Tahimik na nag-aayos si Ian ng kanyang gamit sa backstage nang bigla niyang maaninagan ang isa sa member ng organization nila na tila hinihingal at may hinahanap.
"Nandiyan ba si Ate Illa?" agad na tanong nito nang dumapo ang tingin sa kanya.
"Wala, sa pagkakaalam ko nasa control booth siya." agad na sagot ng binata kay Mayumi na siya namang umalis rin kaagad.
Napailing na lang si Ian at pinagpatuloy ang pagligpit sa gamit niya. Malapit na rin mag alas dose kaya nagmamadali rin ang halos lahat sa pag pack-up dahil pahirapan nang umuwi sa ganoong oras. Pagtango at pakikipagkamay na lang ang ginagawa ni Ian na pagpapaalam sa mga kasamahan niya dahil na rin sa pagmamadali.
Nang makalabas ang binata sa auditorium ay biglang tumunog ang phone nito na agad naman niyang sinagot, "Yow!"
"Uy, pre! Ano? Diretcho ka pa ba dito sa villa?" muling napatingin si Ian sa kanyang relo at napakamot sa kilay nito. "Hindi ko alam pre, mukhang mahihirapan ako makabyahe ngayon papunta diyan."
"Okay lang kung late ka makapunta, ang mahalaga nandito ka. Wala ka namang trabaho bukas diba?"
"Sige sige, tignan ko kung makakapunta ako, update kita kapag may nasakyan na ako para mabalitaan rin yung crew."
"Sure, pre! Ingat ka."
Ramdam kaagad ni Ian ang lamig ng simoy ng hangin kahit makapal na jacket na ang suot nito. Buwan na rin kasi ng Disyembre kaya ramdam na ramda na rin ang lamig ng simoy ng hangin. Hinipan niya ang mga kamay niya at pinagkiskis para mainitan ang mga ito habang patuloy na naglalakad. Napahinto ang binata sa paglalakad nang makita niya ang isang babae na nakasandal sa poste habang may pinaglalaruang bato ang isang paa nito. Napaiwas ng tingin si Ian nang bigla itong lumingon sa gawi niya, ipinagpatuloy na lamang ng binata ang paglalakad at hindi pinansin ang magandang dalaga.
"Uh... kuya! Teka lang!"
Inilabas ni Ian ang kanyang earphone mula sa kanyang bulsa at tinanggal sa pagkakabuhol.
"Kuya! Sandali! Hoy kuyang naka jacket na pang koryano!"
Agad namang napatigil si Ian —siya lang naman at ang babae ang laman ng kalsada— at nakataas ang kilay na napatingin sa babaeng napansin niya kanina na nakasandal sa poste.
"Nagta-trabaho ka rin ba diyan sa building na yan?" turo nito sa building kung saan nakalagay ang pangalan ng theatro.
"Bakit?" walang ganang sagot nito. "Grabe naman 'to. Sinagot tanong ko ng isa pang tanong." nakasimangot na tugon ng dalaga sa kanya. Kahit gaano pa kaganda ang dalaga sa binigay nitong ekspresyon sa kanya ay hindi niya ito pinansin at tinalikuran ito dahil kailangan niyang makasakay kaagad habang may nakikita pa siyang mga sakayan papunta sa villa ng kaibigan niya.
"Oy oy! Teka lang!"
Lumingon si Ian at binigyan ng masamang tingin ang dalaga, "Miss, kung may gusto kang sabihin, sabihin mo na kaagad hindi yung paligoy-ligoy ka. Kailangan ko na kasing umuwi kaaga—"
"Nandiyan pa ba si Illa? Kanina ko pa kasi hinihintay, hindi rin sumasagot sa text—"
"Oo, palabas na rin yun maya-maya." pagkasabi nito ay tinalikuran na ng binata ang dalaga at inilagay na kaagad ang earphone.
"Thank you, ha!"
Nagising si Ian sa lakas ng tugtog na naririnig niya na para bang tinatambol ang ulo niya dahil sa lakas. Gustuhin pa man niyang matulog ay hindi niya magawa dahil tila ayaw na siyang patulugin pa ng mga taong kasama niya ngayon.