Huwag Kang Matakot

7 1 0
                                    

I highly recommend listening to 'Huwag Kang Matakot' by Eraserheads while reading this.

MILDRED

1999

Umuulan na naman. Wala pa si Anton, may dala kaya siyang payong? Malamang sa malayong parte ng paradahan na naman siya nakapag-parada ng auto niya dahil tanghali na siya nakapasok kanina.

Rinig na rinig ang patak ng ulan at ang malakas na buhos ng tubig na dumadaloy sa alulod, pati ang mga palaka ay nag-iingay na rin. Tumayo ako para tingnan kung may sapat ba kaming kanin para mamaya.

"Ma, ano kayang dalang ulam ni Papa?" tanong ni Analisa na nagliligpit ng gamit niya pang-eskuwela.

"Hindi ko alam, anak. Sana manok!" masaya kong sagot, "Tapos ka na bang magsagot ng assignment mo?" tanong ko kay Analisa habang naghahanap ng cassette tape na ilalagay ko sa stereo namin.

"Opo, ma! Ang dali nga lang, e! Magaling kasi 'yung nagturo sa'kin!" sambit niya at niyakap pa ko.

Natawa naman ako, "Nambola ka pa! Matalino ka naman talaga, anak, nadalian ka dahil nagsikap ka, wala akong ginawa para mapadali 'yan," sabi ko kay Analisa at hinalikan siya sa ulo. Nilagay ko naman ang cassette tape sa stereo.

Huwag Kang Matakot by Eraserheads

Paborito namin 'to ni Analisa dahil pinangako ko sakaniya na 'di siya dapat matakot dahil nandito lang ako sa tabi niya at 'di ko siya pababayaan.

Nagsasayaw lang kami ni Analisa nang marinig ko ang sasakyan ni Anton. Pinatay ko naman ang stereo, "Anak, andiyan na ang Papa mo," sabi ko sakaniya.

"Teka lang po, Ma. 'yung mga libro ko po 'di ko pa naligpit lahat," sabi niya at nagmadaling niligpit ang mga gamit niya.

Pinigilan ko siya, "Ako na ang magliligpit niyan. Bilisan mo nang kumilos," utos ko sakaniya, tumango naman siya at umalis na.

Narinig ko namang bumukas ang pinto, nagpanggap akong 'di ito narinig at nagpatuloy lang sa pagliligpit ng gamit ni Analisa.

"May pagkain na ba tayo?" tanong ni Anton na kakaupo lang sa sofa.

"Oo, may kanin na diyan tapos 'yung ulam natin ay 'yung ulam namin kaninang tanghali," paliwanag ko.

"Hindi ka man lang nagluto?!" inis niyang tanong sa'kin.

"A-akala ko kasi mag-uuwi ka ng ulam," paliwanag ko.

"Akala mo?! 'Yan kasi! Wala kayong ginawa kundi ang umasa sa'kin!" sigaw niya sa'kin at tumayo para pumunta sa kusina.

"Pritong itlog? Ito lang ba ang kaya mong lutuin?! Wala ka talagang silbi!" galit niyang sigaw at hinagis 'yung plato sa sahig na nagdulot ng malakas na tunog. Nabawasan na naman ang plato namin.

"Wala na tayong ibang pagkain dito, hindi rin ako makalabas dahil bubugbugin mo ko 'pag lumabas ak—"

"Bubugbugin pa rin kita lalo na't wala akong makain! Binubuhay ko kayo tapos ito ang ipapakain mo sa'kin?!" sigaw niya at sinampal ako.

"A-ano bang gusto mong u-ulam? Bibili ako ng sangkap, ipagluluto k-kita," sabi ko habang nagpipigil ng iyak.

"Lalabas ka? Ano? Para takasan ako?!" sigaw nito at sinampal ulit ako.

Hindi ko na napigilan ang luha ko, "Hindi naman sa ganon..."

"'Wag ka na lang magsalita! Nawalan na ko ng gana kumain nang nakita ko 'yang pagmumukha mo!" sigaw ni Anton at hinila ang buhok ko, "Wala kang silbi!" sigaw nito at tinulak ako. Napadaing naman ako sa sakit nang tumama ang likod ko sa dingding.

Pumunta siya sa tauban ng plato, may kinuha at bumalik sa harap ko, "Hindi ka aalis sa pamamahay na 'to, Mildred. Hindi ka makakatakas sa'kin," sabi niya habang tinututok ang kutsilyo sa leeg ko.

Hindi ko kilala ang taong pinakasalan ko. Sobrang nalulungkot ako sa buhay na meron ako, sa buhay na meron si Analisa.

Alam kong gustong lumabas ni Analisa sa cabinet tuwing sinasaktan ako ng tatay niya, pero lagi kong sinasabi sakaniya na 'wag niyang gagawin 'yon dahil kaya ko naman ang sarili ko.

Naramdaman ko naman ang talim ng kutsilyo sa leeg ko, napapikit na lang ako sa takot, "Anton, 'wag," mahina kong sabi.

"'Wag kang matakot, Mildred," sabi niya.

Nabigla naman ako nang biglang may tumulak kay Anton, "Analisa! Bakit ka lumabas?!" natataranta kong sigaw dahil 'di ko na alam ang gagawin ko.

Nilingon ko si Anton at kita ko ang galit sa mga mata niya, "Wala kang utang na loob! Palamunin ka lang sa bahay na 'to! Ang lakas ng loob mong lumaban sa'kin!" galit na sigaw ni Anton habang unti-unting tumatayo.

Tinago ko naman si Analisa sa likod ko pero sumigaw ito, "'Di ko na hahayaang saktan mo ang nanay ko! Napakasama mong tao!"

Mas nagalit naman si Anton, tinulak niya ko at hinawakan si Analisa sa balikat, "Anong sinabi mo?!" sigaw nito.

"Napakasama mong ta—" hindi na natapos ni Analisa ang sasabihin niya nang tinulak siya ng ama niya sa lamesa na pinapatungan ng stereo.

Tumugtog ang cassette tape sa loob, kasabay din nito ay pagtulo ng dugo sa sahig.

"Analisa!" sigaw ko. Hindi ko alam ang gagawin ko, nanghihina na ako kaya nahirapan akong tumayo agad.

"Patay na siya. Patay na ang magaling mong anak." Rinig kong sabi ni Anton habang nakatingin sa katawan ni Analisa.

"Hindi mo ko matatakasan, Mildred," sabi nito muli.

Kumuha naman ako ng kutsilyo sa kusina, "Kaya ko, at 'di ako matatakot na takasan ka," sabi ko nang makalapit sakaniya.

Sinaksak ko siya nang paulit-ulit. Kung makulong man siya, baka makalaya pa siya at may ibang abusuhing babae. Mas mabuti na 'to.

Tinignan ko ang bangkay ni Analisa, "Huwag kang matakot... 'di mo ba alam nandito lang ako..." sabay ko sa kanta habang napaupo na lang sa panghihina.

Naghalo-halo ang tunog ng ulan, kulog, kidlat, ang iyak ko, at ang cassette tape.

At kung ikaw ay mahulog sa bangin ay sasaluhin kita...

'Wag kang matakot na matulog mag-isa, kasama mo naman ako...

Napatingin na lang ako sa hawak kong kutsilyo.

'Wag kang matakot na umibig at lumuha...

Kasama mo naman ako...

Sinaksak ko ang sarili ko sa leeg.

"'Wag kang matakot, 'di mo ba alam nandito lang ako sa'yong tabi, 'di kita pababayaan kailanman..." pilit kong sinabi gamit ang huling hininga ko.

Lagi mo kong kasama, Analisa, anak.

Note: This story was meant to raise awareness about abuse. Abuse of women and children in general. There are a lot of cases about abuse and a lot of victims think that death is the only way to escape their abuser. Alam ko pong super dark at nasira na 'yung tingin niyo sa kanta pero that's just how my imagination works kaya sorry po kung nasira ko 'yung meaning ng kanta sainyo HAHAHA. This is pure fiction pero it can happen in real life too. Let's just hope that violence stops.

Huwag Kang MatakotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon