Chapter 1

1 0 0
                                    

"Lyia pinapatawag ka ni Izelda, may bibili na daw sayo" bahagya akong nabinat sa pagtulog dahil sa boses ni Lai. Akala ko binabangungot pa ako. Dahil para sa akin isang bangungot na ang pangyayaring ito.

Isa ako sa mga dalagang naninilbihan dito sa maliit na bayan ng Alsa Cerde at kapag sumapit na kami sa tamang edad karamihan sa amin ibinibenta para maging asawa ng mga biyudong (soldiers), mga simpleng mamamayan, mga politiko, o di kaya'y mga abusadong kasapi ng dugong maharlika.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Kahapon lang habang nagsasampay kami ni Lai ng mga basang damit sa bahay nila Inang Iday ipinatawag ako at kinaladkad ng mga trabahador ng Faruse (ang tahanan kung saan kinukupkop ang mga dalaga) karamihan sa kanila naging babaeng bayaran na dahil hindi sila napili bilang asawa ng kahit isang ordinaryong mamamayan man lang.

Kadalasan ganito ang nangyayari sa mga ulilang kagaya ko na walang gustong kumupkop, mga anak ng mga dukhang pamilya at mga dalagang walang apelyido.

Akala ko handa nako. Akala ko, kaya ko pero hindi pala.

May mga bagay pa rin na gumugulo sa isip ko. At hindi ko maatim na isipin pa ang mga ito.

Paanong kung isang matandang biyudo ang makapili sa akin? Paano kung isang miyembro ng politika at gawin akong kabit o pangalawang asawa? Paano kung isang masamang maharlika na walang ibang gawain kundi ang mang abuso ng kapwa?


Mas pipiliin ko pang mapili ng isang dukha   
na may mabuting puso. Kahit pa magbilad ako sa araw sa pagtatanim ng kahit ano ayos lang sa akin o di kaya maghanap ng maraming mapaglalabhang  pamayanan, wag lang sa mga nauna. Ngunit, sino ba naman ako para humiling ng mga bagay na alam kong hindi naman posible?

"Maging masaya ka nalang Lyia, mabuti nga at napili ka na. Hindi ka na magiging babaeng bayaran niyan" sabay lakas ng tawa ng isang kasamahan ko na hindi ko maalala ang pangalan dahil kakarating ko lang kahapon.

Hindi ko talaga alam kung masisiyahan ba ako sa sinabi niya o manlulumo. Ayoko sa dalawa pero wala akong karapatan. Ganito ba dapat mabuhay ang isang tulad ko?

Hindi ba ako pwedeng maghangad ng maayos at mapayapang buhay? o di kaya isang kompleto at buong pamilya? Ang mababang uri ng tao na katulad ko karapat- dapat lang ba talaga sa kalye o sa bahay-aliwan?

Sa ikli at bilis ng takbo ng oras, kailan ko pa kaya mahahanap ang totoong halaga ko?

Kada gabi hinihiling ko sa madilim na kalangitan na sana ay dinggin niya ang mga nais ko. Lalong-lalo na ang mas maayos na bukas para sa akin at para kay Lai. Kung hindi man para sa akin para kay Lai nalang.

"Naku naku, yang mukhang yan bentang benta talaga yan sa mga kalalakihan. Pagbutihin mo nalang hija" kantyaw pa ng isang mas matanda sa akin ng tatlong taon na siyang pumutol sa pagninilay-nilay ko.

"Baka naman dahil lang sa presyo?" tawa ng isa pa na kakagising lang.

Tama siya. Baka nga dahil sa mababang presyo ng mga ulilang gaya ko. Mas lamang kasi yung mas matanda na lalong lalo na yung nasa bente taong gulang at bumababa naman kapag nasa trenta na. Sabi ng iba dahil gurang na daw at laos na.
Hindi na patok sa mga estranghero.

Kaya madalas na mga baguhan ang pinipili dahil mababa pa. Mas may tsansa na ba na dukha ang mapapangasawa ko dahil sa baba ng presyo? Sana nga, sana nga. Pero sana naman mas makita ng mga kalalakihan ang halaga ng mapapangasawa nila higit pa sa perang binayad nila.

"LYIAAA!" hingal na hingal na tawag ni Lai. "Baka magalit na si Izelda kanina pa raw naghihintay ang panauhin sayo."

Dali-dali akong nag ayos at sumama kay Lai patungo sa tanggapan ng mga panauhin.

"Lai" tawag ko sa kanya habang naglalakad kami sa pasilyo. Hindi ko alam kung kailan ko siya huling makakausap ng ganito.

"Oh?"

"Natatakot ako" sabi ko sa kanya habang nakayuko at tuwid ang tingin sa nilalakaran.

"Ako din" sabi niya sabay sulyap sa akin. "Lalong-lalo na ngayon at iiwan mo na ako" tipid ngiti niyang sabi ng may nagbabadyang luha sa mga mata. Kilala ko si Lai,minsan lang siyang matakot at ngayon nararamdaman ko yun.

Tinahak namin ang pasilyo ng tahimik. Naalala ko pa kung paano kami naging matalik na kaibigan ni Lai. Sampung taong gulang palang ako non ng atasan ako ni Inang Iday na magbenta ng gulay sa palengke nang pagtulungan ako ng mga batang kalye at tangkang itatapon ang mga dala kong benta pero dumating si Lai isang batang babae na singhot ng singhot sa sipon niya.

Takot na takot ako nun dahil baka pagalitan ako ni Inang Iday at hindi ako pakainin ng hapunan.

Base sa hitsura niya, mukhang mas bata pa siya sa akin ng dalawang taon. Kahit ang bata bata pa niya, ang tapang na niya. Hindi ko maisip na isang batang katulad lang pala niya ang katapat ng mga pasaway na yon.

"Wag mong hahayaang apihin ka nila, mga batang hamog lang yun at walang magawa sa buhay, kawawa ka kase" nag aalala niyang sabi.

Simula nung araw na yun, natuto akong maging matapang at hindi na ako kailanman binalikan pa ng mga batang yun. At naging magkaibigan na kami ni Lai. Nalaman ko kasi na ulila din siya gaya ko.

Lumikas ang pamilya niya nung nagkabagyo at tumaas ang tubig sa kabilang bayan kaya lang naiwan siya ng pamilya niya dahil sa dami nilang magkakapatid. Nagpalaboylaboy nalang siya  hanggang narating niya ang bayan ng Asla Cerde.

Bata pa ako nang nawalan ako ng ama at ina dahil sa taggutom na dulot ng digmaan kaya hindi ko masasabing nalalayo ang sitwasyon namin sa isa't isa. Subalit ngayon magkakahiwalay na kami.

"Wag kang mag alala, parang isang maharlika ang mapapangasawa mo, sumilip kasi ako kanina sa may kurtina ni Izelda." sabik niyang sabi. Nagulat ako. Paanong-

"Hindi kataka-taka na dito ka pinadala ng hari, siguro ay labis ang kanyang paghihinayang sayo" mapangutyang boses ni Izelda na narinig namin ni Lai dahil malapit na kami sa tanggapan ng mga panauhin. May kurtina sa pagitan namin kaya hindi niya kami makikita kung makikinig kami.

Hari?

Panghihinayang?

Teka, nalilito na ako.

Si Izelda ay isang matandang dalaga na siyang nagsasaayos ng Faruse. Malaki ang kanyang boses at magagalitin. Maraming balibalita na nabuntis daw siya ng isang estranghero at pinahulog niya ang bata.

"Akala ko ba ay nais mong mapangasawa ang pinakamataas na dilag ng palasyo?" nagtatakang tanong ni Izelda. Hindi ko alam pero sumasama ang pakiramdam ko dito. Parang may kung ano sa loob ko na nawasak dahil parang hindi talaga matutupad ang hinihiling ko.

Dalawang tanong na ang binato ni Izelda pero wala pa ring sagot ang kinakausap niya. May kausap ba talaga siya? O guni-guni niya lang yan?

Dahil masyado na kaming na dikit na dikit sa kurtina hindi namin namalayan na naaapakan na pala namin ang laylayan nito. Hindi nagtagal, hindi na nakayanan ng lumang kurtina ni Izelda at tuluyan na nga itong mapunit.

Kasabay ng pagkapunit nito, ay ang pagkadapa namin ni Lai sa sahig. Parang hihimatayin ako sa hiya dahil sa nagyari.  Naku naman, ayoko pang mamatay.

Fallen ChivalryWhere stories live. Discover now