Kaibigan ko si Angeline.
Tuwing Biyernes ng gabi ay pumupunta kami sa paborito naming lugar upang mag-usap.
Hindi lamang maganda ang kanyang pisikal na anyo, maganda pa ang kanyang kalooban.
Tuwing linggo naman ay bumibisita sa bahay ampunan at nakikipaglaro sa mga bata. Paborito siya ng mga ito.
Galing sa mayaman na pamilya ang kanyang nobyo pero hindi niya ito inisip dahil puso ang tumatakbo sa tuwing kasama niya ito.
Mahal na mahal niya ang kaniyang nobyo na kaya nitong gawin ang lahat para rito. Lahat-lahat.
Ang hindi alam ni Angeline ay nagustuhan lamang siya nito nang dahil sa kanyang kagandahan.
Agad na pumayag si Angeline nang mag-aya ang nobyo niya na magpakasal pagkatapos ng anim na taon nilang pagsasama.
Hindi ako sang-ayon sa naging desisyon niya kung tutuusin dahil may masama akong nararamdaman sa kanyang mapapangasawa.
Nagbago ang lahat matapos ang kanilang kasal.
Bihira na lamang kami magkita.
Halos hindi na siya makilala ng mga bata sa bahay ampunan.
Sa tuwing nagkikita kami ay napansin kong kakaiba na ang kanyang kinikilos.
Ang dating maaliwalas na ngiti nito ay napalitan ng lungkot.
Nang tanungin ko siya kung ano ang problema nito, sagot niya ay gusto niyang magpabago ng mukha.
Hindi ko lubos maintindihan kung bakit gusto niya itong gawin dahil natural na siyang maganda.
Nang tanungin ko siya kung bakit, sagot niya ay gusto niyang magpabata.
Matapos ng pag-uusap naming iyon ay hindi na kami muling nagkita.
Hindi niya na rin sinasagot ang aking mga tawag.
Hindi ko na nakayanan at sobra na akong nag-alala, pinuntahan ko siya sa bahay nilang mag-asawa.
Wala ang kotse ng asawa niya kaya mag-isa lang siya sa bahay.
Ayaw niya akong pagbuksan ng pinto kaya pwersahan akong pumasok.
Nang puntahan ko siya sa kanyang kwarto ay nanginig ang aking tuhod sa nakita
Hindi na siya ang Angeline na nakilala ko.
Hindi nagtagumpay ang operasyon sa kanyang mukha.
Ang dating malambot na labi, mapulang pisngi, makinis na balat, at mapungay na mata
Ay napalitan na ng maga at pasa.
Nang marinig namin ang tunog ng kotse ng kanyang asawa ay agad kaming sumilip sa bintana
At doon. Doon ko nakitang may kasamang babae ang kanyang asawa.
Mas maganda, mas bata.
Pinilit niyang ngumiti sa akin ngunit nauna ng nagbagsakan ang kanyang mga luha.
At doon ko na rin naintindihan kung bakit ginusto niyang magbago.
Ilang buwan na ang nakalipas ay biglang nawala si Angeline. Doon na rin nakatira ang babaeng kasama ng kaniyang asawa
Hindi ko alam ang dahilan ng pagkawala ni Angeline
Pero may kutob akong may kinalaman ang asawa niya dito.

BINABASA MO ANG
Bahagi
Short StoryMahigit 7 bilyong taong nabubuhay sa mundo Bawat isa ay may kwento Mga maligaya at malungkot Meron namang may tinatagong sikreto Hayaan niyong ibahagi ko sa inyo Ang kanilang mga kwento.