate kung maka kiri ang mga babae sa 3rd row.

Sige lang talaga lalake, umiwas ka sakin kala mo di ko yan malalaman? Magkastiff neck ka sana sa pinag-gagawa mo, Giraffe!


AFTER CLASS

     Nakatungo akong naglalakad habang iniisip ang lahat-lahat ng memories na andun si Heimdal.

    Una kaming nagkita, nung Foundation day last year. Ka-school mate ko na talaga ever since elementary sina Heimdal at Craig. Hindi ko matuturing na kaibigan ang huli pero mas madalas ko syang maging kaklase sa halos buong elementary years kumpara sa bestfriend nya dahil dakilang matalino at varsity ng basketball si Heimdal. Top sya palagi sa mga exams kaya kung hindi star section, nasa section 1 or 2 naman sya hanggang ngayong high School. Iisang university lang naman ang pinasukan naming tatlo magpahanggang ngayon. Kaya hindi na nakapagtataka na sya pa din ang gusto ko over the years. Loyal ko hindi ba? Charot!
   Mga sumunod na pagkikita namin halos hindi naman na ganun nakaka kilig kasi puros mga meetings ng PTA, 'pag nauutusan ng teacher maghatid ng kung ano or kapag nagkasalubong sa mga department ng bawat subject. Saka ni hindi naman kami nakapag usap ng sobrang haba. Ni hindi nga nya ako binabati kapag nagka-salubong kami sa hallway. 

Suplado nga kase ang lolo mo.

  Ah, meron palang medyo nakakakilig, yun yung mga times na patakas kaming pupuntang 4th floor kasama ng beki friends ko tapos mahuhuli nya kami at mag-eexcuse sya sa teacher nila para lang lumabas at sawayin kaming bumalik sa class room namin. O di kaya kapag mahuhuli nilang nakatingin sya sakin mula sa 4th flr kapag nagpi-P.E class kami malapit sa Principal's office. Sya din yung madalas pumunta sa room namin para ipatawag ako kapag kailangan ako ni Ma'am Cabiling sa Filipino Department.

   Alam ko, hindi nga ganun nakaka kilig pero para sa akin yung mga simpleng tagpo na ganoon sobrang nakakahimatay na dahil bibihira lang tumitig sa mata ang isang Heimdal Jimenez. Tapos kakausapin ka pa? Luh, Bhie sobrang swerte mo na. Kaya halos mamatay matay na sa kilig ang mga kababaihan sa batch namin eh.

    Sa lahat ng tao ay seryoso talaga sya tumingin. Palibhasa sya ang Class President ng section 1-D kaya dapat mukhang kagalang galang. Which I doubt na kelangan palaging ganun kasi diba? maaga syang tatanda nu'n. Pero kahit anong anggulo, ang gwapo pa din ng bebe ko! Ultimo pawisan sa praktis ng basketball, hanep pa din sa bango at lakas ng dating! Tapos ang pula pa ng labi. Oh men..

Ang dami ko na din pa lang sinagutang Slam note or Slambook--kapag malaki. At lahat ng yon ang lagi kong sinasagot ay "Secret" or "m2m" sa "who is your crush" Kahit alam naman ng lahat kung sino ang crush ko noon pa man. Natatawa na lang ako sa sarili ko na pati 'FLAMES' hanggang ngayon ay sinusubukan ko pa rin kahit wala nama'ng pinagbago. Sweethearts? kung ganun, bakit wala naman kaming progress para magkatotoo?

Pero ang galing ng tadhana no? All this time yung nakaka-badtrip na si Craig lang pala ang makakapagsabi sa'kin at makakaconfirm ng mga bagay-bagay about Heimdal. Hindi pa naman yung totoong 'confirmation' pero atleast nabuhay nya ang pag-asa kong matagal ng natutulog.

Lately kase ay medyo humihina na ang pag-asa ko na mapapansin nya ako. Sa liit kong ito, hindi rin kagandahan at morenang kutis sino bang papansin sa akin? May mangilan-ngilang nangangahas na magka gusto sa aking ngunit nalalaman ko na lang yon kung kailan lumipas na or kung kelan hindi ko na din sila gusto. Bakit kaya ganon? Kaya naisip ko na bago matapos ang school year na ito, kapag wala pa rin talagang nangyayari. Ia-uncrush ko na din si Heimdal!

 "Kahit sobrang tagal pa na nagustuhan mo sya kailangan mo pa ring manindigan na mag-move on. Aba, beh. Ikaw ang bunso namin at ayaw ka namin masaktan. Di bale nalang itong si Judy ang laging broken hearted dahil kay Kevin, immune na yan kesa ikaw." Naalala kong sabi ni Elsa

"Hindi na din tama yung sobrang effort mo magpapansin, kahit hindi ka naman nya tinitignan man lang bhie." Segunda ni Maica habang sinusuklay ang medyo mahaba ko na'ng tuwid at kulay dark brown na buhok. 

Lagi ko namang iniisip ang mga sinasabi nila lalo na kapag itutulak ako ng bahagya ni Bodeck kapag nariyan sa malapit si Heimdal. Hindi ko rin naman pinapahalatang tumitingin ako sa kanya. Sadyang malakas lang ang boses ng baklita kaya napaghahalataan kami ng iba. Maraming natatawa na parang namamahiya kapag umaalis na si Heimdal. Mga babaeng nandidiri ang tingin sabay irap sa tuwing dumadaan ang grupo namin.  Pero wala na akong magagawa. Ganito ako suportahan ng mga kaibigan ko. Yun nga lang kahit anong tulak nila sa akin darating din pala sa puntong ikaw na mismo aayaw lalo na kapag tingin mo wala na talagang pag-asa.

Lalo na nung isang linggo kasi, nakita ng iba kong kaklase na may kasama syang student teacher, hawak nito ang sariling bag at si Heimdal naman ang naghahawak ng mga libro nito. Masaya silang nagkukwentuhan patawid sa Lopez Building sa gawing kaliwa ng school. Dun kasi ang department offices ng English at MAPEH subject. 

   Bata pa si Heimdal, sa tantya ko ay isang taon ang tanda nya sa amin ni Craig ngunit sa edad na 13, mas matangkad na sya sa mga kaedad. Nasa height na sya ng 5'7 at pinaka matangkad sa boys ng batch namin. Medyo makisig na din ang katawan kaya kung titignan sila ng Miss S.T na yun ay mapagkakamalang magka edad lang sila. Sa nasagap ko kasing bulong-bulungan ay 19 lang si Ma'am, baby faced pa kaya bagay na bagay sila. Charot! Sana lahat bagay.

Hindi ako naiinggit.. Slight lang.  Hindi naman ako magdedeny pero ayoko lang ipahalata na ganun na nga. masakit din kaya na sobrang suplado sa iba pati sa akin tapos sa student teacher na kebago-bago ay agad silang masayang nag-uusap? Napaka-unfair!

"Sobrang unfair mo Hei--Ayy!" Nagbalik ako sa ulirat ng mabigla sa malamig ngunit maglagkit na bagay na tumama sa blouse ko. Oh my H.. "..ang uniform ko.." nanlulumo akong napatingin sa damit ko. Sobrang nipis pa naman nito at ang lamig dahil saktong tumama ang ice cream sa bandang dibdib ko.

Husto na ang pagkapikon ko na bubuga na ako ng apoy para singhalan ang salarin pero nabitin sa ere ang sigaw ko. "S..sorry.. Hindi ko sinasadya bata. Ayos ka lang?" May halong pagpipigil ng tawa ang kung sino man tong naka bangga sa akin. Halatang hindi naman sincere kung manghingi ng tawad.

Kaya naman pala, dahil ito yung student teacher na kasama ni Heimdal nung nakaraan. At mukhang magkasama rin sila ngayon dahil may dalawang hakbang na lang ay makakalapit na  sya amin na may dala ding ice cream. Di gaya ng kay bruhildang teacher na agaw pansin ang natutunaw nang choco-stawberry flavor, sa kanya ay ung plain. Vanilla flavor naman. 

Saktong nakarating sya sa pwesto namin ng makita nya ng husto ang nagyayari. Nakatigil na ang ibang usi at iniintay ang mga susunod na eksena. Nakita ni Heimdal kung bakit nakatigil sa harap ko ang ST. Ramdam kong nataranta sya ng kaunti. hindi nya alam kung ano ang unang pupunasan, ang kamay ba ni ma'am o ang blouse ko na nagsusumigaw ng nagkalat na mantsa.

Ni hindi manlang nag-atubili si ma'am na tulungan ako, sa halip ay nagpa awa pa sya sa harap ng crush ko. Napaka-kapal ng mukha! 
"Hala, Ma'am paano to?" may pagka sarkastikong sabi ko kahit sa loob loob ko ay gigil na gigil na ako. Bukod sa napahiya ako dahil sa huli ay inuna sya ni Heimdal. Nakita ng lahat na natatawa sya sa nangyari sa akin!


'Masaya ka nyan, Ma'am? Ikayayaman mo ba ang pagpahiya sa akin?' Gustong-gusto kong sabihin yan sa harapan nila habang busy sila sa pagpupunasan at pagpapaawa ng babaeng ito pero di ko nagawa.  Paano naman ako? ako kaya ang natapunan. Lintek naman..

Akala ko ba Craig? Eto ba ang sinabi mong natutorpe sya sa akin? Bakit kabaliktaran naman yata..
Nakakatawa.. Pinasaya lang ako ng konti para lang ibagsak ulit? Ayoko na pala talaga ng ganito. Nakaka-pahiya at nakaka-sakit.

Dala ng naipong sama ng loob at pagkapahiya sa maraming estudyante, basta na lang akong tumakbo palabas ng gate.


"Abbiegail!"

Huling rinig ko bago tuluyang makalabas, pero wala na akong pakialam kung sino. Magsama-sama silang mga hakdog sila!


Si Crush!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon