Introduksyon

3K 25 3
                                    

Introduksyon

Lahat ng bagay ay may kahulugan, lahat nang nangyayari ay may dahilan. Kung bakit itong libro na ito ang pinili mo, marahil may laman ang librong ito na labis na makatutulong sa iyo.

Ang mga bagay na nakasulat dito ay hindi ayon sa kombensyunal na nalalaman ng mga tao, kung mayroon lang sanang nagtuturo nito ay tiyak na kokonti nalang ang mga taong nagkakaroon ng problema sa pag-ibig. Wala na sanang nasisira ang buhay, nasisirang pamilya at mga taong nagpapakamatay dahil sa pag-ibig.

Hindi ko pakay na baguhin ang mga tao at gisingin sila sa kanilang panaginip, kundi nais ko lamang palawakin ang pag-iisip at magbigay ng ibang pamamaraan upang ito'y prosesuhin. Kung lagi kang nasasaktan o lagi kang namomoblema pagdating sa pag-ibig marahil ay may kailangan kang matutunan at kailangan kang baguhin.

Ako ay sumasayaw sa aking sayaw, kapag ikaw ay natuwa e mabuti, kung ikaw nama'y hindi natuwa hindi ko pipiliting baguhin ang iyong pananaw. Ngunit gayunpaman ako ay patuloy na sasayaw dahil wala akong karapatang diktahan ang iyong pananaw, kung ano ang tama o mali, maganda o pangit, at kung ano ang dapat at hindi para sa'yo.

Bakit ito ang napili kong pamagat?

Dahil sa pagkakaalam ko dalawa ang dahilan kung bakit nagbabago ang isang tao: una ay dahil gusto niya, at pangalawa dahil kailangan. Karamihan sa mga taong lubusang nasaktan ay nangangailangan ng solusyon upang sila ay muling maging maayos. Bumalik ang dati nilang sigla na tila ba nakalimutan na nila ang mga nangyari sa kanila. Kaya ito pinamagatang "Bakit masakit magmahal?" dahil karamihan ng mga taong makababasa nito ay nasaktan na o ayaw nang masaktan pa kaya sila ay bukas sa pagbabago.

Bago ako magsimula, ano nga ba talaga ang pag-ibig?

Mahirap ipaliwanag ang isang bagay na nararamdaman at tila walang tamang salita na makapagpapaliwanag dito. Ngunit sa aking paghahanap ang pinakamalapit na

depinisyon nito ay:

Pag-ibig - isang kondisyon na ang iyong kasiyahan ay nakasalalay sa ibang tao.

Maaaring pag-ibig sa kasintahan, sa magulang o sa kaibigan, na nakabatay sa reaksyon nila sa'yo kung ikaw ay matutuwa at mas mamahalin pa sila o magagalit at magtatampo. Marahil iyan nga ang dahilan kung bakit maraming nahuhumaling at naaadik sa pag-ibig kaya ito tinuturing na isa sa pinakamatinding paksa sa mundo ngayon.

Mayroon ding isang uri ng pag-ibig na aking imumungkahi at iyon ay ang tinatawag na unconditional love. Mahal mo ang isang tao hindi dahil sa matagal na siyang nanliligaw, mayaman siya, mabait, matipuno, pasado siya sa iyong mga magulang at checklist ng mga katangiang gusto mo sa isang tao, kundi mahal mo siya dahil sa kanyang pagkatao at kung sino siya talaga. Hindi ka nangangailangan ng pag-sang-ayon ng ibang tao para lamang masabing sigurado ka na sa kanya.

Ang klase ng pag-ibig na iyon ay hindi natatakot, kung mawawala man siya o magbabago dahil alam niya na may sarili siyang buhay at mayroon siyang kalayaang pumili kung sino ang kanyang mamahalin. Hindi siya umaasa sa kanya, hindi siya nag-eexpect at hindi sa kanya nakasalalay ang kanyang kasiyahan. Interdependency kung tawagin ng iba gayunpaman ay masaya siya kapag siya ay kasama ngunit hindi siya clingy.

Bakit Masakit Magmahal?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon