***
"Tumigil ka nga! Kaunti na lang at sasapakin na kita!" bulyaw mo.
Napapangiti talaga ako sa tuwing naiinis ka sa akin. Ang ganda mo kasi kapag asar na asar ka na. Ang sarap mo talagang asarin, ang bilis mo kasing mapikon.
Napapangiti ako sa tuwing ako ang nakakakuha ng atensyon mo. Mga oras na pinagtatawanan mo ako, mga oras na napapangiti ka dahil sa katangahan ko at mga oras na inaasar mo rin ako. Ang swerte ko dahil nakukuha ko ang atensyon ng taong gusto ko.
Minsan ay naisip ko na ipagtapat sa'yo ang nararamdaman ko.
"Mahal kita" napatigil ka sa paghampas sa akin dahil sa narinig mo, ang ganda mo talaga lalo na kapag nagugulat ka.
"Oh? Kinilig ka na naman." pero sa tuwing susubukan ko pa lamang ay naduduwag na ako kaya kahit sa pabirong paraan ay masabi ko lamang ang nararamdaman ko.
"Sinasabi ko na nga ba at matagal ka ng may gusto sa'kin" nakangiti kong sambit sabay kindat sa'yo.
Ito na naman ang napakaganda mong mukha habang nanggigigil na sabunutan at kurutin ako.
"Tsuma-tsansing ka pa" natatawa kong sabi habang nakatitig sa'yo.
Lalo ka pang nainis dahil sa sinabi ko, ang ganda mo talaga. Ang sarap pisilin ng mataba mong mga pisngi at ng maliit mong ilong. Ang sarap haplusin ng makintab mong mga buhok at ang sarap hawakan ng malambot mong mga kamay.
Ngunit pinipigilan ko ang aking sarili baka magalit ka at layuan mo ako. Wala naman akong karapatan, 'di ba? Mayroong ikaw at ako ngunit walang tayo.
Sa bawat segundo na kasama kita, pakiramdam ko ay mas lalo akong nahuhulog sa'yo. Kung maglalaro tayo ng larong "unang mahulog ay talo", paniguradong sa umpisa pa lamang ng laro ay talo na ako.
Sa umpisa pa lamang ng kwento ay nahulog na ako sa'yo. Hulog na hulog, sana saluhin mo ako. Lunod na lunod, sana sagipin mo ako. Ngunit lahat ng ito'y mananatiling 'sana' lamang.
Sa tuwing kasama ko ang mga kaibigan ko alam mo ba na wala akong bukambibig kung 'di ikaw? Ikaw na siyang nakakuha ng atensyon ko, ikaw na gustong-gusto ko at ikaw na perpekto sa mga mata ko.
Minsan nga ay naisip ko kung anong nagawa mo sa'kin at ganito ako sa'yo, napaka-espesyal mo talaga.
Grabe, tinamaan talaga ako sa'yo. Sharp shooter ka talaga, alam mo ba 'yon? Tagos sa laman, diretso sa puso, sagad hanggang buto. Kumbaga ay parang Red Horse lang, ang lakas ng tama.
Lumipas ang mga araw na hindi ko namalayang hindi lang pala simpleng pagkagusto ang nararamdaman ko sa'yo. Isang araw nagising ako na mahal na kita, sobrang mahal. Walang rason, walang eksplenasyon at walang pagdadalawang-isip, oo, mahal na mahal na kita.
Naisip ko na gumawa ng paraan upang mahulog ka rin sa'kin. Siguro tama nga na ako ang naunang nahulog sa ating dalawa, para kapag nahulog ka man sa'kin ay nasa ibaba lamang ako, handang sumalo sayo. Kapag nahulog ka na sa akin ay hinding hindi na kita papakawalan at bibitawan.
Pero hindi pa ngayon, alam kong hindi ka pa handa, may tamang oras at panahon para doon at naghahanap lamang ako ng magandang tyempo para dito.
Ngunit hindi ko inaasahan na sa sandaling nawala ako ay may pumalit na sa pwesto ko. Siya na ang nagpapasaya sa'yo at siya na ang nagpapatawa sa'yo. Ang mas malala pa dito ay siya ang may karapatan.
Karapatan na pisilin ang mataba mong pisngi at ang maliit mong ilong. Siya ang may karapatan para haplusin ang makintab mong buhok at hawakan ang iyong malambot na mga kamay. Kumbaga, may isang epal na umeksena bigla.
Pero...
Oo nga pala, wala akong karapatan, walang tayo. Sino ba ako sa'yo? Ano nga lang ba ako sa buhay at mundo mo?
Sana sa umpisa pa lang ay gumawa na ako ng paraan para maging akin ka na. Sana sa umpisa pa lang ay nagtapat na ako para nagkaroon ako kahit ng maliit na tsansa para hindi ka naagaw ng iba. Ito na sana, abot-kamay na kita.
Napakalapit mo na sa'kin pero pakiramdam ko ay sobrang layo mo pa rin at kahit kailan, kahit anumang gawin ko ay hindi ka magiging akin.
"Ayos ka lang ba?" nagulat ako sa paglapit mo sa'kin. Bakas ang pag-aalala sa'yong mga mukha, napansin mo yata ang malungkot kong awra.
"Oo, ayos lang ako" mahina kong sagot sa tanong mo.
Nagulat ako ng bigla kang tumawa kung kaya't napatingin ako sa'yo, "Nakakapanibago talaga at hindi ka na nangungulit". Paglingon ko sa'yo ay nasilayan ko na naman ang napakaganda mong mukha at ang napakatamis mong mga ngiti. Sasagot pa lamang ako sa tanong mo ay may umakbay na sa'yo at nilayo ka sa'kin.
Tinamaan talaga ako ng matinding selos. Ginusto ko na mawala na lamang siya na parang bula para maituloy ko ang naudlot nating kwento. Gusto ko na maghiwalay na lamang kayo para sa akin ka na. Gusto ko bumalik sa dating tayo na ako lang ang nagpapasaya sa'yo at ako lang ang nakakakuha ng atensyon mo.
Pero dati na pala 'yon, isang dati na hindi ko na maibabalik. Isang dati na hindi ko na kayang ayusin. Nangyari na ang mga dapat mangyari. Kahit gusto ko na maghiwalay kayo ay alam ko naman na sa kanya ka talaga masaya at ito lang ako, susuportahan ka.
Makita lang kitang masaya ay masaya na rin ako kahit na sobrang layo mo na, literal na malayo. Ganito talaga, mahal kita at kaya kong isakripisyo ang kasiyahan ko para lamang sa kasiyahan ng taong mahal ko.
Kahit sa malayo ay mababantayan kita, mapo-protektahan kita. Kung dumating man ang oras na saktan ka niya, handa na ang kamao ko para sa mukha niya. Handa na akong samahan at pasayahin ka sa oras na isipin mong mag-isa ka na lang. Handa akong maging unan at panyo mo para sa walang tigil mong mga luha.
Sa ngayon, magbabantay na lamang ako. Aasa at maghihintay sa tamang panahon kung saan ay pwede nang magkaroon ng 'tayo'. Ang tamang panahon na maitutuloy ang naudlot nating kwento at sa panahon na wala ng sagabal para sa ating dalawa. Kung mangyari man iyon ay hindi ko sasayangin ang pagkakataon na pasayahin ka, iparamdam sa'yo kung gaano ka kahalaga at kung gaano kita kamahal.
Nandito lang ako, palihim na magmamahal sa'yo.
Nandito lang ako aking mahal, maghihintay hanggang sa panahon na pwede na.***
