One Shot

5 0 0
                                    

• • •

Rinig na rinig ko mula sa loob ng bahay ang ragasa ng malakas na ulan mula sa labas. Ang pagluha at mga pagkidlat ng kalangitan ay tila ba nagkaisa upang takutin ako. Ngunit, ang kagustuhan kong makalabas ng kuwarto sa gabing iyon ay natatabunan ang takot na aking nadarama. Malalim na ang gabi ngunit patuloy ko pa ring naririnig ang mahinang pag-iyak ng isang babae na nagmumula sa sala. Gabi-gabi na lamang itong nangyayari. Napabuntong-hininga na lamang ako.

Marahan kong sinara ang pinto ng kuwarto ko at bumababa mula sa pangalawang palapag. Sa tuwing inihahakbang ko ang aking mga paa ay siya ring paglakas ng pag-iyak ng babae. At sa bawat pagsabay ng aking paghakbang ay siya ring pagsikip ng aking dibdib. Dalawang hakbang na lang hanggang sa makarating ako sa sala. Tumambad sa akin ang isang babaeng nakaupo sa harapan ng telebisyon. Patuloy pa rin ito sa pag-iyak habang nakatuon ang atensyon sa video na nakasalang sa harapan nito. Paulit-ulit lamang itong umiiyak sa paulit-ulit na palabas na iyon. Ngunit, ang pag-iyak nito ay hindi umaayon sa malakas at makulay na tawa ng bata sa video. Kahit hindi ko makita ang nasa telebisyon ay alam ko kung kanino nanggagaling ang matamis na pagtawa na iyon. Subalit, hindi na pamilyar sa akin ang tawa na iyon. Mapait na lamang akong napangiti.

"Huwag kang gumalaw, Dy," rinig kong ani ng batang babae. Matinis ang malamyos nitong boses habang walang tigil sa paghagikhik.

"Your food will get cold, honey. Ibaba mo muna 'yang phone," wika ng ina ng bata. Hindi na rin pamilyar sa akin ang malumanay na boses na iyon.

"Just one shot, Mom,"

"Later na---"

"Hayaan mo na siya, Hon," natatawang anang ama ng bata. Mas lalo lamang sumikip ang dibdib ko.

"One shot lang, ha?"

"Yey! Okay, Dy. Pose. Yong pang princess ha?"

"Hindi ko alam kung paano 'yon,"

"Mom, teach daddy the princess pose,"

Kasabay ng aking malalim na paghinga ang mas lalong paglakas na pag-iyak ng babae sa sala at ang pagtawa ng masayang pamilya sa video. Sumisikip ang aking dibdib na halos hindi na ako makahinga. Hindi ko rin namalayan pa ang mga butil ng luha na rumaragasa na sa aking magkabilng pisngi. Napapikit na lamang ako at hinayaan na pumatak ang mga luhang hindi ko na kayang pigilan pa sa pagbuhos. Napakasakit na makitang nahihirapan ang isang taong siyang natitirang nagpapalakas sa akin. Ang taong noon na siyang pumapayo na magiging maayos din ang lahat. Ngayon, hindi ko alam kung saan na napunta ang mga salitang iyon. Hindi ko na rin alam kung paano ko pa maibabalik si Mommy sa dati.

• • •

Tahimik ang hapag at ang tanging maririnig lamang ay ang mga tunog ng kubyertos na katulad ko'y nais ring basagin ang nakakabinging katahimikan sa loob. Ngunit, mukhang mas malakas ang loob ng mga walang buhay kong kasama kumpara sa akin. Wala pang bawas ang naiilang na puting kanin at nangingitim na isda sa aking harapan.

"Lalamig ang pagkain," anang aking ina sabay subo ng pagkain. Hindi ko alam kung may mas lalamig pa ba sa tono ng kanyang boses o wala na. Tila ba ay naapektuhan din nito ang sariling panlasa at hindi ko makapa kung paano niya nasisikmurang kainin ang pagkaing nasa hapag.

Marahan kong binitawan ang tinidor na kanina ko pa hawak bago siya tiningnan. Ang mukha niyang dating puno ng sigla ay naglaho na. Hindi ko na makita ang isang masayahing tao sa aking harapan. Pinigilan ko ang sariling maluha lalo na at bigla na lamang siyang tumingin pabalik sa akin. Tila ba'y nagkaisa ang maputla niyang balat sa walang emosyon niyang mga mata. Mga matang dati'y puno ng kulay at sigla na ngayo'y hindi ko na mahanap. Naglaho na lamang bigla.

TampoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon