Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)