Ang Simula

4K 129 35
                                    

            Patakip-silim palang nang mga oras na iyon pero parang gabi na dahil tuluyan ng nilamon ng kadiliman ang kalangitan. Isama pa riyan ang nagbabadyang pagbagsak ng mga butil ng ulan.

            Napagpasyahan naming magbabarkada ang mag-camping sa Pampanga matapos ang madugong semester. Naniniwala ako sa mga pamahiin kaya todo tutol ako nang una nang sabihin nilang magka-camping kami sa huling taon namin sa pag-aaral.

            Ayon kasi sa paniniwala ng matatanda, kailangang iwasan ang paggala o pag-alis sa huling taon ng pag-aaral hangga't maaari, sa kadahilanang lapitin ng aksidente ang mga estudyante sa ganoong panahon.

            "Ayos na ba ang lahat?" patanong na sigaw ni Anthony na s'yang magmamaneho ng aming sasakyan. Napansin niya 'atang tulala pa rin ako sa likurang ng sasakyan kaya nilapitan niya ako. "Ikaw, Rachel? Nailagay mo na ba ang mga gamit mo sa likod ng sasakyan?"

            Tumungo ako bilang tugon. Matapos iyon ay ibinaba na ni Anthony ang pintuan at sumampa na sa harapan ng sasakyan.  Umupo ako sa pinakalikuran ng van at doon ay tahimik na pinagmasdan ang labas.

            "Ready na ba ang lahat para sa camping?" tanong niya sa lahat.

            "Oo!" sabay-sabay nilang sigaw maliban sa akin. May iba talaga akong pakiramdam sa gagawin naming out of town. Naniniwala ako sa lakas ng girl's instinct kaya may 50% chance na tama ang hinala ko.

            "Huwag na kaya nating ituloy," pagpipigil ko sa kanila bago pa man umandar ang sasakyan. Lahat sila ay napatingin sa likod kung saan ako nakaupo. "May masama kasi akong kutob," dagdag ko.

            "Huwag ka ngang K.J. Kung ayaw mo, bumaba ka na lang," iritableng turan ni Carla at saka inirapan ako.

            "Sumang-ayon ka na 'di ba? Saka napagpalanuhan na 'to?" ani Pamela na siyang nasa harapan ko at katabi ni Carla.

            Alam ko namang ganyan ang magiging reaksyon nilang lahat sa magiging pagtutol ko. Lahat sila ay pinaghandaan ang araw na ito kaya pursigido silang ituloy ang gala. Gusto ko lang naman sana sila iligtas sa kapahamakan na maaaring mangyari.

            Nabulabog kami nang biglang may matinis na ngiyaw kaming narinig. Napatayo ako para tingnan kung saan nanggagaling iyon.

            "Ano 'yon, JP?" tanong ng kanina'y tahimik lang na si Christian.

            Tumayo si JP mula sa pagkakaupo at tiningnan kung saan nanggagaling ang ingay. "May itim na pusa sa harapan ng sasakyan," sagot ni JP na siyang katabi ni Anthony sa driver's seat.

            Itim na pusa? Muli na naman akong kinutuban ng masama. "Huwag na tayong umalis," pigil ko muli sa kanila.

            "Oh come on! So pati sa itim na pusa, naniniwala ka? Lumang pamahiin na 'yan!" sumbat ni Carla na ngayon ay sobra-sobra na ang inis sa akin.

            Yumuko na lang ako at nanahimik sa likuran. Wala na rin namang mangyayari kung makikipagtalo pa ako. Sino pa nga ba ang naniniwala sa pamahiin ngayon? Kaunti na lang at kasama na ako doon. Ika nga nila, wala namang mawawala kung paniniwalaan kaya malakas pa rin ang paniniwala ko sa mga pamahiin.

            Nagpatuloy pa rin kami sa pagbiyahe kahit nagkaroon ng kaunting alitan bago umalis. Siguro mamaya ay hihingi na lang ako ng paumanhin sa kanila lalo na kay Carla na siya pa namang pinaka-excited sa galang ito.

            Habang palayo nang palayo kami sa Maynila ay siya namang pakaunti nang pakaunti ng mga streetlights sa daang binabagtas namin hanggang sa ilaw na lang mula sa sasakyan ang tanging ginagamit namin bilang liwanag sa daan.

            Mahahalatang hindi na gaanong nakikita ni Anthony ang daan dahil sa sunod-sunod nitong pagdaan sa lubak.  Maging ako ay hindi na malaman kung ano ang nasa paligid namin dahil isang malawak na kadiliman lang ang bubungad sa 'yo sa labas.

            "Anthony, alam mo pa ba kung nasaan tayo? Naliligaw na 'ata tayo, e," kinakabahang sabi ni Christian na nasa tabi ko.

            Lumingon siya sa likod bago nagsalita. "Alam ko siyempre," paninigurado niya na mahahalataan naman na nagsisinungaling.

            Maya-maya, lahat kami ay nagsikapitan sa pintuan ng sasakyan nang makaramdam kami na isang mataas-taas na lubak ang nadaanan ng aming sasakyan. Ramdam ko ang paggulo ng maayos na pagkakasalansan ng mga gamit sa likuran. Hindi pang karaniwan ang lubak na iyon dahil mas mataas pa sa humps ng kalsada ang taas.

            "Ano 'yon?" pagtataka ni Pamela.

            Dahan-dahan akong lumingon sa likod para makita ang daang kaninang binagtas. Naitakip ko na lang bigla ang aking mga kamay habang parehong nanlalaki ang aking mga mata. Nakasisiguro akong hindi humps ang nadaanan namin o kung ano pa mang mataas na bato.

            "Aaaaaaahhhhh!" tili ko dahil sa isang taong nakahandusay sa daan. Nakasisiguro akong tao 'yon dahil sa kulay puting damit nitong suot na tinatamaan ng pulang signal light ng sasakyan.

            Natatarantang tumingin sa likod si Christian at parehas ng naging reaksyon ko, nanlalaki rin ang kanyang mga mata. Nanginginig ang kanyang buong kalamnan sa nakikita.

            Napuno ng pagtataka ang mga kaibigan kong nakaupo sa harapan ng sasakyan kaya binuksan nila ang pintuan at saka tiningnan ang bagay na ikinakatakot namin.

            Malakas at matinis na sigaw ang umalingawngaw sa buong lugar nang makita nila ang isang matanda na nakalupasay sa daan. Walang gustong lumapit sa matandang nakahiga dahil sa takot na patay na ito. Rinig na rinig namin ang bawat pintig ng aming mga puso na panay lang sa pagdagundong.

            Lahat kami ay kinakabahan. Lahat kami ay natatakot. Lahat kami ay nababalisa.

            "L-lapitan m-mo s-siya. T-tingnan m-mo k-kung b-buhay p-pa," utos ni Carla kay JP.

            Dahan-dahan siyang lumapit sa matanda upang pulsuhan ito. Nangangatog ang kanyang mga kamay, hindi dahil sa lamig kundi dahil sa takot at kaba. Umupo siya sa tabi nito at saka hinawakan ang namumutlang kamay.

            Natigilan kaming lahat nang mga sandaling iyon habang hinihintay ang magiging sagot ni JP.

            "JP, ano na?" kinakabahang tanong ni Pamela na nasa tabi ni Anthony.

            "P-patay na siya..."

Naniniwala Ka Ba Sa Pamahiin?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon