Malakas ang buhos ng ulan, kasabay ng nakakatakot na kulog at kidlat. Wala mang bagyo ngayon, ngunit kasing bangis nito ang nagngangalit na ulan mula sa langit.
Madilim ang paligid, malalim na ang gabi, habang ako'y naglalakad sa eskinitang ito, luhay ko'y tumutulo ng walang patid.
Ako'y litong lito, wala akong maalala, mabigat ang aking dibdib, at sa bawat pag hikbi, dala nito ang sakit na hindi ko maintindihan kung bakit.
Nakakita ako ng liwanag sa di kalayuan. Paminsang kulay asul, paminsang kulay pula. Agad ko itong tinungo, wala akong magawa, aking paa'y tila nag kusa.
Tinitigan ko ang bukas na pintuan habang nasa ilalim ng malakas na ulan. Maliwanag ang loob nito, kitang kita ang iilang taong nakaupo.
At sa huling pag hinga ng malalim, humakbang ako papasok sa lugar na aking tatawaging, bagong tahanan.
Lahat sila ay napalingon ng ako'y makapasok. Kitang kita ko ang paglaki ng kanilang mga mata dahil sa gulat at takot. Sino ba namang hindi matatakot, isang dalaga ang pumasok, mukha, kamay at damit ay puno ng dugo. Nabasa man ng napakalakas na ulan, kitang kita pa din ang bahid ng dugo sa katawan.
Parang bumagal ang oras, nang masilayan ko silang lahat. Kung paano sila bumunot ng kanilang baril mula sa kanilang bewang.
Sabay sabay nilang itinutok, ang mga baril sa aking katawan. Sabay sabay din silang sumigaw, ngunit ni isang tinig ay hindi man lang umalingawngaw.
At sa huling pagkakataon, ninais kong magsalita. Ngunit huli na ang lahat, dahil ang paligid ay nag dilim na lang bigla.