0

2 0 0
                                    

Pinasadahan ko ng tingin ang paligid. Wala akong kakilala rito dahil puro mga bisita ito ng kampo ng mga Alonsozana, at malamang ay hindi rin nila ako kilala. Narito lang ako dahil gusto kong masaksihan ang nakakatawa at nakakalungkot na pagpapakasal ni Ate.

Nasa pinakalikod ako nakaupo at wala pa akong katabi dahil lahat sila gustong tutukan ang kasal. Bumuntong-hininga ako dahil naramdaman kong naiihi ako. Alas kuwatro pa dapat magsisimula ang seremonya pero pagtingin ko sa orasan ko ay alas tres y media pa lang kaya luminga-linga ako para hanapin ang direksyon ng banyo.

Papasok ako ng banyo nang biglang may tumakip ng bibig at mata ko! Muntik na akong maihi sa dress ko! Sinubukan kong magpumiglas at sumigaw pero narinig ko ang boses ng Ate kong sumasaway sa akin.

"'Wag ka maingay, Ibyang! Ako 'to!"

Padabog kong tinanggal ang kamay niya sa mata ko at napansing nasa labas na kami ng simbahan.

"Para kang tanga, Ate! Naiihi ako, eh! Paano kung nakaihi ako sa dress ko? Nirentahan ko lang 'to!"

Tiningnan ko ang ayos niya. Hindi siya naka-makeup at naka-wedding dress. Nakapantalon siya at polo shirt. Naka-ponytail lang ang buhok niya at hinihingal pa sa pagkaladkad sa akin palabas.

Nanlaki ang mga mata ko.

"TATAKAS KA?!"

"Shh! Shh!"

Tinapal niya ang palad niya sa bibig ko at sinuri ang paligid kung may nakarinig.

"Buntis ako, 'Byang! Hindi ako pwede ikasal sa kanya."

"Ha?! Okay lang 'yan 'te! Sige na! Anong oras na, oh! Magbihis ka na!" Tinulak-tulak ko siya sa kung saang direksyon para mahimasmasan siya at magmadali.

"Anong okay lang?!" Mahigpit niya akong hinawakan sa magkabilang braso at niyugyog.

"Ibyang! Buntis ako! At hindi na ako pwede ikasal kasi kasal na kami ni Philip!"

Napanganga na talaga ako sa sinabi niya! Baliw na ba 'tong Ate ko?

"'Di ba sabi ko sa'yo nung isang linggo pa lang, masama na ang pakiramdam ko. Tapos nagsusuka ako nung isang araw pero sabi mo baka nangasim lang ako sa sinigang na niluto ko. Pero nag-test ako kahapon, 'Byang..."

Nararamdaman ko na kung ano yung sasabihin niya pero hindi pa rin ako makapaniwala!

"Positive! Tatlong pregnancy tests 'yon!" Nagsimula siyang maiyak. Naiiyak na rin ako dahil nararamdaman ko ang pagkataranta niya. Sinilip ko ang wristwatch ko at nakitang 3:43 na.

"Kailan kayo nagpakasal ni Kuya Philip?" Mahinhin kong tanong habang nakadampa ang dalawang palad sa baba. Natatakot ako dahil baka sensitibo siya ngayon dahil buntis siya. Nasigawan ko pa naman siya kanina. Naawa tuloy ako bigla.

"Kagabi... sa munisipyo. Dalawa lang kami kasi pinakiusapan lang ni Philip yung kakilala niyang abogado. Hindi ko nga alam kung paano sasabihin kay Tatay, eh."

Kung hindi lang siya buntis ay talagang binara ko siya.

"Anong plano mo ngayon? Tatakbuhan natin 'to? Yari tayo, Ate! Baka ipa-Tulfo tayo!"

Tumingin ako sa loob ng simbahan at mukha namang wala silang suspetya na may nangyayari nang anomalya sa labas. Hinatak ko ang Ate ko palayo sa simbahan at nag-isip kung saan magandang magtago. Sa Aurora kaya? O sa Visayas para malayo talaga?

"Pero sige, tara na, Ate. Magtago na lang tayo nina Tatay. Hindi naman nila alam yung hitsura natin kaya hindi nila tayo ilalabas sa TV."

"Ha? Hindi, Ibyang!"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 30, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Paper RingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon