Hiling ng Puso

23 1 0
                                    


Malamig na ang simoy ng hangin, mas mahaba na ang gabi dahil agad nang lumulubog ang araw. Kumikislap ang mga bituin sa langit at napupuno na ng makukulay na ilaw ang bawat bahay. Disyembre na. Simula na ng panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan. Simula na ng simbang gabi at pangangaroling ng mga batang paslit. Simula na ng masayang parte ng taon at simula na rin ng pagpapalitan ng regalo, pagbati at mga ngiti. Pero ako, eto at naglalakad pauwi sa bahay namin. Dala ang bag na walang laman bukod sa mga papeles na dapat sana ay ipapasa para sa a-apply-ang trabaho pero wala akong nakitang hiring. Ewan ko ba? Sa dami ng empleyadong pwedeng masisante dahil sa recession, bakit ako pa? At sa dami ng panahon na pwede akong mawalan ng trabaho, bakit ngayon pa?

Naisip ko tuloy, ano na lang ang pagkaing ihahain namin ni Nanay sa hapagkainan mamayang noche buena? Uuwi kaya si Tatay para dalhan kami ng makakain o kaya naman si Kuya? Maiisip kaya nilang dumalaw man lang? O kami na naman ni Nanay ang magkasama ngayong pasko?

Huminga 'ko ng malalim at tumingala sa kalangitan, umaasang may shooting star na mapaghihilingan. O kaya naman ay may sumagot sa tawag ko mula sa itaas. Baka sakaling nandyan siya at nakikinig o kaya'y gumagawa na pala ng paraan para tuparin ang tanging hiling ko.

"Sana kahit ngayon lang, kahit ngayon lang mabuo ulit kami," bulong ko.

Pumikit ako habang nakatingala pa rin sa kalangitan. Para bang hinihintay kong makatulog ako't mahimbing sa isang panaginip. Desperado na 'ko. Kahit sa anong paraan, okay lang... matupad lang yung kaisa-isang wish ko na 'yon. Pasko naman na eh.

"Nathaniel, anak, anong ginagawa mo dyan? Bakit hindi ka pa pumasok dito?"

Napamulat ako't nakita ko si Nanay na nakatayo sa may pintuan at nagtatakang nakatingin sa 'kin. Lumapit ako sa kanya at nagmano.

"Wala po. Nagpapahangin lang. Ang lamig dito sa labas eh," biro ko.

Tipid siyang ngumiti at hinaplos ako sa pisngi. Napangiti ako at hinawakan ko yung kamay niyang nanatili sa pisngi ko. Nakaramdam ako ng lungkot na para bang maluluha pa 'ko. Hindi ko alam kung na-touch lang ba 'ko sa gesture na ito ni Nanay o may iba pang pinanggagalingan ang kirot sa puso ko.

"Halika na. Maligo ka na't magbihis tapos ay kumain na tayo. May inihanda ako para sa 'yo," natutuwang sambit niya.

"Ang sweet naman talaga ng Nanay ko oh! Pa-kiss nga," sabi ko.

Hinalikan ko siya sa pisngi habang tumatawa siya. Pagkatapos ay sabay kaming pumasok sa bahay. Dumiretso siya sa kusina, ako naman ay sa kwarto ko.

Pagdating do'n ay inilapag ko sa sahig yung bag ko at kumuha 'ko ng damit sa may kahon katabi ng papag. Nilagay ko yung damit sa papag at umupo saglit para magpahinga habang nagtatanggal ng sapatos.

Saan na naman kaya ako hahanap ng trabaho nito?

Naisip ko. Kailangan namin ng income ni Nanay. Hindi naman kami pwedeng umasa sa part-time na trabaho niyang paglalabada dahil ayokong siya ang nagtatrabaho para sa 'ming dalawa. Kaya ko naman kaya ako na lang. Nagkakaedad na rin kasi siya't sumasakit na minsan ang kasu-kasuhan kaya hindi na safe kung magtatrabaho pa siya ng mabigat. Hindi pa naman biro kung magpalaba si Aling Delia, kapitbahay naming mayaman at kaibigan ni Nanay. Kahit pa mataas siya magbigay ng bayad ay hindi ko na gustong mapagod pa si Nanay. Ako na lang ang maghihirap, di bale nang mabawasan ang kapogian ko, ayos lang. Para kay Nanay naman eh. Pwera biro, pagkatapos na pagkatapos ng pasko hahanap ako ulit ng trabaho.

"Maliligo po muna 'ko," paalam ko kay Nanay paglabas ko ng kwarto.

Nasa kusina siya, katabi ng banyo namin, at naghahain. Tumango lang siya sa 'kin. Tiningnan ko siya saglit habang abala siya sa paghahain bago ako pumasok sa banyo. Mukhang masaya si Nanay pero alam kong hindi. Para kasi siyang ako. Nagagawa naming tumawa, ngumiti at magpasaya ng iba kahit sobrang lungkot, sobrang hirap at sobrang sakit na. Namana ko yata 'yon sa kanya eh. Natawa 'ko ng bahagya dahil sa kaisipang 'yon. Umiling ako't nagsimula na 'kong maligo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 05, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hiling ng PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon