CHAPTER 2 BAKA HINDI SIYA ANG MINAHAL MO

1.3K 11 1
                                    

“Just be yourself” -Anonymous

‘Yan ang payo ng lahat ng halos lahat ng tao kapag tinatanong kung ano ang gagawin nila. Ano ang sasabihin nila kapag manliligaw sa babae? Isa itong magandang payo kung talagang susundin ngunit kalimitan ay hindi naman nagagawa.

Nandito tayo sa isang lipunang tumatak sa ating pagkatao na hindi tayo sapat. Kailangan maging gwapo o maganda ka para makuha ang taong iyong inaasam. Kailangang may maganda kang kotse, magandang bahay, matinong pamilya at matiwasay na pamumuhay upang masabi mo sa sarili mo na sapat ka na. Ngunit madalas inihahambing mo ang sarili mo sa iba o sa mga tauhan sa pelikula kaya laging kang nakakaramdam na may kulang.

Kaya't ang ibang tao ay nagkukunwari o nagsusuot ng maskara para maging sila ang taong   magugustuhan ng kanilang sinusuyo o sumusuyo. Ngunit mas madalas na makita ang ganitong maskara sa isang taong nanliligaw. Kapag ang lalaki ay nanliligaw ibibigay niya ang lahat ng kanyang oras para sa babae. Ihahatid at susunduin mula eskwela o trabaho para lamang makita niya siya at makausap. Magtetext araw-araw, tatawag at laging magyayayang mag-date para mas mainlove pa ang babae. Marahil madalas pa siyang magbibigay ng mga regalo at bulaklak para mas bumilib sa kanya ang babae na kaya niyang itong suportahan. Papangakuan niya ng mabubulaklak na mga pangako tulad ng siya lang ang babae sa buhay niya, na mamahalin niya siya habang buhay na ibibigay niyang lahat mapasagot lang ang nililigawan.

Dahil sa kanyang kasipagan ay mahuhulog tuloy sa kanya ang babaeng kanyang nililigawan. At tulad ng karamihan sa atin kapag nakuha na nila ang kanilang gusto ay hinihinto na nila ang kanilang ginagawa at bumalik sa dating sila, noong hindi pa sila magkakilala. Ang nakalulungkot doon ay nahulog ang babae sa isang taong araw-araw na nanliligaw sa kanya, araw-araw siyang inaalala, isang taong sobrang galang at sobrang matipuno at isang taong sobrang maunawain na ngayon ay hindi na niya nakikita. Hindi niya alam kung bakit unti-unti siya lumalayo sa kanya at unti-unting nawawala ang alab ng kanilang pagmamahalan. Karamihan kapag ito'y napansin ng lalaki ay huli na ang lahat at nakapagdesisyon na ang babae.

Kaya nga't minsan hindi mo mapiglang itanong kung kanino ba talaga umibig yung babae, sa taong kasama niya o sa ideya niya kung sino ang taong kinakasama niya nung nanlilligaw pa lang ang lalaki sa kanya.

PANGMATAGALANG PANGAKO SA MGA PANANDALIANG NARARAMDAMAN

 

Ang karamihan sa mga tao ay gumagawa ng mga pangmatagalang pangako batay sa kanilang nararamdaman sa kasalukuyan. Mamahalin mo siya nang panghabambuhay, pakakasalan sa lahat ng simbahan sa buong mundo at pauulanan ng bulaklak araw-araw. Ito ang mga katagang nakakakiliti kapag iyong napakinggan. Para bang binubuhat ka sa itaas ng ulap at ayaw mo nang bumaba.

Ngunit ang katotohanan ay lahat ng nararamdaman ay nawawala at bumabalik. Kung ngayon ay galit ka, marahil mamaya ay natutuwa ka na dahil may nakatutuwang kwento sa’yo ang iyong kaibigan o masaya ka ngayon mamaya nama'y bigla kang malulungkot nang walang dahilan. Ganyan ang katangian ng emosyon, pabago-bago at hindi kailanman nahuhulaan kung ano man ang susunod na mararamdaman.

Ang nangyayari kapag ika'y nangangako ng panghabambuhay ay nagbibigay ka ng ekspektasyon sa taong iyong minamahal na marahil ay totoo ngayon lalo na kapag umagos na ang matitinding emosyon sa iyong katawan ngunit marahil pagkatapos ng ilang taon ay hindi na at ito'y hindi mo mapangungunahan gaya ng hindi mo alam kung ano ang mangyayari bukas o sa makalawa o kung ano ang iyong maiisip at mararamdaman makalipas ang limang minuto. “Marangal naman at romantiko yung mga sinabi ko ah”, ang marahil na sasabihin ng iba. Ngunit para sa akin, pagsisinungaling at panloloko ito kung hindi ko kayang tuparin ang aking mga ipinangako ko. Mas gugustuhin ko pang sabihin na mamahalin kita hanggang sa abot ng aking makakaya. Hindi siya ganoon kabulaklak ngunit ito’y totoo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 22, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bakit Masakit Magmahal?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon