Binabasa ko ang libro mo noong high school pa ako—yung panahong simple pa ang mundo, ang pinakamabigat na problema lang ay quizzes kinabukasan at kung matatapos ko ba ang isang chapter bago matulog. Naalala ko pa kung paano akong magpuyat, nakatago sa ilalim ng kumot, mahina ang ilaw ng cellphone, tahimik ang buong bahay pero ang dibdib ko ang ingay—punô ng kilig, lungkot, at pag-asa dahil sa bawat salitang binabasa ko.
Dumating yung panahon na tinanggal ko itong app. Nahumaling ako sa Chinese BL novels, bagong mundo, bagong characters, bagong obsessions. Unti-unting natabunan ang Wattpad, hanggang sa parang alaala na lang siya—isang phase na iniwan ko nang hindi ko namamalayan.
Pero ngayon,dinownload ko ulit ang app, hindi dahil bored ako, kundi dahil namiss ko ang high school version ng sarili ko. Namimiss ko yung ako na kayang ma-in love sa fictional characters, yung ako na umaasang may update ang paboritong author, yung ako na masaya na kahit virtual lang ang mundo.
Years ago, Wattpad was everything. Bukambibig ng marami, laman ng group chats, laging nagte-trending sa Facebook. May mga kwentong sabay-sabay naming binabasa, sabay-sabay naming iniiyakan, sabay-sabay naming hinihintay ang next update. Para siyang isang tahimik na tambayan ng mga nangangarap—mga batang gustong tumakas sandali sa totoong buhay.