Bag at Lipstick

54 7 0
                                    

Namumukudtangi siya sa isang sulok ng kalye, isa siyang hindi inaasahang tanawin mula sa kinatatayuan ko. Ang tikwas ng kanyang buhok, maninipis na labi, matangos na ilong at mga mata na puno ng kalungkutan at katanungan. Hawak niya ang isang kahon na puno ng mga di maintindihang bagay. Nakaupo siya sa isang maleta na sobrang puno at halatang minadali ang pag-impake kasi hindi nakasara sa sobrang dami ng laman. Parang nakapaloob dito ang kanyang mundo na gusto niyang dalhin sa malayong lugar upang magsimulang muli. Napalingon siya sa akin, kaya bahagya akong umiwas ng tingin. Ayaw kong isipin niya na pinagmamasdan ko siya, kahit ako, ayaw ko ng ganun. Inakala kong hindi iyon magtatagal pero parang nabaliktad ang lahat at bigla akong nakaramdam ng pagkabalisa. Tinapangan ko at itinuon muli ang tingin sa kanya. Nagulat ako ng masilayan na nakangiti na siya habang nakatitig sa akin. Bigla akong nakaramdam ng pangamba,

"Sira ulo yata to, parang tanga"

Sinubukan kong ilaan ang atensyon sa ibang bagay habang nakatayo sa sulok na yon, pero hindi ko hiniwalay ang pag-iisip ko sa kanya,

" Malay ko, baka isa sya sa mga adik na pinahahanting ngayon."

Bigla akong naalarma ng tumayo siya at parang nagbabadyang lumapit sa akin. May dinukot siya sa kanyang bulsa, sa pagkakataong ito pinagpapawisan na ako. May baril kaya siya, kutsilyo o kung ano mang bagay na pwedeng makapanakit. Nakangiti parin siya na may halong galak at pawang may masamang iniisip. Tumungo siya sa kinatatayuan ko at biglang inabot ang isang panyo kasabay sa pagsambit ng mga katagang:

" May lipstick ka sa pisngi"

Iyon ang una pagtatagpo namin ni Jo Anne Miguel o mas kilala ko sa palayaw na

"Aning".

Naging close kami ni "Aning" kasi lagi siyang natutulog sa boarding house ko, at wala siyang pinipiling oras para mang "gatecrash" ng higaan. Magugulat ka nalang katabi mo na siya paggising mo. Lagi siyang pinapatalsik sa tinutuluyan nya. Bukod sa delayed siyang magbayad lagi siyang may nakakaaway. Hindi lang sa boarding house niya, lahat na yata ng record meron sya sa school, cutting of classes, oral defamation, not wearing of uniform, bullying of teachers, insulting and hurting authorities nangyari ito noong pinilit ng guard na kapkapan siya for deadly weapons. Pero kahit ganun, siya ay consistent honor student. Kung tutuusin hindi talaga siya nag-aaral, pero lagi niyang nasasagot ng tama ang lahat ng tanong ng teachers namin. Minsan nga inaakala ko na mas marami pa siyang alam kaysa sa guro namin. Di ko man sinasadya pero pinagsisiksikan ng sitwasyon na ipaalam sa akin ang bawat detalye ng buhay niya. Ako ang saksi at kapartner niya sa lahat ng kalokohan, alam ko kong nagsisinungaling siya, kong nasasaktan siya, ang monthly period nya at ang ibig sabihin ng mga ngiti niya. Ako rin ang tagasalo ng mga problema niya as in literal na tagasalo ng mga suntok sa tuwing napapa-away siya sa mga siga sa school na hindi nya sinasanto. Ang totoo taga-awat lang talaga ako pero ako lagi ang napagkakamalang nag uumpisa ng gulo. Naaalala ko pa dati noong nagyaya siyang magcutting classes, kasi alam na daw niya ang lesson ni sir at naiirita siya sa katabi niya na mas manipis pa ang kilay kaysa sa kanya.
Pasimple niyang tinapon ang kanyang bag sa bintana mula sa third floor ng building namin tapos nakiusap kay sir na pupunta sa CR. Makalipas ang isang minuto nagtext siya.

" Andito na ako sa baba tapon mo na bag mo, pag di ka sumunod, didiligan ko ng ihi ang mga alaga mong langgam."

Isa pa nga pala sa mga talents nya ang pang blackmail,, haist.. ewan ko nga ba kung bakit sunod-sunuran ako sa kanya.
Medyo mabigat ang bag ko kasi lahat ng aklat niya sa lahat ng subjects, pinapadala nya sa akin di pa kasama doon ang mga personal na librong binabasa niya. Pero ok lang, siya naman ang nagregalo ng bag ko. Napagtanto ko na, kung bakit ang pinakamalaking travelling backpack ang binili nya. Napaka klaro pa sa isip ko ang mga ngiti nya habang binibigay niya ito sa akin. Minsan nagugulat nalang ako sa mga nakikita ko sa loob ng bag ko tulad ng bra at panty, ibat ibang supot ng chewing gum, pliers, screwdriver, gunting, laruan, prutas, mga tuyong dahon, container ng mga dinadala nyang pagkain, etc. at minsan sa isang buwan isang linggo ako may dala-dalang isang pack ng napkin (Sisters extra protection). Sa madaling salita ako ang may pinakamabigat na bag sa buong campus para akong walking tool kit para sa kanya.
Dahan dahan at patago kong binuhat ang bag at tinapon ko sa bintana. Pagkatapos humingi ng permission para lumabas lang sandali. Pero bago ko pa man buksan ang pinto ng classroom, nakatayo na doon ang principal namin. May pasa siya sa mukha at nanginginig sa galit.

"Sino ang nagmamay-ari ng bag na ito?"

Idedeny ko pa sana kaso nakasulat sa strap ng bag ang buo kong pangalan in Capital letters TEODOCIO "BUDIDONG" OBRIQUE.
Iyon ang una kong record sa school. Paglabas ko sa principal's office, nakangiti nya akong sinalubong habang hawak-hawak ang malamig na mango shake.

"Kamusta ang principal natin?"

Tanong niya. Alam mo iyon, una pa nya tinanong kung kamusta ang principal namin. Hindi manlang niya naitanong kong ok lang ba ako o kung ano ang ginawa at pinagsasabi sa akin ng aming Guidance Councilor.

" Ayon may bukol, ano ba kasi ang nilagay mo sa bag ko?"

Tanong ko na may pagtataka at medyo may halong inis, nagbabakasakali baka makonsensya at humingi ng tawad.

"Wala, baunan ko lang naman tapos..ano..,"

Ngumiti siya na parang bata tapos umiwas ng tingin sabay lagay ng kanyang kamay sa kanyang bulsa.

"hoy Aning ano pa, magsabi ka ng totoo!?"

Tanong ko na may halong diin sa bawat pantig at namumudlong mga mata. Tapos isang tahimik na titig na parang tumatagus sa kanyang kaluluwa.

"Oo na, sasabihin ko na, yong metal ball na kinuha ko sa MAPEH room"

Nanlaki ang mata ko sa gulat at galit, kaya pala parang iba ang bigat ng bag ko, buong araw pala ako pumapasan ng shot put.

"Grabe naman to kong makareact parang yun lang at tsaka nilagay ko naman yun sa paper bag."


Mga Pahina sa Buhay NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon