ANG KATOTOHANAN SA LIKOD NG PINTO

509 10 6
                                    

Ika-dalawampu't apat ng Agosto, Dalawampu't labing-dalawa

Heto na naman, lilipat na naman kami ulit ng matitirhan. Naka-ilang beses na nga ba kami lumipat? halos hindi ko na mabilang sa sobrang dalas naming magpapalit-palit ng bahay. Pa'no ba naman kasi, si tatay napatalsik na naman sa trabaho. si nanay naman, hindi naman makagawa ng paraan dahil may maliliit pa akong kapatid na kailangan niyang alagaan. Hay naku, bakit nga ba sa dinami-rami ng tao dito sa mundong ibabaw, kami pa ang napiling pagkalooban ng isang tumatagingting na kamalasan. Kaya eto kami ngayon, kung saan-saan na naman maglalakbay. Panibago na namang masisilayan. Panibago na namang mararanasan. Panibago na naman pahina sa buhay namin.

Ako nga pala si Elizabeth Gabriella Joanne Marie M. Perez. Gab for short. Ewan ko ba kung bakit masyadong pinahaba ng mga magulang ko yung pangalan ko, kaya tuloy maalala ko noong kinder pa ko, tapos na magsulat yung mga classmates ko, ako pangalan pa lang nasusulat ko. Pero sa kabutihang palad, nakatapos ako ng kinder na may karangalan. Best in Filipino kaya ako nun. Pagkatapos noon ay hindi na ako pinag-aral pa ng mga magulang ko sa hindi ko alam na kadahilanan.

Simple lang akong babae, mahiyain, at mahilig sa musika. Palakaibigan din akong tao ngunit ayaw ng mga magulang kong makipagkaibigan ako. Ni ayaw manlang nila ako palabasin ng bahay, o makausap manlang ang kapitbahay. Nag-umpisa silang maging ganyan sa akin pagkatapos kong makatapos sa kinder. Mula noon, nakakulong na lang ako sa bahay. Nakakalabas lang ako ng bahay kapag kami'y lilipat ng ibang matutuluyan. Palagi ko silang tinatanong, bakit nila ginagawa sa akin ito, palagi naman nilang sagot ay para raw sa ikabubuti ko. Ngunit dahil nga sa mahal ko sila, sinusunod ko na lang ang gusto nila kahit labag sa aking kalooban.

Walang saysay ang buhay ko. Palagi lang nasa loob ng bahay, nakadungaw sa bintana, at palakad-lakad sa bawat sulok ng bahay. Wala na rin akong maalalang masasayang alaala sa aking buhay, maliban na lamang noong kinder pa ako, pagkatapos noon ay blanko na ang aking memorya. Ang tanging naaalala ko na lang ay ang pagbawal ng aking mga magulang na lumabas ng bahay at kausapin ang kapitbahay.

Nakapagdesisyon na sila nanay at tatay, kila Lola raw muna kami tutuloy. Halos nakalimutan ko na ang hitsura ng bahay nila lola, dahil kinder pa ako noong huli akong makapunta roon. Isa na lang ang naaalala ko sa bahay na iyon, yung isang kwartong hindi binubuksan. Gustong-gusto ko noon makita ang loob ng kwartong iyon ngunit ayaw nila Lola at nanay. Hanggang ngayon ay nahihiwagaan pa rin ako sa kwartong iyon. Ano kaya ang nasa loob niyon? Bakit kaya ayaw nila akong payagang pumasok doon?

Ika-labing isa ng Setyembre, Dalawampu't labing-dalawa

Andito na kami kila Lola, grabe hanggang ngayon ay nakakatakot pa rin ang hitsura ng bahay. Nakakakilabot! Ayun, okay pa rin naman si Lola, malakas pa rin. Sana naman dito na magsimula ang kaliwanagan sa aking mga tanong.

Inaantok na ang aking mga mata ngunit ang diwa ko'y gising na gising. Mainit ang aking pakiramdam ngunit malamig ang aking pangangatawan. Ilang oras na naman akong tutulala sa kisame at maghihintay na makatulog. Sa maka-ilang oras kong pagkakahiga, parang hindi ako makagalaw. Hindi ako makakilos. Kahit isa manlang sa mga daliri ko ay hindi ko pa rin maigalaw. Tila baga may pumipigil sa aking katawan. Pasikip ng pasikip ang aking paghinga na para bang may dumadagan na nilalang sa aking dibdib. Mulat na mulat ang aking mga mata. Nakikita ko ang paligid. Gusto kong sumigaw ngunit kahit imik ay hindi ko magawa. Walang lumalabas na anumang boses sa aking lalamunan. Sa isang kanto ng aking kwarto malapit sa may pinto, ay may nakikita akong taong anino. Mapupula ang kanyang mga mata at nakatitig sa akin. Pinipilit kong pumikit ngunit parang may pumipigil sa pagpikit ng aking mga mata. Nakaturo sa akin ang animo'y anino na aking nakikita, at para bang may binubulong. Sa unti-unti niyang paglapit sa akin, sabay namang lumalakas ang tunog sa aking tainga na para bang isang napakatinis na tunog sa aking tabi. Lumapit siya sa aking paanan, biglang lumipad sa harap ng aking mukha at ang matinis na tunog ay daglian na lamang lumakas na para bang nakabibingi. Biglang nagising ang aking diwa, dumilat ang aking mga mata sa pagkakahimbing. Ang kabog ng aking puso ay napakalakas. Noon lang nangyari sa akin iyon. Noong nasa bahay na kami ni Lola.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 30, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ANG KATOTOHANAN SA LIKOD NG PINTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon