Kasalukuyan akong naglalakbay patungong kalsada, bitbit ang isang malaking basket. Kalakip kasi ng pagtatanaw ko ng utang na loob kina nanay at tatay ang pagtulong sa kanila sa mga gawaing bahay. Nais ko sanang mamili ng pondong kamote at mga gulay na syang rarasyunin namin hanggang sa maubos. Nang sa wakas ay nakatungtong na ako sa sementadong daan. Maghihintay muna ako ng dyip na masasakyan.
Purong talahib ang tanging makikita mo sa dulo ng bukirin, sa iyong harapan man o sa likuran. Bagama't maswerte ako't laki sa bukid ay ninais ko pa ring maranasan ang buhay sa syudad. Ang syudad na nasa kabilang bayan pa. Laking pagpapasalamat ko naman dahil malapit lang sa palengke ang unibersidad na aking pinapasukan.
Inayos ko ang aking narumihang saya dulot ng pagbabagtas ko sa gitna ng aming palayan. Pinagpag ko naman sabay kuskos sa semento ang aking tsinelas na nababalutan ng tigkal ng putik. Pagkuwa'y pinunasan ko ang aking noo na namamasa na dahil sa namumuong mga pawis.
Maya-maya pa ay may nakita akong itim na sasakyan mula sa malayo. Nakakasilaw ang makinis nitong salamin sa harapan. Halatang bagong-bago pa ang pagkakabili at estranghero ang taong nagmamaneho nito. Bihira lang kasi ang mga mamamayang may sasakyan dito sa amin kaya nasisiguro kong isa lang itong dayo sa Celeste. Napabuntong-hininga na lamang ako at tinignan ang kabilang direksyon nang malapit na itong makadaan sa akin. Eksaktong pag-ikot ko ng aking ulo ang syang paglampas nito at pagbungad ng dyip na paparating. Mabilis ko iyong pinara at nagmamadaling pumasok sa loob kahit nagsisiksikan na ang mga pwet sa loob nito.
Nakarating ako ng supermarket. Ginamit ko ang aking naipong pera sa pagiging tutor sa guidance office ng aming paaralan. Bitbit ang mga gulay ay nagtungo na ako papuntang terminal. Habang tinatalunton ko ang makipot na kalsada ng palengke ay naagaw ang aking atensyon ng sinag na wari'y tumatapik saking mga mata upang hanapin kung saan ito nanggaling. Nagmula ito sa sasakyang itim na tila sumusunod sa pag-apak ng aking mga paa. Tinitigan ko ang salamin at tinantya ang direksyon ng mga mata ng taong nasa loob upang magbigay pahiwatig na napapansin ko na ang kung anuman ang intensyon nito. Huminto ako sa paglalakad at nagkunwaring tumitingin sa mga balde'ng puno ng isda at binibenta ng mga nakaupong ale sa tabi.
"Hija. Kanina ka sinusundan ng sasakyang iyan." Naaalibadbarang puna ng isang may edad na babae. Nagsitaasan ang aking mga kilay at maang na napatingin dito.
"Po?" Akala ko ako lang ang nakakapansin. Tumalikod ako at napahugot ng napakalalim na hininga. Nakahinto na ito ngayon sa aking tabi. Napapiglas ako nang biglang nagsi-busina ang mga nakahilerang dyip, traysikel, motorela, trisikad at iba pa sa likod. Ang ibang driver ay nagsibabaan na at humahakbang patungo sa akin. Sa amin.
Lumapit ako sa bintana. Sinubukan kong tignan ang nasa loob na may distansyang nakapagitan sa akin at sa salamin. Tirik na tirik na ang araw kaya kahit anong gawin ko ay hindi ko maaninag kung sinuman ang nasa loob nito. Kaya napagdesisyunan kong ibaba ang aking bitbit na supot at basket. Inilipat ko sa aking harapan ang nakasabit na maliit na sling bag sa aking balikat na nilalagyan ko ng pera. Pagkadaka'y idinikit ko ang aking noo sa salamin at hinarangan ang sinag ng araw sa pamamagitan ng aking mga kamay. Nagkasalubong ang aking mga kilay nang biglang may kumabig sa aking braso.
"Miss sino ba yang nasa loob nyan? Kasama mo? Alam nyo bang napakahaba na ng pila dahil sa sasakyang ito? Hoy!" Kumalabog ang bintana dahil sa lakas ng pagkakahampas ng matandang lalaki. Kitang-kita sa namumula nyang mukha ang labis na pagkainis sa mga nagaganap. Nagpinid ang aking mga labi. Bahagya akong humakbang paatras. Nang biglang bumukas ang salamin... marahang-marahan.
Habang unti-unting lumalantad ang buong katauhan ng taong nasa loob nito ay sya namang pagsalipadpad ng aking kaluluwa sa ere. Wari'y tinangay na ito ng hangin. Literal na pinagbagsakan ako ng panga. Suminghap ang lahat ng mga taong nasa paligid. Isang diyos ang nasa aking harapan. Ramdam ko ang paninikip ng aking dibdib na pinakikiusapan kong huwag magpahalata dahil sa sobrang bilis ng pagtibok ng aking puso. Hindi ko magawang alisin ang aking mga mata sa kanya lalo na't mariin itong nakatitig sa akin.
Abot langit ang kahihiyan na nararamdaman ko ngayon para sa aking sarili. Ako na nakasuot ng t-shirt at mahabang saya na nababahiran ng putik. Ako na naka-tsinelas lang at hatak-hatak ang isang basket at supot. Ako na malamang ay nagmumukha na ring lupa dahil sa aking kabuuang hitsura. Ako na kaharap ang isang binatang walang kapantay ang kagandahan ng bawat detalye ng kanyang mukha. Ako na isang hamak lang na laking-bukid at tinititigan ng nakakabaliw na mga mata.
Hindi na muling nakapagsalita pa ang matanda. Sa katunayan ay walang nagpangahas na bumasag ng namamayaning katahimikan maliban sa mga nilalang na walang kaalam-alam sa aming tinutunghayan ngayon. Kumakaluskos ang kanilang mga paa papalapit sa amin. Ramdam ko na napapaso na ako sa sobrang pag-iinit ng aking mukha. Malamang kasingkulay ko na ang pundok ng mga kamatis na nasa kabilang parte ng kalsada. Sino ba naman ang mawawalan ng ulirat at katinuan kapag kaharap mo ang ganito ka gwapong nilikha?
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong napakurap. Lalong-lalo na nang makita ko ang mahabang tagis ng kanyang buhok na halatang kakagulo lang nya nito. Gusto kong magpagulong-gulong sa kalsada pauwi hanggang sa mahimasmasan ako sa mga nagpipiyesta'ng paruparo sa aking tiyan. Maging ang aking mga bulate ay kanya-kanya nang taas ng bandera sa pagsulong ko ng aking nararamdaman. Gusto kong hawakan ang kanyang mukha at paulanan ito ng matatamis na halik.
"Takbo!" Isang malakas na sigaw na nagpataranta sa aming lahat. Hinanap ko ang pinagmulan ng sigaw. Isang grupo ng mga taong may hawak na baril ang papalapit sa amin.
"Takbo kung gusto nyo pang mabuhay!" Nagkasigawan ang mga tao. Muli kong tinignan ang diyos na nataranta. Wala na akong oras pa na lasapin ang kanyang kagwapuhan kaya kahit minalas ay pinulot ko na ang aking basket at supot bago humarurot ng takbo papunta sa terminal.
"Amanda! Amanda wait!"
VOTE. COMMENT AND BE A FAN.
-eychtee

BINABASA MO ANG
The King And His Bride
General FictionThree Kings Series [Book Two] Lily Salvador is the right name to call a woman with a dauntless heart. Magulo ang kanyang mundo. Nagising lang sya isang araw na walang matandaan kahit isang bagay na makapagbibigay kasagutan sa kanyang napagdaanan sa...